Kabanata 8

3.4K 138 14
                                    

   PAGKALABAS pa lang ni Marissa ng silid ay bumungad na sa kaniya ang mahinang tawanan na nanggagaling sa labas ng bahay. Bagaman inaantok pa ay napagpasiyahan niyang lumapit sa gilid ng pintuan. Wala siyang planong magpakita lalo pa at batid niya kung sino ang may likha niyon.

"Ano ba Toffer, nakikiliti ako."

Bumilis ang tibok sa dibdib ni Marissa matapos na marinig ang tinig na iyon ni Claret. Labis ang kaniyang pagtataka nang bangitin nito ang pangalan ni Toffer. Tila ba ang tonong iyon ni Claret ay may kasamang kilig.

Piniling lumagi ni Marissa sa kaniyang kinatatayuan upang pakinggan ang dalawa. Wala noon ang tatlo at abala sa paghahanap kay Mayett. Hindi siya sumama dahil masama ang kaniyang pakiramdam nang dahil sa matinding pagod sa pagpapaskil ng larawan ni Mayett. Hindi na sumama sina Claret at Toffer dahil ayon sa dalawa, masama ang kanilang pakiramdam, ngunit sa kaniyang nakikita ay taliwas ito.

"Dito, may kiliti ka rin ba?" natatawang tanong ni Toffer at kasunod niyon ang mahinang tawa ni Claret.

"Bakit ba kasi hindi mo mahiwalayan iyang si Claudine, Toffer? Alam mo, matagal na akong naghihintay sa iyo. Sige ka, kapag napagod ako, maghahanap na lang ako ng iba."

Kahit mahina ang pagkakasabing iyon ni Claret ay narinig pa rin iyon ni Marissa at sa tono nito, punong puno iyon ng pagnanasa. Ang buong akala siguro nina Toffer at Claret ay mahimbing pa rin siyang natutulog. Walang kaalam-alam ang dalawa na nabunyag na ang lihim ng mga ito.

"Alam mo naman na hindi pa puwede, Claret. Kailangan ko pa siya, kaya maghintay ka lang. Basta iyong sinabi ko, mamaya."

Halos magngitngit sa galit si Marissa nang marinig iyon kina Toffer at Claret. Tama ang kaniyang hinala, may namamagitan sa dalawa. Hindi niya alam kung ipapaalam ba niya ito kay Claudine. Hindi niya maisip kung bakit nagawang lokohin ni Toffer si Claudine samantalang mabait naman ito at maganda. Hindi rin niya malaman kung ano ang nakita ni Toffer kay Claret na wala kay Claudine?

Dahan-dahang lumakad si Marissa pabalik sa kaniyang silid upang hindi makalikha ng inggay. Tila siya pa ang walang mukhang maiharap sa dalawa sa kabila ng kaniyang nalamang katotohanan. Gustuhin man niyang sampalin ang dalawa, ngunit hindi niya magawa.

Nang nasa harapan na si Marissa sa pinto ng silid ay tila may tumulak sa kaniya na batuhin ng tingin ang dulong bahagi ng bahay ni Toffer. Bakit sila nito pinagbabawalang pasukin iyon? Anong dahilan?

Gayon na lang ang pagkabog sa dibdib ni Marissa nang mapagtanto na hindi iyon nakakandado. Bago pa man lumapit doon ay sinulyapan niya ang pinto at naririnig niya ang tawanan ng dalawa. Hindi niya malaman kung anong pumasok sa kaniyang isipan upang pasukin ang bahaging iyon. Mayroon siyang kutob na mayroon itong itinatago roon at iyon ang nais niyang malaman.

Nangangatog na inihakbang ni Marissa ang kaniyang mga paa upang lapitan ang bahaging iyon. Nang nasa harapan ay pinihit niya ang seradura at gayon na lang ang muling pagbilis ng kabog sa kaniyang dibdib nang umikot iyon. Mahinang inggay ang nalikha nang dahan-dahan niyang buksan ang pinto.

Madilim ang paligid kaya ginamit ni Marissa ang kaniyang telepono upang punitin ang dilim na bumabalot sa loob. Malaking aparador ang kaniyang nakita na halos mapuno na ng sapot ng mga gagamba. Bago pa man humakbang upang tuluyang makapasok sa loob ay tila may bumalik sa kaniyang balintataw.

"Sa pagdating mo, malalaman na rin ang nasa likod ng pagkawala ng mga tao rito, masaya ako para roon. Ayokong magsalita, ngunit sana, pag isa-isahin mo ang mga ebidensyang magtutuklas kung sino ang nasa likod ng mga nangyayari."

"Hindi ba sinabi kong huwag kang papasok diyan?!"

Natigilan si Marissa nang marinig ang galit na tinig sa kaniyang limuran. Kilala niya iyon, si Toffer. "Nakita ko k-kasing nakabukas ito, kaya naisipan kong pumasok," tugon ni Marissa nang hindi sinusulyapan si Toffer. Pakiramdam niya ay mahuhulog na ang kaniyang puso dahil sa bilis ng pagtibok niyon.

Karen DeryahanWhere stories live. Discover now