Kabanata 4

4.2K 177 85
                                    

   ANG malakas na tawa ni Toffer habang kinukuhanan sila nito ng video, ang dahilan upang hindi makapagpokus si Marissa sa kaniyang sinusulat sa kuwaderno na mga impormasyon na kaniyang nakalap. Mas lalo pang umingay ang kaniyang paligid nang magtawanan ang iba pa niyang kasama. Hindi na nga siya tinutulungan ng mga ito, naaabala pa siya sa kaniyang ginagawa.

Lumakad si Marissa palapit sa malaking bato na katabi ng sapa. Doon niya gawin ang kaniyang ginagawa dahil kung mananatili siya malapit sa lima bukod kay Kevin dahil nasa isang tabi lamang ito, matatapos na lang ang isang araw ay hindi pa niya natatapos ang kaniyang ginagawa. Kailangan na niyang matapos iyon dahil gusto na niyang umuwi lalo pa at mabigat ang pakiramdam niya sa bayan ng Kalu.

"Luto na itong isaw, Marissa!" tawag ni Toffer at ang tono nito ay may kalakip ng pang-iinsulto.

Napasulyap si Marissa kay Toffer at nakita niya rito na hawak nito ang isang istik ng isaw habang nakangiting nakatingin sa kaniya. Tila inaasar siya nito. Ang isaw na nakatusok sa istik ay hindi bituka ng manok kung hindi sa baboy.

Napailing na lang si Marissa at muli niyang itinuon ang atensyon sa ginagawa. Maling sumama pa siya sa mga ito dahil naaabala lang siya sa kaniyang ginagawa. Kung alam lang niya na mag-iihaw lang ang mga ito ay nagpaiwan na lamang siya sa bahay nina Toffer. Ang buong akala pa naman niya ay tutulungan siya ng kaniyang nobyo sa kaniyang trabaho, ngunit nagkamali na naman siya.

"Marissa."

Tumigil si Marissa sa kaniyang pagsusulat nang marinig ang tinig ng papalapit na si Kevin at ibinaling niya ang tingin sa likuran. Nginitian niya ito nang matamis na ngiti at muling itinuon ang atensyon sa pagsusulat. Batid na niya ang gagawin ng binata, tutulungan siya nito dahil ito lang naman ang tumulong sa kaniya nitong mga nakaraang araw.

Tumabi ang binata kay Marissa at nagpakawala ito ng malalim na buntong-hininga. "Kumain ka muna." Iniabot ng binata ang isaw kay Marissa.

Sandali pang pinagmasdan ni Marissa ang malaking isaw. Ngayon lang siya makakain ng ganoon at hindi niya alam kung kaya ba niya iyong kainin. Bagaman kahit na naduduwal siya, kinuha pa rin niya iyon dahil naamoy niya ang masarap na amoy niyon

"Bakit hindi ka nagpapatulong kay Harry?" tanong ni Kevin at tila may galit itong nadarama.

Ilang sandaling natahimik si Marissa. Upang hindi makahalata si Kevin sa kakaibang katahimikang namumutawi sa kaniya, kumagat siya ng isaw. Hindi rin niya alam kung ipaparating niya ang kasagutan. Gayon nang magpatulong siya sa kaniyang nobyo ay tumanggi pa ito sa kaniya at nakarinig siya mula rito ng dahilan na nagpintig sa kaniyang tainga.

"Pasensya ka na kung naiistorbo kita, sige." Nahalata siguro ng binata ang kakaibang katahimikan mula kay Marissa na tila inis ang dahilan dahil nagagambala ang kaniyang ginagawa.

Akmang tatayo na si Kevin nang pigilan ni Marissa ang binata. "Hindi sa ganoon, ibang dahilan." Nagpakawala si Marissa ng malalim na buntong-hininga. "Trabaho ko raw ito, kaya ako ang dapat na gumawa." Nakatingin si Marissa sa kawalan at muling bumalik ang inis na kaniyang naramdaman nang sabihin ng kaniyang nobyo ang mga katagang iyon.

"Anong ginawa mo matapos mong marinig iyon?" tanong ni Kevin at tila pinipigilan nito ang galit na nararamdaman.

"Tama siya, trabaho ko ito kaya ako ang dapat na gumawa. Ano nga ba naman ang alam niya sa pagiging researcher." Kahit sa puntong iyon ay nais na ni Marissa na mapaiyak dahil talagang nasaktan siya sa sinabing iyon ng kaniyang nobyo ay pinilit niyang pigilan iyon dahil hindi niya gustong maging mukhang kaawa-awa sa paningin ni Kevin.

"Tulungan na kita. Ano bang sinusulat mo?"

Sandaling napatingin si Marissa kay Kevin na noon ay binabasa ang nakasulat sa hawak niyang kuwadrado. Gumuhit ang ngiti sa kaniyang labi dahil sa ipinapamalas nitong kabaitan sa kaniya na higit pa sa ipinapakita ni Harry. Kung ganoon lang sana ang kaniyang nobyo, sana ay hindi na siya nasasaktan.

Karen DeryahanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon