Kabanata 15

3K 112 6
                                    

   HABANG palapit nang palapit si Kevin sa bahay ng magkapatid ay siya namang paghigpit ng kaniyang paghawak sa kutsilyo. Hindi niya nais pumatay ng tao, ngunit napipilitan siyang gawin iyon dahil sa mga kasalanan na ginawa nina Karen at Derya. Bagaman batid niyang ang batas ang maaaring magparusa sa magkapatid, ngunit sa daming buhay na kinuha ng mga ito, hindi sapat ang buhay ng magkapatid bilang kabayaran. Buhay ang kanilang kinuha, buhay rin ang magiging kabayaran.

   Muling pumatak ang kaniyang mga luha nang maalala ang mga sandali nila ni Marissa. Kahit sa maikling panahon lamang niya naiparamdam ang pagmamahal niya pa rito, ipinagpapasalamat pa rin niya. Hindi lamang niya magawang maisip kung paano haharapin ang mga araw matapos ang bangungot na kanilang dinanas.

Napahinto si Kevin nang makita mula sa kalayuan ang naglalakad. Nagpapalinga-linga ito habang naglalakad na tila mayroong hinahanap. Habang papalapit ito sa kinaroroonan niya ay nakikita niya nang malinaw ang mukha nito, si Derya.

Kaagad na napangisi si Kevin at mayroon siyang nais gawin dito. Lumapit siya sa puno na nasa kaniyang tabi upang doon magtago. Iyon na ang pagkakataon niya upang maipaghiganti ang kaniyang mga kaibigan at si Marissa.

"Ate Karen!" malakas na tawag ni Derya. Ang mga yapak nito ay palakas nang palakas at nangangahulugan na malapit na ito sa punong kaniyang pinagtataguan.

Bahagyang napahinga nang malalim si Kevin nang huminto si Derya sa kaniyang harapan na tila nakaramdam ito ng presensya sa likuran nito.

Ang kamay ni Kevin na mayroong hawak na kutsilyo ay inilagay niya sa kaniyang likuran nang humarap sa kaniya si Derya.

"K-Kevin? Tama ba ako?" nakangiti nitong tanong sa kaniya. Ang mukha nito ay tila hindi nababahiran ng kaba, ngunit batid ni Kevin na ang ngiti nito ay hindi tunay.

"Tama ka, ako nga," pigil ang galit na tugon niya. Sa pagkakataong iyon, mas humigpit ang hawak niya sa kutsilyo upang paghandaan ang susunod na mangyayari.

"Mabuti at nandito ka pa." Nakita niya ang pagtingin nito sa kamay niyang nasa likuran. "Iyong mga kasama mo, nasaan sila? Bakit hindi pa kayo umaalis dito?" pagtatanong nito sa kaniya at bahagya itong humakbang palapit sa kaniya at alam niya ang susunod nitong gagawin.

Mapait siyang ngumiti dahil nagawa pa nitong magkunwaring hinahanap ang kaniyang mga kaibigan, gayon na batid niyang si Derya at ang kapatid nitong si Karen ang may kagagawan kung bakit siya na lamang ang natitira.

"Aalis na kasi kami ni ate Karen dito. Kung gusto ninyo, sasabay na kami sa inyo. Kaya lang, mahigit pitong oras ang lalakarin natin para matawid ang dalawang bundok papuntang bayan at iyon lang naman ang daan para makarating tayo sa kabilang bayan nang mas maaga. Sa pagkakaalam ko, wala ng mga sasakyan na maghahatid sa atin sa kabilang bayan. Iyong mga bangka naman, wala na," mahabang pahayag sa kaniya ni Derya at napakainosente nito na tila walang kasalanang nagawa.

Walang naging tugon si Kevin sa mga sinabi ni Derya, bagkus ay inihanda lamang niya ang sarili sa posibleng mangyari. Ang ipinagtataka lang niya kung bakit walang dalang kahit anong patalim si Derya. Gayon pa man, ipinagpapasalamat niya iyon dahil iyon na ang pagkakataon niya upang maipaghiganti ang mga kaibigan.

"Siya nga pala, nakita mo ba si ate Karen?" tanong nito sa kaniya.

"S-si Karen? D-doon ko siya n-nakita." Itinuro niya ang daan sa unahan at iyon ang pagkakataon niya upang paslangin si Derya.

Ngumiti ito sa kaniya. "Hahanapin ko lang si ate Karen. Ipasabi mo na lang kay Marissa iyong sinabi ko, sige." Tumalikod ito sa kaniya at tinignan ang direksyon na kaniyang itinuro.

Muling napangisi si Kevin. Ang kamay niyang may hawak na kutsilyo ay kaniya nang inilabas. Dahan-dahan siyang lumapit kay Derya upang hindi makalikha ng ano mang inggay.

Karen DeryahanWhere stories live. Discover now