Kabanata 20

2.9K 99 3
                                    

   GUMUHIT ang ngiti sa labi ni Marissa nang sa wakas, matapos ang mahabang oras ng paglalakad ay mararating na nila ang kabilang bayan. Mula sa mataas na bahagi na kanilang kinaroroonan ay natatanaw niya ang mga ilaw sa kabahayan at maging ang mga taong naglalakad. Sa wakas, makakaalis na sila sa bayan ng Kalu.

Napatingin si Marissa sa kalangitan at tuluyan nang lubog ang araw at nagsisimula nang bumalot ang dilim. Napatingin siya kay Kevin na noon ay nakangiti na tila sabik nang makatapak sa bayan na kanilang pupuntahan.

Bakas kay Kevin ang matinding pagod dahil sa mahabang oras na paglalakad na pasan-pasan pa siya. Hindi naging madali sa kanila na bagtasin ang daan paalis sa bayan ng Kalu dahil mayroong pagkakataon na kailangan nilang tumawid sa ilog at kailangan nilang makipagsapalaran. Nakipagsapalaran din sila sa pag-akyat sa mataas na bahagi na kanilang daraanan. Iyon ang napili nilang daan dahil iyon lamang ang tanging alam nila na magdadala sa kanila sa kabilang bayan bago pa tuluyang kumagat ang dilim. Bagaman nakikita niya ang hirap kay Kevin ay pinipili nitong tiisin iyon.

Ang buong akala ni Marissa ay hindi na sila makakaalis pa sa bayan ng Kalu ngunit ngayon, malapit na nilang malisan ang bayan na nagparanas sa kanila ng bangungot. Ipinagpapasalamat din niya na hindi na sila nasundan pa ni Han. Hindi man nila ito napatay, ipapaubaya na lang nila na ang batas ang sumingil sa mga kasalan nito.

"Ano nang gagawin natin, kapag nakauwi na tayo?" narinig niyang tanong ni Kevin at ramdam niya ang saya sa tono nito.

Muling ibinaling ni Marissa ang tingin sa mga natatanaw nilang ilaw. "Hindi ko alam," nakangiti niyang turan at hindi niya maiwasan ang mapangiti nang maisip ang mangyayari sa kanila ni Kevin.

Ang ngiti niyang iyon ay mabilis na napawi nang maisip ang mga kaibigan at nobyo. Masakit para sa kaniya na silang dalawa lamang ni Kevin ang makakaalis sa bayan ng Kalu, ngunit gagawin niya ang lahat upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng mga ito.

"Anong hindi mo alam? Samantalang ako, nakaplano na ang lahat," anito at naririnig niya ang mahinang pagtawa nito at batid niyang iyon ang paraan nito upang mapawi ang takot sa puso niya.

Ipinatong ni Marissa ang kaniyang baba sa balikat ni Kevin. "Pagod ka na ba? Puwede mo na akong ibaba."

"Hindi pa, Marissa. Kung liligawan kita, papayag ka ba? Pero bago ko iyon gawin, magpapaalam muna ako kay Harry."

Palihim na napangiti si Marissa at inaamin niya, kinilig siya sa mga sinabi nito. "Bakit hindi," tugon niya.

"Sabi mo iyan."

"Oo," tugon niya at tila panandalian nilang nakalimutan ang malagim na sinapit.

Ilang metro na lang ang kanilang lalakarin ay makakababa na sila mula sa kanilang kinaroroonan. Mataas ang kanilang kinaroroonan at kailangan nilang dumaan sa ligtas na daan paibaba at iyon ang kanilang babagtasin.

Napasigaw si Marissa nang maramdaman ang matalim na bagay na humiwa sa kaniyang likuran. Naramdaman din niya ang paghatak sa kaniyang buhok dahilan upang mabitawan siya ni Kevin.

Sa puntong iyon ay batid niya kung sino ang may kagagawan niyon. Hindi lamang niya maisip kung paano sila nasundan. Tila hindi ito makakapayag na makaalis sila nang buhay.

Akmang itatarak ni Han ang itak sa dibdib ni Marissa nang mabilis na itinulak ni Kevin si Han. Hindi niya hahayaang mapahamak si Marissa. Gagawin niya ang lahat upang makaligtas ito kahit buhay niya ang itaya.

Sinulyapan niya si Marissa at nakita niya na tila dumaraing ito ng matinding sakit habang nakahiga ito na nakatagilid. Namilog ang kaniyang mga mata nang makita ang maraming dugo sa likuran ni Marissa. Akmang lalapitan niya ito nang maramdaman niya ang pagtusok sa kaniyang likuran.

Karen DeryahanTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang