9. Ang Kuwento ni Mang Goryo

998 48 19
                                    

Upang mawaglit sa kanyang isipan ang nangyaring kababalaghan sa palengke ay nagkulong si DJ sa sariling silid matapos makapananghalian. Maghapon siyang naglaro ng video games. Nang magsawa sa nilalaro ay nag-movie marathon naman siya. Ngunit nang mabagot na siya at nawalan ng gana sa pinapanood ay nahinuha niyang hindi ganoon kadaling kalimutan ang mga nangyari. Hindi lang kasi siya ang nakasaksi sa mga naganap. Marami rin ang nakakita kung paano nilukob ng halaman ang kaawa-awang taong-grasa na sa kasamaang palad ay nagmabuting-loob lamang.

Ano kaya ang palagay nila sa mga nasaksihan? Tanong niya sa sarili habang pababa ng hagdan. Imposibleng maipaliwanag nila ito. Nobody can.

Dumiretso siya sa kusina upang maghanap nang makakain nguni’t wala siya ni isang nadatnan roon. Napakamot siya ng ulo sa pagtataka. Nasaan na kaya ang mga tao?

Tinangay niya ang nakitang mansanas sa fruit basket na nasa gitna ng dining table bago lumabas ulit. Sa hallway ay pansin niya ang kakaibang katahimikang bumabalot sa buong bahay. Ganitong-ganito ang bahay nila sa Maynila tuwing naiiwan siyang mag-isa at abala sa mga gawaing-bahay si Marietta.

Nang makalabas siya ng main door, bakanteng cottages ang sumalubong sa kanya. Ang lungkot pala ng resort kapag walang tao gaya nito. Medyo creepy sa pakiramdam lalo na’t maiingay at nagsasayang mga guest ang nakasanayan niyang makita noong mga nakaraang taon.

Napagpasiyahan niyang maglakad-lakad na lang sa dalampasigan ng resort upang magpalipas ng oras. Ngunit bago pa siya nakalakad nang malayo ay natanaw niya si Mamang sa isang sulok. Nahaharangan ng mayamungmong na sampaguita ang puwesto nito kaya’t hindi kaagad niya ito nakita kanina. May suot itong apron sa ibabaw ng suot na bulaklaking duster. Abalang-abala ito sa pagtatanggal ng mga nalantang dahon ng kanilang halamang orchid gamit ang pruning shears. Agad na nagbago ang kanyang isip at sa halip ay lumapit rito.

Napatingin naman ito sa kanyang dako nang mapansin siyang papalapit. “Gising ka na pala. Nagugutom ka ba? Gusto mong mag-merienda?” Alok nito sa pag-aakalang natulog lamang siya buong maghapon.

Umiling si DJ at nagmano sa matanda, ipinakita rito ang hawak na mansanas. Malapit nang magdilim kaya’t napagtanto niyang hindi na kailangan. “Solve na po ako dito. Tulungan ko na po kaya kayo riyan?”

“Hindi na. Malapit na rin naman akong matapos,” si Mamang naman ang tumanggi. “Nababagot ka siguro sa loob, ano?” hula nito nang sumulyap sa kanya.

Pangiwi siyang ngumiti at wala sa loob na napakagat sa dalang mansanas. “Opo e. Nasaan po pala ang mga tao?”

Patuloy lamang si Mamang sa paggupit ng mga lantang dahon na siya naman niyang inihuhulog sa katabing lumang timba. “Ang Papang at Ate Eda mo ay isinama ang mag-asawang guest natin sa boating, para naman daw ma-experience nang mga ito ang ganda ng dagat natin. Si Marietta ay may binili lamang sa bayan na hindi nailista nang mamalengke kayo kanina. May inutos naman ako kay Lito.”

“Kaya pala,” mahina niyang usal.

“Huwag kang mag-alala, uuwi rin ang mga iyon,” anang matanda sa kanya. Tumindig ito mula sa pagkakayuko at napahimas sa balakang. “May problema ka ba?”

“Wala ho,” umiwas siya ng tingin rito.

