Kabanata 21

2.9K 107 3
                                    

   HINDI namalayan ni Marissa ang pag-agos ng kaniyang mga luha habang isa-isang tinitingnan ang bawat litratong nasa camera na pagmamay-ari ni Kevin. Ipinagpapasalamat ni Marissa na hindi iyon nailagay ni Kevin sa bag na nakuha ni Han, dahil kung hindi, wala siyang maiiwang alaala sa mga kaibigan at nobyo.

Ngayon lamang niya naisipang tignan ang mga iyon matapos ang isang linggong pananatili niya sa ospital. Nakita niya ang mga matatamis na ngiti ng mga naroroon, mga ngiti na sanhi ng kasiyahan habang sila ay nasa bayan ng Kalu. Kung sana ay ang ngiti na iyon ay kanilang binaon pauwi, sana ay masaya pa rin silang magkakasama ngayon.

Nang makita na niya ang lahat ng mga litratong kuha nilang pito sa bayan ng Kalu, mayroon siyang nakitang video at nakatitiyak siya kung saan kinuhanan iyon. Pinanood niya ang video nila ni Kevin nang minsan niya itong nakasama sa paghahanap ng magagandang lugar.

Sa simula pa lamang ay napahagulhol na siya ng iyak habang naririnig ang tawanan nilang dalawa ni Kevin.

"Halika rito, Marissa. Tignan mo itong nakikita ko," masayang wika ni Kevin sa kaniya habang kinukuhanan niya ito ng video.

"Tumayo ka lang diyan. Ngayon ko lang napansin, guwapo ka pala," ang kaniyang saad at narinig niya ang kaniyang pagtawa.

Humarap ito sa kaniya at lumapit. "Ngayon ko mo lang napansin?" tanong nito habang papalapit sa kaniya. "Akala ko pa naman, matagal mo nang napansin ang kaguwapuhan ko," pilyo nitong turan at hinablot sa kaniya ang camera.

Nakita niya roon kung paano niya takpan ang mukha gamit ang kaniyang mga palad habang siya ay tumatawa.

"Ang cute mo talaga," anito at pilit nitong hinahagilap kung saang bahagi nito makikita ang kaniyang mukha.

"Cute ka riyan, maganda," tugon niya habang tumatawa at pilit pa ring tinatakpan ang kaniyang mukha.

Itinutok nito ang camera sa bahagi kung saan mayroong magandang tanawin.

"Hindi na nakatutok sa iyo ang camera," rinig niyang anito habang ang camera ay nakatutok pa rin sa magandang tanawin.

"Bakit kasi walang tao rito, para naman makakuha ako ng mga impormasyon." Ang narinig niyang kaniyang tinig.

"Marami pa naman siguro magagandang lugar dito, Marissa. Hayaan mo, sasamahan kita."

"Sabi mo iyan ha?"

Sandali niyang inihinto ang kaniyang panonod sa video dahil tila mayroong kumukurot sa kaniyang puso. Hinayaan lamang niya ang pag-agos ng kaniyang mga luha at muling ipinagpatuloy ang panonood.

"Oo, ikaw pa."

Itinutok sa kaniya nito ang camera ngunit ang kaniyang tingin ay nakatuon lamang sa magandang tanawin.

Nakita niya ang paglayo ng camera sa kaniya na sa kaniyang pakiwari ay bahagyang lumayo sa kaniya si Kevin ngunit ang camera ay nanatiling nakatutok sa kaniya.

"Ang ganda talaga niya," narinig niyang mahinang turan nito.

Nakita niya kung paano liparin ng malakas na hangin ang mahaba niyang buhok.

Karen DeryahanWhere stories live. Discover now