Ikatlong Kabanata

552 109 7
                                    

Ikatlong Kabanata

Nagising ako ng bandang alas-otso ng gabi at nakita ko ang sarili na nakahiga sa sahig. Nakatulog pala ako. Epekto ba 'to ng paghiling sa mahiwagang bulaklak? Tumingin ako sa gilid ko, nandoon pa rin ang bulaklak pero hindi na ito nagliliwanag. Inilibot ko ang aking paningin, nagbabakasakaling makakakita ako ng napakaraming pera, pero wala akong nakita sa loob ng kuwarto ko. Walang nakakalat na barya. Wala ring simbolo na natupad na nga ang hiling ko.

Bakit gano'n? Sinunod ko naman ang proseso ng paghiling. Nakita ko ring naging abo ang berdeng talulot, nakita ko pa ang pagsama nito sa hangin. Kaya bakit gano'n? Bakit wala namang nangyari?

Padabog kong itinago ang bulaklak at ang lumang papel sa loob ng aking cabinet. Hindi naman yata totoo 'to. Pinaglololoko lang siguro 'ko ng magandang babae na nagbigay nito. Scammer siguro 'yon. Pero bakit hindi siya humingi ng bayad sa akin? At saka teka nga, bakit nga ba ako nagpapapaniwala sa mga ganito? Twenty-first century na, sa libro at mga palabas na lang nag-e-exist ang magic.

Lumabas ako ng kuwarto at nagtungo sa kusina. Nakita ko ro'n ang mga magulang ko na tuwang-tuwa. Nagtatatalon pa sila na parang mga bata. Anong meron?

"Nanay, Tatay, ano po'ng nangyayari? Bakit parang ang saya-saya n'yo?"

Agad namang lumapit sa akin si Nanay. "Anak! Makakapag-entrance exam ka na para sa college!"

Nagulat ako sa ibinalita niya. "P-po?"

"Dumating kanina 'yong boss namin at may dala siyang listahan ng mga pinakamasisipag na magtrabaho. Nagulat kaming lahat dahil hindi namin inakalang inoobserbahan pala nila kami. Isa ako sa mga nakalista kaya binigyan niya ako ng malaking bonus!" Ngiting-ngiti si Tatay habang nagkukuwento.

"At hindi lang 'yon, anak, na-promote rin ang tatay mo!"

Gulat na gulat ako kaya hindi ako nakapag-react agad, pero nang mag-sink in na sa akin ang mga ikinuwento nina Tatay at Nanay ay napayakap ako sa kanya. Hindi ko na rin napigilang hindi maiyak sa sobrang tuwa.

"Salamat po, Tatay! Maraming-maraming salamat po!"

"Salamat din sa Diyos, anak," rinig kong sabi ni Nanay at niyakap din nila akong dalawa.

Pagkatapos n'on ay sabay-sabay kaming kumain ng hapunan at masayang nagkuwentuhan ng kung ano-anong bagay. Sa totoo lang ay masaya ako hindi lang dahil makakabayad na ako ng tuition, kung hindi dahil nakita ko na uli ang totoong ngiti ng mga magulang ko—'yong ngiti na umaabot sa kanilang mga tainga.

Pagkatapos naming kumain ay tinulungan ko si Nanay sa pagliligpit ng mga pinagkainan at saka ako umakyat sa kuwarto. Nang makahiga ako sa kama ko ay bigla kong naalala ang tungkol kay Rosa. Kinuha ko siya sa cabinet ko, pati na ang lumang papel. Hindi kaya ito ang dahilan ng pagkakaroon ng tatay ko ng malaking bonus? Posible, dahil humiling ako kanina gamit ang berdeng talulot kung saan maaari akong humiling na magkaroon kami ng maraming-maraming pera.

Binasa kong muli ang nakasulat sa lumang papel at laking gulat ko nang makitang unti-unting nabubura ang pangungusap tungkol sa berdeng talulot. Ibig sabihin ba'y . . . ito talaga ang nagdala ng suwerte sa pamilya ko? At ibig sabihin ba'y . . . totoo nga na mababago ng bulaklak na ito ang buhay ko?

***

Kinabukasan, bago 'ko pumasok sa eskuwelahan ay binigyan ako ni Nanay ng pambayad ng tuition fee. Pumasok ako nang masayang-masaya. Gusto ko ring ikuwento kay Jairo na makakapag-entrance exam na ako sa university na gusto naming pasukan sa college. Sigurado 'kong matutuwa 'yon!

"Good morning, Syd!" bati ni Jairo.

"Good morning! May good news ako sa 'yo!" Naupo ako sa upuan ko saka humarap kay Jairo habang ngiting-ngiti. "Makakapag-entrance exam na ako!"

Rosa MagicaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon