One Shot # 9 - Payong

336 12 1
                                    

One Shot # 9:

"I like walking while it's raining. Because then, no one can see me crying."

***

Nakasandig s'ya sa pader sa tabi ng guardhouse, nakasukbit sa malapad na balikat ang dala-dalang bag. Karaniwang impis ito, ang laman lang ay mangilan-ngilang notebook at ang faithful n'yang HBW na ballpen. Pero ngayon, 'di na n'ya maizipper ng tuluy-tuloy ang bag n'ya. Alam mo kung bakit.

Flowers. Isang bouquet ng flowers na kasing pula ng dala-dala mong payong. Nakita mong sinubukan n'yang isarado ang bag ngunit 'di magawa dahil sa isang pagkahaba-habang stem ng rose.

Hindi naman umuulan, pero bakit nararamdaman mong may basa sa mata mo? Ayan, tila automatic na gumalaw ang kamay mo at binuksan ang pula mong payong para takpan ang mukha mo.

Mas lalo ka tuloy n'yang napansin. "Uy," bati n'ya, ngiting-ngiti. Dali-dali mong sinara ang payong na bitbit mo. Sinubukan mong ngumiti, pero nahalata n'yang nakatingin ka sa bag n'ya. "Ah, eto ba? Monthsary kasi namin eh."

Gusto mong sabihing, "Oo, alam ko!" Gusto mong isigaw sa mukha n'ya. Gusto mong sabihing kaya nga nakatingin ka, kasi nasasaktan ka

Pero tumingin ka lang sa kanya, napatango. "Ah," sabi mo, pinipilit ulit na ngumiti. Buti na lang, sa dinami-dami ng pagkakataong nagpanggap kang maging masaya, medyo naging kapani-paniwala na ang pagngiti mo. "Ah, good for you. Uwi na ko ah? And'yan s'ya, pababa na."

Lumakad ka na, akmang lalampasan na s'ya, nang maramdaman mong may humawak sa kamay mo. S'ya. Naramdaman mo ang mabilis na pagtibok ng puso mo.

Para sa lalaking hindi naman sa'yo.

"Sandali lang," sabi nito, nakangiti. Ayaw mo nang tingnan ang mga mata n'ya. Ang mga matang kahit anong gawin mo, pabalik-balik mo pa ring sinusulyapan dahil sa taglay nitong ningning. "Hintayin mo na s'ya. Surprise 'to eh, kanina ko pa s'ya 'di binabati."

"Baka nagtampo na sa'yo 'yun," bulong mo, pero narinig pa rin n'ya. Tumawa s'ya.

"Malamang ngang nagtampururut na 'yun. 'Yun pa?" tatawa-tawa nitong tugon. "Pero kahit pikon 'yun, ang cute cute."

Humigpit ang hawak mo sa payong. Gustung-gusto mo nang kumaripas ng takbo palabas ng gate, para sa wakas ay makauwi ka na, makahiga ka na sa kutson mo't makaiyak ... pero natatakot kang baka hawakan ulit n'ya ang kamay mo ...

at 'di mo na mapigilang umiyak sa harap n'ya.

Kaya hinintay mo na lang ang paglabas n'ya sa klasrum. S'ya, ang babaeng minamahal ng mahal mo. Matangkad, maputi, tila Koreana sa kinis. Konti na nga lang, perpekto na s'ya. Mabait din kasi ito, madalas mong nakakasama tuwing lunch at recess. 

Pero di'ba, ang unfair? Nauna mong nakilala si guy e ... pero ni minsan, hindi s'ya nagpakita ng super care sa'yo ... that is, aside from one situation na nangyari a year ago.

Nakasabay mo s'ya sa tricycle noon. Medyo nagkakabatian na kayo, kaya 'di na awkward sa loob. Problema nga lang, umuulan ng malakas noon. Pareho pa naman kayong walang dalang payong. Problema rin sa driver, ang tanging trapal na dala n'ya, 'yung para takpan lang ang gawi n'ya. Kayo tuloy dalawa sa loob, basang sisiw na.

Ikaw naman noon, kakagaling mo lang sa sakit. Alam n'ya, kasi kinumusta ka n'ya sa facebook noong nakaraang araw. Hindi s'ya umiimik noong bahagya pa lang ang basa sa palda mo, pero noong pati likod mo na'y mababasa, pinahinto n'ya ang driver.

"Ato, bakit?" tanong nito sa kanya, pero 'di s'ya sumasagot. Binigyan n'ya lang ang driver ng bente pesos, medyo maliit na halaga kung tutuusin sa layo ng tinakbo nila, pero deserve naman ni Manong 'yun dahil wala s'yang care sa pasahero n'ya. "Uy!"

Hindi s'ya lumilingon sa tricycle driver. Tuloy-tuloy lang s'ya sa paglalakad, hatak hatak ang braso mo. Buti na lang, ang binabaan n'yo, gawing may bubong ang gilid ng kalsada, kaya 'di kayo nabasa pang lalo. 

Pumara s'ya ng tricycle, 'yung may trapal na. Agad s'yang pumasok sa loob, tangay-tangay ka rin. Sinabi n'ya kung saan ka ihahatid, pagkatapos ay binayaran na rin ang pamasahe mo. Aalma ka sana, kaso may ibang ningning ang mga mata n'ya noon e. Hindi mo magawang kontrahin.

Nang huminto na ang tricycle sa harap ng bahay mo, hiniram n'ya ang payong ng tricycle driver. Pula ito, nagcocontrast ng matindi sa maputla n'yang balat. Hinatid ka n'ya hanggang sa mismong pintuan, napapangiti na lang sa napakaraming "Salamat" at "Thank you" mo. 

Nang papaalis na s'ya, nakita mong ngumiti s'ya. Bago pa man makaharurot papalayo ang tricycle, sumigaw s'ya. "Huwag mo nang kalimutan ang payong mo ah!"

Pero that was a year ago. Iba na ngayon. Hindi na kayo gano'ng kaclose. Lalo na at may girlfriend na s'ya. Ngayong isang kaibigan ka na lang sa kanya, no hope for more.

Kasi ano ka ba naman sa kanya?

Maliban sa babaeng-minsan-n'yang-tinulungan-dahil-walang-payong, wala ka na sa kanya.

Walang-wala.

At sobrang sakit na isipin 'yun.

"Babe," bati nito ngayon sa girlfriend na kakababa lang galing second floor. Saglit lang silang nagyakapan, bago nito buksan ang bag para ipakita ang bouquet. May mga dekorasyon pa ang balot ng bouquet, swirls na tila ginto. Pero ang pinakanakapukaw sa atensyon mo ay ang mga rosas.

Rosas na kasing pula ng bitbit mong payong. 

"Alis na ko, babye!" nagmamadali mong sinabi, 'di na makalingon sa dalawang naghahagikgikan pa. Pumapatak na kasi ang mga luha mo e. Mga luhang puno ng sakit. Sakit at pag-alala sa nakaraan, kung meron man.

Ayaw mong may makakita sa'yong nagkakaganito. Tinakpan mo ng shoulder bag mo ang mukha mong namumula dahil sa pag-iyak, pero kita pa rin ang mga mata mo. Natataranta mong binilisan ang paglakad, lumalalaki ang pagitan ng mga hakbang. Dumako ang mga mata mo sa kanan mong kamay. Ang payong. 

Buti na lang, may payong ka.

Some Days in Life (Compilation of One Shots)Wo Geschichten leben. Entdecke jetzt