27. Ang Lihim na Lagusan

491 28 3
                                    

Agad siyang nagkubli sa tabing na kurtina nang matanaw niyang umangat ang ulo ni Arabella sa dako ng kanyang bintana. Malayo man ay naaninag pa rin niya sa mga titig nito ang kalungkutang pilit mang itago ay nakalahad pa rin sa maamo nitong mukha. Pinanood niyang ito nang pagbuksan ni Mang Lito ng pinto ng puting van at nang humakbang na ito papasok ng kotse ay lumingon pa itong muli sa kanyang bintana. Naghihintay ito sa kanya na bumaba sapagka't nakapagbigay siya ng salita rito na sasama siya sa outing papuntang Burubukal, nguni't nagbago ang kanyang isip sa huling sandali. Kanina pa pumasok sa loob ng kotse sina Mamang at Papang, abala sa pagkarga ng mga kakailanganing gamit at mga pagkaing babaunin, samantalang lumulan na rin ang tiyahin nito pagkatapos maisaayos ang mga gamit. Nakita niya itong napatango nang bigla itong singhalan ng tiyahing tiyak niyang inip na inip na sa kakahintay bago ito napilitang pumasok. May pakiramdam siyang nakikita siya nito subali't hindi lamang ito nagtangkang tumawag sa kanyang pangalan.

Tinanaw niya ang tsuper nang isara nito ang pinto sa driver's seat at tuluyan nang umandar ang kotse tungo sa bukas na gate at naghihintay na kasambahay. Nakangiti si Marietta, na kumaway pa sa papaalis na kotse nang tumapat ito sa kanyang kinatatayuan, tila ba nakalimutan na nito ang nangyari kanina lamang, samantalang siya, ito at litong-lito sa kanyang nasaksihan.

Bumalik siya sa kanyang kama at pasalampak na umupo, katabi ang sling bag na pinaghirapan pa niyang ayusin para sa wala. Parang gusto na lamang niyang magkulong sa kuwarto buong araw at magmukmok, upang mawaglit sa kanyang isipan ang eksenang namagitan sa kasambahay at tiyahin ng panauhin, nguni't sa tuwing gagawin niya iyon ay lalo lamang lumalalim ang kanyang pagtataka at pagsidhing malinawan.

Kung puntahan kaya niya si Marietta at magtanong nang diretsahan, naisip niya, yaman at tatatlo lamang silang naiwan sa resort, kasama ang kanyang nakatatandang kapatid na ng mga sandaling iyon ay may sakit pa rin? Subali't papaano niya iyon gagawin nang hindi masasabihang tsismoso? At papaano niya ipaliliwanag sa kasambahay na narinig niya ang buong pagtatalo ng mga ito? Umiling siya. Hindi na muna niya kukumprontahin ang kasambahay. Palilipasin muna niya ang ilang mga araw o mas maiging pauuwiin muna niya ang mga panauhin bago niya iyon gagawin.

Biglang gumuhit sa kanyang gunita ang mga sinabi ni Serena sa kanya. "Hindi mo natitiyak kung sinu-sino ang nakasasalamuha mo." Pilit niyang inalala kung bakit iyon nasabi ng dalaga sa kanya at ilang saglit rin ang lumipas bago niya natumbok ang pinapakahulugan nito. Sinabi iyon ng dalaga sa kanya nang makita nito ang tiyahin ni Arabella na nakasilip sa bintana habang sila ay nag-uusap sa labas nang gabing iyon. May nalalaman ba ang dalaga tungkol sa mga panauhin na hindi niya alam? Napakaimposible naman niyong mangyari lalo pa't hindi naman niya kilala ang mga ito. Lalo lamang dumami ang mga katanungang walang kasagutan sa kanyang isip.

At si Marietta, anong lihim na pagkatao kaya ang tinatago nito sa kanila? Siya ba ay mapanganib? Dating kaanib ng isang kinatatakutang grupo? Baka naman kasapi ito ng isang kulto, dahilan kung kaya't binigyan ito ng panauhin ng balahibo na simbolo ng kanilang sinasamba? O baka naman miyembro ito ng notorious serial killers na palihim na nagkakalat ng lagim sa mga piling tao at sa mga probinsiya lamang namimiktima? Pabagsak siyang humiga sa kama at nagpakawala ng mahabang buntong-hiniga. Hindi nakatutulong ang kanyang mga naiisip. Exaggerated na masyado!

Ilang mga pagkatok sa pinto ang pumigil sa kanyang pag-iisip ng marami pang masasamang mga bagay na maaaring mangyari sa kanila habang nagsisilbi sa kanila si Marietta. Naisip kaagad niyang marahil ay tinitiyak ng mapagpanggap na kasambahay na nasa silid lamang siya bago nito isakatuparan ang matagal na binabalak, na taon rin nitong pinagplanuhan.

Kaagad siyang nag-isip ng idadahilan sa kasambahay upang huwag siya nitong gambalain. "I'm not feeling well, Marietta. Gusto ko munang mapag-isa," sabi niya nang muling kumatok ang kasambahay.

BINHI (Munting Handog - Book 2 [On Going])Where stories live. Discover now