Chapter Thirty Six

268K 7K 1.1K
                                    

"C-Camilla..." Si Arcee ang sumalubong sa akin nang makarating ako sa ospital dala ang perang nakuha ko sa mga Montemayor. Bakas sa mukha niya ang labis na pag-aalala kaya hindi ko mapigilang kabahan.

"B-Bakit? Si Toto?"  Hindi na ako nagdalawang isip na tumakbo papasok sa loob ng ospital, diretso sa kwarto kung nasaan si Toto.

Nadatnan kong nakapalibot sa kanya ang isang doctor at tatlong nurse.

"D-Doc, ano pong nangyayari sa kapatid ko?" Agad ko silang nilapitan pero hinarang ako ng isang nurse at sinabing huwag muna akong lumapit.

"Bakit hindi ako lalapit?! Kapatid ko 'yan!" Nagsimulang tumaas ang tensyong nararamdaman ko.

"Camilla, kumalma ka lang..." Pilit naman akong pinapakalma ni Arcee na nasa tabi ko lang.

"Paano ako kakalma?! Iyong kapatid ko nahihirapan! Ito na, may pera na ako! Hindi ba't iyon naman ang kailangan niyo para buhayin ang kapatid ko?!" Tuluyan ko nang hindi napigilan pa ang nararamdaman ko lalo na't naiisip ko pa rin ang anak ko na walang kamalay-malay na ibinenta ng sarili niyang ina.

"Miss, walang mangyayari kung magsisisigaw ka dyan. Kumalma po kayo dahil iyon ang importante." Ani ng isang nurse sa akin at nagpatuloy sa pagtingin sa kapatid ko.

Wala naman akong nagawa kung hindi ang panoorin na lang sa sulok ang kapatid ko habang sinusuri ng mga nurse at doctor.

"Arcee may pera na ako, mapapaopera ko na si Toto..." Bumaling ako ng tingin kay Arcee at ipinakita sa kanya ang bag na naglalaman ng malaking halaga ng pera.

Napaawang naman ang mga labi niya sa gulat at tumitig sa akin. "Saan mo nakuha iyan, Camilla? Huwag mong sabihing..."

"Arcee, iyong anak ko..." Bumigay akong muli at napayakap na lang kay Arcee.

"Camilla..."

"Wala na iyong anak ko, Arcee. Ang sama kong tao, ang sama-sama."

"Hindi ka masama Camilla, ginawa mo lang ang sa tingin mo ay tama. Hindi mo naman iyon ginusto, hindi ba?" Kahit si Arcee ay naiiyak na rin dahil sa akin.

"Pero anak ko iyon, ako nagdala sa kanya. Paano na lang kapag naghanap siya ng ina? Paano kung hindi siya tanggapin ng ama niya? Wala akong ibang sisisihin kung hindi sarili ko."

"Camilla, wala naman tayong ibang magagawa. Mas gugustuhin mo bang mag-hirap ang anak mo kung tayo ang magpapalaki? Marse, mga estudyante pa lang tayo. Pilitin man natin, mahihirapan din ang bata. Mas ayos nang nasa kanila ang anak mo, Camilla. Gugustuhin mo bang makitang nahihirapan ang anak mo pati na rin ang kapatid mo nang sabay?" Ani Arcee.

Pakiramdam ko naman ay mababaliw na ako. Lalo na't nasa harap ko ngayon si Toto at nahihirapan.

"Doc, may malay na ulit ang pasyente." Nagmamadali akong lumapit sa kapatid ko nang marinig ko ang sinabi ng nurse.

"To..." Nakamulat na ang mga mata ng kapatid ko pero batid pa rin sa kanyang mukha na nahihirapan siya.

"Ate..." Halos bulong na lang ang lumalabas sa kanyang bibig. Hinawakan ko naman ang kamay niya at hinawi ang kanyang buhok.

"To, laban lang ha? May pera na tayo, mapapagamot na kita." Hindi ko napigilang mapaiyak kahit pilit akong nagpapakatatag para sa kapatid ko.

"Ate, nasaan baby mo..." Pakiramdam ko ay unti-unting dinudurog ang puso ko sa sinabi ng kapatid ko.

"Nasa mabuti na muna siyang mga tao para maalagaan ka ni Ate..." Pilit akong ngumiti kahit pa basag na ang boses ko sa maghapong kakaiyak.

One Summer NightTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon