Kabanata 10

3.2K 130 11
                                    

   "READY na ang agahan!" sigaw ni Marissa habang inilalapag niya ang mga plato sa lamesa. Siya na ang nagluto ng kanilang agahan dahil nang katukin niya ang silid ni Claret kanina ay hindi niya ito nagising. Ito ang palagi niyang katuwang sa pagluluto ngunit ngayong araw, nanibago siya.

Mabuti na lang maagang nagising si Kevin kaya ito na ang bumili ng karne kina Karen at Derya. Ito na rin ang naging katulong ni Marissa sa pagluluto ng kanilang agahan. Nang bumili ito ng karne ay nakita niya na madugo pa ang karne na nangangahulugan na sariwa pa ito.

"Ang bango, sinigang ba iyan?" inaantok na tanong ni Harry nang makalabas ito ng silid. Pahikab itong lumapit sa lamesa at naupo roon.

"Tatawagin ko lang si Claudine at Toffer," paalam ni Kevin. Bago pa man ito lumabas ay napansin ni Marissa na binato siya ng tingin nito.

"Kayo ba ang nagluto ng lalaking iyon?" may selos na tanong ni Harry.

Napatigil si Marissa sa kaniyang ginagawa at ang tingin niya ay nakatuon sa mga kutsarang hawak niya.

"Pinopormahan ka ba ng lalaking iyon, Marissa?!" punong-puno ng paninibughong tanong ni Harry.

Sinulyapan ni Marissa si Harry at nakita niya sa mga mata nito ang galit. Bumuntong-hininga siya upang pakalmahin ang sarili. "Ano bang pinagsasabi mo? Ano ngayon kung siya ang kasama kong magluto? Mabuti nga ay maaga siyang nagising dahil mayroon akong nakatulong sa pagluluto."

"Anong pinapalabas mo, sinisisi mo ako dahil hindi ako nakatulong sa iyo?" tanong ni Harry habang matamang nakatitinig ang mga mata nito kay Marissa.

Ipinagpatuloy na lang ni Marissa ang ginagawa dahil hindi niya nais na makipagtalunan pa sa kaniyang nobyo. Nang matapos ay tinungo niya ang silid ni Claret.

Nakakailang tawag na si Marissa kay Claret at hindi na niya mabilang ang kaniyang pagkatok sa pinto ng silid nito ngunit wala pa rin siyang narinig na tugon mula rito. Napailing na lang siya at muling lumapit sa lamesa. Gayon na lang ang kaniyang pagtataka dahil maagang nagigising si Claret. Hindi niya mawari kung anong dahilan kung bakit hindi pa nito ginagawang bumangon.

"Wala pa ba si Toffer?" tanong ni Claudine nang makapasok ito kasama si Kevin.

"Wala," nakakunot noong tugon ni Marissa dahil ngayon lang nangyari na hindi kasabay ni Claudine ang nobyo na magpunta sa kanilang kinaroroonan upang mag-agahan.

"Nasaan iyon?" palaisipang tanong ni Claudine. Nakakunot ang noo nito nang umupo sa tabi ni Kevin. "Mukhang masarap ito. Mabubuhay kaagad ang diwa ko nito." Naglagay si Claudine ng sinigang na baboy sa mangkok. Humigop ito roon at kaagad na bumakas ang ngiti sa labi nito. "Si Claret, tulog pa ba?" pagtatanong ni Claudine. Kinuha nito ang ikalawang karne sa mangkok at naiwan doon ang karne na may taba.

"Puyat siguro. Kanina ko pa nga tinatawag," tugon ni Marissa at gaya nina Claudine, Kevin at Harry, tila hindi niya maawat ang sarili sa pagkain. Kakaibang linamnam ang nalalasahan niya sa karne.

Hindi na nakapagsalita pa si Claudine dahil ang atensyon nito ay nasa pagkain. Hindi nito maipaliwanag ang sarap na taglay ng kinakaing karne.

"Claudine, nagising kasi ako nang pasado ala-una ng madaling araw, ikaw yata ang nakita ko sa labas ng kubo," pahayag ni Marissa at ipinagtataka pa rin niya iyon. Kahit na hindi niya gustong umawat sa pagkain, pinili pa rin niyang tanungin ang kaibigan dahil nais niyang malaman ang kasagutan.

Napahinto sa pagkain si Claudine at saka nito binato ng tingin si Marissa. "Iyon ba? Nalipungatan kasi ako. Nang magising ako, wala si Toffer sa tabi ko, kaya naman lumabas ako. Akala ko pumasok siya rito, kaya pumasok na rin ako sa loob at natulog ulit."

Karen DeryahanTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang