Ikalimang Kabanata

497 110 33
                                    

Ikalimang Kabanata

Argh! Kanina pa ako nag-iisip ng paraan para makalayo kay Jairo pero wala akong maisip. Hindi puwedeng lumalim 'tong nararamdaman ko para sa kanya. Ayokong ma-friendzone. Ayokong masaktan, at higit sa lahat, ayokong masira ang pagkakaibigan namin dahil lang sa pag-ibig.

Mahihiga na sana ako sa kama nang mapadako ang tingin ko sa cabinet. Binuksan ko ang cabinet kung saan nakatago si Rosa saka iyon inilabas, pati na ang lumang papel. Bakit nga ba hindi ko naisip ang kakaibang bulaklak na 'to? Binasa ko uli ang nakasulat sa lumang papel saka hinanap ang kulay ng talulot na magbibigay ng solusyon sa problema ko.

Lila – May darating na mga bagong kaibigan sa buhay mo.

Tama, ito ang kailangan ko! Kinuha ko ang bulaklak sa vase. Handa na akong pitasin ang kulay lila na talulot nang mapatingin ako sa kulay pula. Kinuha ko uli ang papel at binasa ang kahulugan nito.

Pula - Mapapasaiyo ang pag-ibig ng taong mahal mo.

Kulay pula na lang kaya ang gamitin ko? Kapag nakuha ko na ang pagmamahal ni Jairo, hindi ko na poproblemahing baka ma-friendzone ako. Hindi ko na aalalahaning baka masaktan ako. Tama! Ito na lang ang pipitasin ko!

Pero . . . tama bang gumamit ng mahika para lang makamit ang pagmamahal ng isang tao? Hindi ba't mas masarap pa rin sa pakiramdam kung mamahalin niya ako nang bukal sa puso at hindi dahil ginamitan ko lang siya ng mahika?

Bigla akong naguluhan kung anong kulay ng talulot ang pipitasin ko, ang lila ba o ang pula?

Sa huli ay napagdesisyonan kong pitasin ang kulay lila. Oo nga't makakamit ko ang pagmamahal ni Jairo, pero alam ko na hindi ako magiging masaya dahil alam kong minahal niya lang ako dahil sa mahika. Isa pa, mas maganda na sigurong kulay lila ang gamitin ko. Mas mainam na magkaroon ako ng mas maraming kaibigan, para kung sakaling ma-friendzone ako kay Jairo ay meron akong ibang tatakbuhan bukod sa pamilya ko. Tama, kulay lila na talulot talaga ang dapat kong gamitin!

Pinitas ko na ang kulay lila na talulot at ibinulong ang aking hiling.

"Sana magkaroon ako ng mga kaibigan bukod kay Jairo." Huminga ako nang malalim at sinabi ang mga katagang "Hoc volo."

Hinipan ko na ang talulot at nakaramdam na naman ako ng panlalamig. Kagaya ng nangyari sa kulay berdeng talulot ay unti-unting naging abo ang kulay lila na talulot habang nililipad ng hangin.

***

Kinabukasan ay nagising na naman ako na nakahiga sa sahig. Nakatulog na naman pala ako. Epekto ba 'yon ng paghiling kay Rosa? Nakakatulog na lang bigla?

Tiningnan ko ang lumang papel. Nabura na ang nakasulat tungkol sa kulay lila na talulot. Matutupad kaya sa pagkakataong 'to ang hiling ko?

Napahigpit nang kaunti ang hawak ko sa lumang papel. Kapag natupad ang hiling ko, ibig sabihin, dito talaga nanggagaling ang blessings na natatanggap namin. At hindi sa Kanya.

Ibinalik ko na ang rosas sa vase at sa loob ng aking cabinet, pati na ang lumang papel. Gumayak na ako para pumasok. Habang naglalakad papunta sa school namin ay napapaisip ako kung tama ba 'yong ginawa ko. Tama bang humiling ako ng maraming kaibigan na hindi ko sigurado kung magiging mabuti ba sa akin para lang layuan ang isang tao na pinagkakatiwalaan ko?

"Hi, Syd! Good morning!"

Nagulat ako nang lapitan ako ni Kimmy at ng dalawa niyang kaibigan na sina Irene at Louela. Kailan pa kami naging close para batiin niya ako ng good morning?

"G-good morning din," bati ko na medyo naiilang.

"Syd, we just want to say . . ." Pinutol ni Kimmy ang sasabihin niya at tiningnan ang dalawa niyang kaibigan.

Rosa MagicaWhere stories live. Discover now