Bigla niyang naramdaman ang pagdampi nang magaspang na guwantes sa kanyang kanang pisngi. “Unang tingin ko pa lamang kanina sa ‘yo ay nabakas ko kaagad na may bumabagabag sa ‘yo. Ayos lang, maaari mong sabihin sa akin ang kahit ano.” Muli itong yumuko upang ipagpatuloy ang ginagawa.

Nag-alinlangan naman si DJ sa mga itinuran nito. Naisip niyang minsan mahirap magtiwala sa mga nakatatanda, ito ang mapait na leksiyong natutuhan niya sa sariling mga magulang. Pero sa kabilang banda, siya rin naman ang sumira sa tiwala ng mga ito at pare-pareho silang nagdusa sa bandang huli. Marahil kung pinag-igihan lamang niya ay hindi sana hahantong ang lahat sa ganito.

Tumalikod na lang siya, nahiya sa mga naisip; hindi alam kung ano ang sasabihin.

“Kumakalat ang bali-balita tungkol sa kababalaghang nangyari sa palengke kanina,” banggit ng matanda na nagpahinto sa kanya. “Naulit na naman.”

Naulit na naman? Tanong niya sa sarili. Something must have happened just like this before. “Ano pong ibig ninyo sabihin sa naulit na naman?”

Itinabi ni Mamang ang hawak na pruning shears at tinanggal ang suot nitong guwantes sa mga kamay. “Ilang buwan na rin ang nakalipas nang mangyari iyon. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala.”

Tahimik na tumango si DJ, dinampot na rin ang lumang timba para tulungan ang matanda.

“Matagal ko nang kilala si Goryo. Bata pa lang kami ay nakakasalamuha ko na siya. Tuwing panahon ng anihan, isinasama ako ng aking mga magulang noon sa palayan. Nakikita ko siyang kasama sa mga taga-ani. Masipag at matiyaga, iyan ang mga katangiang hindi ko malilimutan sa kanya,” kuwento ni Mamang.

“Ano pong nangyari sa kanya?”

“Hapon na raw iyon nang magpaalam siya sa asawa na mangunguha lamang ng kahoy na panggatong sa bundok. Sumapit ang gabi ay hindi pa rin ito nakabalik. Nang dumating ang umaga na hindi pa rin siya nakauuwi ay naalarma na ang kanyang asawa. Kasama ang ilang kapitbahay ay pinuntahan nila ang madalas pangahuyan nito subalit hindi nila ito natagpuan. Ipinagpatuloy nila ang paghahanap at matapos ang tatlong araw ay natagpuan nila ang nagsisimula nang maagnas na bangkay nito. Ang nakapagtataka roon ay wala naman itong bahid nang kahit na ano na naging sanhi nang pagkamatay nito,” biglang tumigil ang matanda at nagpahid sa sulok nang mga mata. “Subalit ang ipinagtataka nang lahat ay ang kakaibang halaman na malagong umuusbong sa loob ng kanyang bunganga. Walang sinuman ang makapagpaliwanag niyon. Subali’t ang sabi ng ilang albularyo ay napaglaruan raw ito ng mga engkanto.”

Gusto sanang sumingit ni DJ at sabihing isang engkanto rin ang kanyang nakita sa may palengke bago nangyari ang insedente nguni’t hindi siya nakapagsalita.

“Nag-alay ang kanyang asawa ng puting tandang sa lugar na kinatagpuan ng bangkay nito, nagsusumamo na kung ano man ang nagawa ng kanyang bana ay patawarin na nawa nang mga nabulabog na engkanto,” pagtatapos ni Mamang sa kuwento. “At ngayon nga ay naulit na naman.”

“Tingin nyo po ba may kinalaman ang nangyari kay Goryo sa mga nangyari kanina?” hindi na napigilan ni DJ na magtanong.

Kinuha ng matanda ang timba mula sa kanya. “Malakas ang paniniwala ko na konektado sila. Noon pa man ay marami na akong narinig na mga kuwento tungkol sa kanila. Madalas ay masasama nguni’t mayroon rin namang mabubuti.”

“May mga pagkakataon rin po kayang nakakasalamuha natin sila nang hindi natin alam kahit na maliwanag at may araw?”

Napangiti si Mamang sa kanyang itinanong. Nakikita niya sa reaksiyon nito na hindi normal para sa tulad niyang lumaki sa lungsod ang mga ganoong uri nang tanong. “At saan mo naman iyan nahagilap?”

“Naisip ko lang po,” pagdadahilan niya nguni’t pakiramdam niya ay alam na nito ang totoong rason.

“May nabanggit si Goryo sa akin noon, sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa, noong kami ay dalaga’t binata pa, na minsan, nang pumunta siya sa sawayan sa plaza, ay may nakasayaw siyang isang engkantada. Napakaganda raw nito sa tingin ng kanyang mga kasama, nguni’t ayon sa kanya ay kahindik-hindik talaga ang totoong anyo nito. Walang ibang nakakakita roon maliban sa kanya, at hindi rin naman niya ipinagsabi sa iba sa takot na baka balikan siya.”

Lalong tumindi ang kanyang pagtataka. “Paano niya po nalamang engkantada iyon?”

Itinuro ni Mamang ang bahaging nasa ilalim ng kanyang ilong. “Wala silang ganito.”

Saglit na inalala ni DJ ang eksenang bumibili ng dirty ice cream ang halamang-bata. Noon lamang niya nahinuhang wala nga itong philtrum, ang malalim na bahagi sa ibabaw ng bibig at ilalim ng ilong. “Mabuti po walang ginawa sa kanya.”

Napalitan nang bahagyang lungkot ang mga mata ng matanda. “Wala pa noon, subali’t nangyari pa rin.”

Hindi na nagtanong ulit si DJ. Lalo lamang kasing nalulungkot si Mamang tuwing naalala ang kababata nitong nabiktima rin nang masamang engkanto. Tumingala siya sa langit na unti-unting nang sinasakop ng dilim.

“Mabuti pa siguro ay maghahanda na ako ng hapunan,” ani Mamang nguni’t natigil ito sa pagpasok sa pinto nang narinig ang paghinto ng trike sa gate ng resort. Pareho silang napalingon.

Bumaba si Marietta na may bitbit na plastic bag. Umikot naman si Mang Lito mula sa back ride na may dala ring gallon na puno ng laman; isang malaking isda ang dala nito sa isang kamay at pagkalapad-lapad nang ngiti. Taliwas naman ito kay Marietta na tila hindi pa rin nakabawi sa nagdaang insidente sa dalagang maggugulay.

“May dala akong pasalubong ‘Mang,” buong pagmamalaking itinaas ni Mang Lito ang mga dala. “Tuba na mapagsasaluhan natin ni Papang mamaya at tulingan na pang-ulam raw. Bigay ni pogi nang makasalubong ko kanina. Kinukumusta niya pala si Eda,” bulong pa nito.

Sinipat-sipat ng matanda ang bitbit na isda ng driver. “Sino ba itong ‘pogi’ na ito at napapansin kong napapadalas yata ang pagbibigay niya ng isda para kay Eda?”

“Iyan ay hindi ko po maaaring sabihin. Sekreto raw po kasi.” Hindi maalis-alis ang ngiti sa labi ni Mang Lito.

“Sabihin mo sa kanya, minsan ay dumalaw rin siya dito nang personal, para naman makilala rin namin siya,” bilin ni Mamang rito bago bumaling sa kasambahay, “Halika na nga Etang at nang makapagluto na tayo ng hapunan. Patitikimin natin nang masarap na ulam na isda ang ating guests at tiyak kong pabalik na rin ang mga iyon.”

Sunud-sunod na nagsipasukan sa loob ang mga ito at naiwan sa balkon si DJ sa pag-iisip. Isang bagay ang napatunayan niya sa pakikipag-usap kay Mamang. Nakakikita siya ng mga engkanto, kagaya ni Mang Goryo.

BINHI (Munting Handog - Book 2 [On Going])Hikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin