Ikalabing-tatlong Kabanata

337 80 8
                                    

Ikalabing-tatlong Kabanata

Kinabukasan ay nagising na naman ako na nakahiga sa sahig. Itatabi ko na sana si Rosa nang may maalala ako. Sinabi ni Rosaria na ingatan ko raw ang bulaklak na ito dahil alaga niya si Rosa. Paano niya inaalagaan ang bulaklak na ito kung sa bandang huli ay isang talulot na lang ang matitira? Babalik kaya ito sa anim na talulot? At bakit parang tao niya kung ituring ang bulaklak na ito?

Pinagmasdan kong mabuti ang bulaklak. Ano nga kaya ang hiwagang bumabalot dito bukod sa kaya nitong tuparin ang mga kahilingan ko?

Ilang minuto pa akong nag-isip pero dahil wala akong makuhang sagot ay naisipan ko nang itabi si Rosa. Ang babaeng nagbigay sa akin nito ang tanging makasasagot sa mga katanungan ko.

Gumayak na rin ako para pumasok sa eskuwela. Paglabas ko ng kuwarto'y nakasalubong ko si Nanay at nagtaka ako dahil kung ano'ng suot niya kahapon ay iyon pa rin ang suot niya ngayon.

"'Nay, ngayon ka lang po ba umuwi?"

"Oo, 'Nak. Nasiraan kasi 'yong sasakyan namin kagabi kaya doon muna kami natulog sa bahay ng amiga ko. Nag-text ako sa tatay mo na hindi ako makakauwi, a?"

"Baka po hindi na niya sinabi sa akin dahil maaga akong nakatulog. Pero, 'Nay, sa susunod po huwag naman kayong masyadong magpagabi. Baka po mamaya may mangyaring hindi maganda sa 'yo," nag-aalala kong bilin.

"Huwag kang mag-alala, 'Nak, hindi na ako magpapagabi uli."

Ngumiti ako. "Sino nga po palang nag-drive ng sasakyan n'yo? Hindi ka naman sanay mag-drive, a?"

"A, 'yong isang katulong ng amiga ko. Dati raw kasing jeepney driver 'yon kahit na babae siya."

Tumango-tango na lang ako. Humalik siya sa pisngi ko saka dumiretso sa kuwarto nila ni Tatay.

Pagdating ko naman sa kusina'y nandoon ang tatay ko saka si Ate Shahara. Nakita kong nagtitinginan silang dalawa at para bang may kakaiba sa mga tinginan nila.

"Good morning," bati ko at sabay silang nag-iwas ng tingin. Tumikhim pa si Tatay at binati rin ako. Binati rin naman ako ni Ate Shahara.

Habang kumakain ay hindi sinasadyang nagkatinginan kami ng tatay ko.

"Ang sarap talaga niya. Hindi na ako makapaghintay na matikman uli siya mamaya."

Teka, ano 'yon? Bakit parang nabasa ko ang iniisip ng tatay ko?

Umiwas ng tingin si Tatay at nagpatuloy na sa pagkain. Ano'ng nangyari? Totoo bang nabasa ko ang iniisip niya? At saka, sino 'yong tinutukoy niya? Sino 'yong babaeng iniisip niya? Si Nanay ba? Pero wala naman dito ang nanay ko.

Pagkatapos kong kumain ay hindi ako agad tumayo. Sinusundan ko ng tingin si Ate Shahara, hinuhuli ko ang mga mata niya. Susubukan ko kung mangyayari uli ang nangyari kanina sa tatay ko.

Kinukuha na ng katulong namin ang pinagkainan namin ng tatay ko. Nang kukuhanin na niya ang pinggan ko ay nagkatinginan kami.

"Bakit ba hindi pa rin umaalis 'tong babaeng 'to? Hindi ko tuloy siya masolo."

"Ma'am? Okay lang po kayo?"

Napahinto ako sa pagbabasa sa isip ni Ate Shahara nang bigla niya akong tanungin. Pumikit ako at umiling nang ilang beses. May kung anong ideya ang pumapasok sa isip ko tungkol sa mga narinig ko sa isip nilang dalawa pero binalewala ko 'yon. Nagkakamali ako. Guniguni ko lang 'yon.

Pero teka, nabasa ko ang isip nilang dalawa habang nakatitig sa kanilang mga mata. Ibig bang sabihin . . .

Nang matapos akong kumain ay nagpaalam na ako sa mga magulang ko para pumasok.

Rosa MagicaWhere stories live. Discover now