11. Pinagtagpong Muli

928 46 5
                                    

Hindi maalis ni DJ ang paningin sa malaking painting na nakasabit sa dingding. Painting iyon ng dalawang isda, mga goldfish na kulay itim at puti, na aktong umiikot sa isa't isa. Mistula silang representasiyon ng tanyag na Chinese symbol, ang yin-yang. Pero hindi iyon ang dahilan kung bakit titig na titig siya rito. May kung ano sa pag-arko ng katawan ng puting goldfish o ang pagtikwas ng mga palikpik ng itim na goldfish na nagpapaalala sa kanya ng isang panaginip. O mas akmang sabihing bangungot.

Hindi nga niya maalala ang ibang mga detalye ng panaginip bukod sa mayroon itong nagliliwanag na isda at ang pakiramdam na siya ay nalulunod. May narinig pa siyang nagsalita, boses babae, pero hindi na niya magunita kung ano ang sinabi nito. Agad itong naglaho sa kanyang isipan nang magmulat siya ng mga mata. Madaling-araw nang siya ay maalimpungatan at madilim pa ang paligid.

"Aba e, hihigupin mo ba iyang kape o palalamigin mo na lang?" Pinukaw ni Mamang ang kanyang pag-iisip. Naglapag ito ng platitong may lamang pancake sa harapan niya. Nasa kusina sila at nag-aalmusal.

"Mukhang mas interesado pa siya sa painting kaysa sa kape, Mang," kumento ni Eda habang naglalagay ng margarine sa kanyang pancake. "Ginawa iyan ng aking kaklase noong highschool. Ikinuwento ko kasi sa kanya na lagi ko silang napapanaginipan noon kung kaya't nag-alok siyang ipinta ito para sa akin. Napakagaling niya, kaunting pagsasalarawan ko lamang at kuhang-kuha na niya ito. Mukha silang buhay na buhay at ano mang oras ay lulundag kung mayroong tubig."

Napatunghay na rin ang matanda sa painting. "Napapanaginipan mo pa rin ba ang mga ito hanggang ngayon?" tanong nito sa dalaga.

Umiling si Eda sa kanya. "Iyon nga ang nakakapagtaka Mang e, magmula nang maibigay sa akin ang painting na iyan ay hindi ko na rin sila napapanaginipan."

Bumaling sa nakasalang na pancake si Mamang at binaliktad ito upang lutuin ang kabilang bahagi. "Kadalasan, may dalang mensahe ang mga panaginip. Repleksiyon sila ng mga ginagawa natin sa ating buhay, mabuti man o masama. At kung minsan, mga pahiwatig sila o babala ng mga pagbabagong magaganap sa hinaharap, na kapag lumipas na at nangyari ay mawawala na rin."

"Ganoon ba iyon, Mang?" napatingin si Eda sa painting bago napalingon sa nakababatang kapatid. Makahulugan ang mga tinging iyon at parang nahinuha kaagad ni DJ ang ibig ipahiwatig nito.

"Oo naman. Kailangan mo lang maging mapanuri sa mumunting bagay o detalyeng maaaring may kinalaman sa iyong panaginip," inilipat ni Mamang ang bagong lutong pancake sa isa pang plato at ibunos ang natitirang batter sa kawali. "Iyon ay kung maaalala mo pa ang iyong panaginip."

Bumaba ang tingin ni DJ sa kanyang pancake. Ang weird sa pakiramdam, unti-unti kasing nawawala sa kanyang diwa ang mga detalye ng panaginip. Pero ang nakapagtataka ay naroon sa kasuluk-sulukan ng kanyang pakiramdam ang isiping parang totoo itong nangyari.

Dinampot niya ang tinidor sa tabi ng platito at naghiwa ng maliit napiraso sa pancake. Ipagsasawalang bahala na lamang niya ito. Sino ba naman ang magsasayang ng oras sa isang walang kuwentang panaginip? Wala iyon sa kanyang ugali.

--------

Salamat at maulap ang kalangitan ng tanghaling iyon, bukod pa sa katotohanang mahangin rin, ang kanilang paglalakad ay hindi gaanong naging parusa para kay DJ. Gusto sana niya dalhin ang van para naman hindi ganoong nakakapagod ang kanilang lakad subali't nang itanong niya ito kay Mamang ay nadismaya siya sa sagot nito.

Sanay kasi siya sa lungsod kung saan bawat lakad niya ay naroon at may magagamit siyang kotse. At kung trip niya namang mag-commute ay nariyan ang pampublikong vehikulo.

Sinubukan naman niyang mangatwiran sa matanda at talagang namang ipinagpilitan niyang ang puntong mas mapapabilis sila kung dadalhin nila ang van, nguni't hindi pa rin siya nagwagi. Naaasar siyang isipin na nagapi siya sa isang simpleng argumento, dahil lamang sa munting pagsang-ayon ng kasambahay na nakisabat sa usapan nila ni Mamang.

BINHI (Munting Handog - Book 2 [On Going])Where stories live. Discover now