Kabanata 19

3K 109 1
                                    

   ILANG minuto nang tumatakbo si Marissa. Ang kaniyang mga paa ay nais nang sumuko dahil sa mga natamong sugat sa kaniyang nadaraanang mga matinik na halaman, ngunit wala siyang planong huminto hangga't wala siyang makitang maaaring pagtaguan sa humahabol sa kaniya. Halos manlabo na rin ang kaniyang mga mata nang dahil sa init at pagod, ngunit kailangan niyang takasan ang tiyak niyang kamatayan.

Habang patuloy sa pagtakbo ay naisip niya si Kevin. Nasaan na ito? Ligtas kaya ito? Hindi niya alam ang kaniyang gagawin sa oras na mawala si Kevin at hindi na muli pa niyang makikita. Hindi niya rin maisip kung tamang bumalik pa siya sa bahay na iyon.

Gayon na lamang ang tuwa ni Marissa nang makita ang bahay na konkreto. Iyon lamang ang bahay sa bahaging kaniyang kinaroroonan na tila tago ang bahay na iyon. Gayon pa man, maaari niyang pasukin iyon upang makapagtago.

Ang tuwang nadarama ay mas lalong nadagdagan nang mapagtantong bukas ang pinto niyon. Kaagad niyang napansin ang may kalakihan na bag sa tapat ng pinto. Mayroon mang pagtataka ay iwinaglit niya iyon sa kaniyang isipan dahil kailangan niyang makapasok doon.

Mabilis niyang isinarado ang pinto ng bahay. Sumandal siya sa pinto at habol-hinga ang kaniyang ginawa. Nais niyang pawiin ang pagod kaya pinili niyang maupo.

"May tao ba rito?" may kalakasang tinig niya. Nanatiling tahimik ang kaniyang kinaroroonan. Minabuti muli niyang magsalita ngunit kagaya kanina, wala siyang nakuhang tugon. Napapikit na lamang siya dahil sa nadaramang takot.

Ilang sandali pa ang lumipas nang mapagpasyahan niyang idilat ang mga mata. Inilibot niya ang kaniyang tingin sa loob ng bahay. Kaagad niyang napansin ang mga bag sa ibabaw ng upuan sa gawing kanan niya. Dahil sa kaniyang kuryosidad ay pinili niyang lapitan iyon.

Binuksan niya ang siper ng bag upang kaniyang makita ang laman nito. Tumambad sa kaniya ang pamilyar na larawan, ang larawan ng magpapamilyang Karen, Derya at Han. Napaatras siya nang mapagtanto na maaaring ang kaniyang kinaroroonan ang bahay nina Karen at Derya. Bakit dito sila nakatira?

Muli niyang inilibot ang kaniyang tingin sa kabuuan ng bahay. Kaniyang nakita ang mga nagkalat na kagamitan sa bandang kusina. Malakas ang kabog sa kaniyang dibdib habang dahan-dahan niyang nilalapitan iyon.

Nakaagaw atensyon sa kaniya ang may kalakihang Freezer. Kaniya iyong nilapitan upang masuri kung ano ang laman niyon. Nang nasa harapan na siya nito ay dahan-dahan niya iyong binuksan.

Halos masuka-suka si Marissa nang maamoy ang napakabaho nitong amoy. Tuluyan niya iyong binuksan upang malaman ang laman nito. Gayon na lamang ang kaniyang pagtataka nang makita ang mga ulo ng baboy. Gayon din ang mga paa at hating katawan ng mga baboy. Maitim-itim na ang kulay ng baboy na tila ilang buwan na iyong nakalagay roon.

Labis niyang ipinagtaka kung bakit napakabaho ng amoy ng baboy gayon ay nakalagay iyon sa Freezer. Bakit maraming baboy roon?

"Marissa," nakakapangilabot na tinig mula sa kaniyang likuran.

Hindi magawang makagalaw ni Marissa dahil kilala niya ang tinig na iyon, si Han.

"Nagtataka ka ba kung bakit mayroon niyan?" tanong nito sa kaniya at batid niya ang tinutukoy nito, ang mga nasa loob ng Freezer.

Pinilit niyang nilingon ito dahil mayroong posibilidad na maaari siyang patayin nito habang siya ay nakatalikod.

"Huwag ka nang magtaka kung bakit nakapasok ako rito, dahil alam mo naman na siguro na rito nakatira ang mga mahal kong kapatid."

Nanatili itong nakatayo at ang kamay nito ay mahigpit na nakahawak sa itak.

Walang mga katagang nais lumabas sa kaniyang bibig kaya nanatili siyang walang kibo dahil sa matinding takot na nararamdaman.

Karen DeryahanWhere stories live. Discover now