Kabanata 2

4.6K 195 88
                                    

   MAG-ISANG nilalakad ni Marissa ang masukal na bahagi ng gubat. Bagaman nakararamdam siya ng takot nang dahil tanging siya lamang ang mag-isa ay nagpatuloy pa rin siya upang makarating sa talon na itinuro sa kaniya ng kaniyang napagtanungang matandang babae. Ayon rito, napakaganda ng talon na iyon at madalas na binibisita ng mga turista. Mayroon ding mga nakatira roon kaya ganoon na lang ang tuwa niya dahil sa mga tao roon na lang siya kukuha ng mga impormasyon patungkol sa lugar na iyon. Ang ipinagtataka lamang niya ay kung bakit wala man lang siyang nakasabay upang puntahan ang naturang talon.

Ang buong akala ni Marissa ay tutulungan siya ng mga kaibigan at nobyo sa kaniyang pananaliksik ngunit nagkamali siya. Mas pinili pa ng mga ito na mag-inom. Mayroon din siyang galit sa nobyong si Harry. Pinakiusapan niya itong samahan siya sa kaniyang pananaliksik ngunit tinanggihan siya nito. Batid niya ang dahilan, iyon ay dahil hindi niya ito napagbigyan noong gabi sa gusto nitong mangyari. Tuloy, mag-isa niyang gagawin ang kaniyang trabaho at nababatid niya na mahihirapan siya dahil wala man lang siyang makakasama.

Napahinto si Marissa nang makaramdam siya ng presensya ng tao. Tila sinusundan siya nito. Pinakinggan niya ang paligid, ngunit tanging inggay lamang ng kalikasan ang kaniyang naririnig. Muli siyang nagpatuloy sa paglalakad at ipinagkibit-balikat na lang niya iyon dahil maaaring dulot lang iyon ng kaniyang takot.

Naririnig na ni Marissa ang pagbagsak ng tubig mula sa mataas na bahagi at kaagad na gumuhit sa kaniyang mukha ang saya. Kinuha niya ang kuwaderno at bolpen sa dala niyang bag upang mailista ang mahahalagang impormasyon na makukuha niya sa kaniyang mapapagtanungan. Mas binilisan niya ang paglakad upang makauwi siya nang maaga dahil marami pa siyang pupuntahan.

Walang nakitang mga tao roon si Marissa at labis niya iyong ipinagtaka. Akala niya ay may maaabutan siya roon ngunit wala at iba iyon sa tinuran ng matandang babae. Kaya nang makita ni Marissa ang kubo malapit sa tubigan ay nilapitan niya iyon upang makapagtanong sa mga nakatira roon. Hinihiling niya na sana ay may tao roon dahil sa hindi maipaliwanag, kanina ba siya binabalot ng takot ngunit pinipigilan lang niyang tuluyan siyang balutin niyon.

"Tao po," ani Marissa habang nakatayo sa harapan ng kubo.

Walang narinig na tugon mula sa loob si Marissa kaya minabuti niyang tawagin muli ang mga nakatira sa kubo. Kagaya kanina ay ganoon muli ang nangyari. Tanging nakabibinging-katahimikan lamang ang bumabalot sa loob niyon.

Lumapit si Marissa sa pintuan ng kubo at bahagyang sinilip ang loob. Kumunot ang kaniyang noo nang makitang nagkalat ang mga gamit sa loob. Ang kaniyang konklusyon ay maaaring umalis na ang nakatira roon, ngunit ipinagtataka lang niya kung bakit naiwan ang mga gamit doon.

Tumalikod si Marissa sa kubo at iginala niya ang kaniyang tingin sa paligid upang maghanap ng kubong nakatirik malapit sa talon. Hindi siya nabigo dahil sa hindi kalayuan sa tabi ng may kalakihang bato, may nakatirik na kubo. Nakaramdam siya ng tuwa nang mapagtanto na nakabukas ang pinto na nangangahulugan na may tao roon at kaniya na iyong nilapitan.

"Magandang araw po," bati ni Marissa mula sa labas. Ilang sandali rin siyang naghintay sa maaaring bumungad sa pinto dahil sa tingin niya ay may ginagawa pa ang nakatira roon.

"Tao po."

Gaya kanina ay tanging pag-ihip ng hangin ang naging tugon sa pagtawag ni Marissa mula sa nakatira sa loob. Nilapitan na niya iyon upang makasiguro kung may tao sa loob. Nakita niya ang mga nagkalat din na kagamitan sa loob. Iginala niya ang kaniyang tingin sa loob at nagimbal siya sa kaniyang nakita. May mga talsik ng dugo sa dingding at maging sa kawayang sahig.

   SA tabi ng puno ay may nakatayo at madiin itong nakahawak sa itak. Matalim itong nakatingin sa kaniyang mabibiktima dahil kanina pa niya sinusundan ito. Matagal na nitong gustong patayin ang babae dahil malapit ito sa mga taong kaniyang kinamumuhian. Bahagya itong ngumisi nang nakapangingilabot.

Karen DeryahanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon