Ikalabindalawang Kabanata

298 84 19
                                    

Ikalabindalawang Kabanata

Walang sinayang na oras ang mga magulang ko dahil pagdating ko sa bahay ay nakita kong may tatlong sasakyan nang nakaparada sa bakanteng lote na katabi ng bahay namin.

"Good afternoon, Ma'am Sydney."

Isang dalaga na nakasuot ng uniporme na pang-katulong ang sumalubong sa akin pagpasok ko ng bahay.

"Ikaw po ba ang katulong na kinuha ni Nanay?" tanong ko.

"Opo, ako nga po," nakangiti niyang sagot.

Pinagmasdan ko siya mula ulo hanggang paa. Mukha naman siyang mabait at mukhang palangiti rin. Mukha rin naman siyang magalang at parang ang bata pa niya.

"Ano'ng pangalan mo?"

"Ako po si Shahara."

"Ilang taon ka na po?" tanong ko uli.

"Twenty-two years old pa lang po ako, Ma'am."

"Bakit po katulong ang pinili mong trabaho? Hindi ka ba nakapag-aral?"

Hindi ko inaalis ang 'po' dahil kahit na katulong namin siya ay mas matanda pa rin siya sa akin. Alam ko pa rin naman ang mga salitang paggalang at respeto.

"Hindi na po. Mahirap po kasi kami kaya high school lang ang natapos ko. Pero sa ngayon po ay nag-iipon ako para makapag-aral uli," sagot niya

Tumango-tango ako saka nagpaalam sa kanya. Pumunta na ako sa kuwarto ko at nahiga sa kama.

Hindi mawala sa isip ko ang ginawang paghaplos ni Jairo sa ulo ko kanina. Kahit na galit siya sa akin ay hindi pa rin nawawala ang pag-aalala niya. Kaibigan pa rin ang turing niya sa akin. Gusto ko nga sana siyang habulin kanina para kausapin pero bigla na lang siyang nawala. Hindi ko na siya hinanap at hinayaan na lang muna.

Bigla akong napangiti. Ang suwerte ko talaga dahil nakilala ko si Jairo. Pero ang malas niya dahil ako ang itinuring niyang best friend. Kung hindi ako ang naging best friend niya, sana hindi siya nahirapan noong mga panahong nag-aaway kami. Kung hindi ako ang naging best friend niya, hindi masasayang ang effort niya sa panghaharana. At kung hindi ako ang naging best friend niya, sana hindi ako nahihirapan sa paglayo sa kanya dahil sa nararamdaman ko.

Bakit nga ba kasi kailangang kami pa ang naging mag-best friend? E di sana hindi ako nahulog sa kanya. Sana hindi ako nahihirapang itago ang pagmamahal ko sa kanya. Kung naging simpleng classmates o schoolmates na lang sana kami sa isa't isa, e di sana hindi kami nahihirapan nang ganito.

Maya-maya'y may kumatok sa pintuan ng kuwarto ko—si Ate Shahara, tinatawag na ako para kumain ng hapunan. Nagbihis muna ako saka lumabas ng kuwarto at nagpunta sa kusina. Inabutan ko ro'n ang aking tatay na nakaupo na sa harapan ng mesa at si Ate Shahara na naghahanda ng mga pagkain.

"Nasaan po si Nanay?" tanong ko.

"Nagsabi po si Ma'am Shiela na baka gabihin daw po siya sa pag-ma-mahjong," sagot ng katulong namin.

"'Yang nanay mo, palibhasa'y may katulong na kaya ginagabi na sa paglalaro," sabi ni Tatay.

"E, ikaw po, 'Tay, bakit parang ang aga mo ngayon?" tanong ko.

"Ang sakit kasi ng katawan ko. Siguro nasobrahan sa trabaho kaya nagpaalam muna ako kay Boss na magli-leave muna ako ng one week. Pumayag naman siya dahil nga ilang beses na rin akong nag-o-overtime."

Tumango na lang ako at nagsimula na kaming kumain. Habang kumakain ay napansin ko si Ate Shahara na panay ang sulyap sa tatay ko. Naglilinis siya ng lababo habang sumasayaw pa na parang enjoy na enjoy sa paglilinis. Kumekembot-kembot pa siya at ewan ko ba kung sinasadya niya pero nasa bandang harapan kasi ni Tatay ang kinatatayuan niya kaya kitang-kita ko kung paano manlaki ang mga mata ni Tatay nang makita ang pagkembot-kembot ni Ate Shahara.

Rosa MagicaWhere stories live. Discover now