Kabanata f(x - 41)

527K 16.4K 36.4K
                                    

[Kabanata 41]

Our Asymptotic Love Story

(page 404 - 425)

Ang Huling Kabanata

Filipinas 1689

Sa pagkakataong iyon biglang nanghina ang tuhod ni Salome. Nagkamali siya ng akala, hindi isang kasal ang magaganap ngayon sa simbahang ito kundi pagbibinyag sa mga bagong pari ng simbahan.

Napaatras na lang sa gulat si Salome habang pinagmamasdan si Fidel na binibinyagan na ngayon. Ngunit bigla siyang napatigil nang may mabangga siya sa likuran at bago pa man siya makalingon ay nagsalita na ito sa tapat ng kaniyang tenga.

"Naaalala mo ba Lumeng noong sinabi ko sa iyo na hindi ka dapat mahulog kay Fidel? Ngunit hindi ka nakinig sa kabila nang pagbibigay ko sa iyo ng babala. Ngayon sabihin mo, sino sa aming dalawa ang matagal na naglihim ng mahalagang bagay sa iyo?" bulong ni Patricio, at bigla niyang hinawakan ang magkabilang braso ni Salome dahilan upang hindi na ito makaalis pa.

"Bitiwan---" hindi na natapos niya natapos ang sasabihin niya dahil bumulong ulit si Patricio sa kaniya.

"Kailanman ay hindi ba sumagi sa iyong isipan kung anong natapos ni Fidel? Malamang nakatapos siya ng kolehiyo ngunit hindi mo pala alam kung anong natapos niya..." saad pa ni Patricio sabay hawak ng mas mahigpit kay Salome at bumulong muli ito sa huling pagkakataon.

"Licenciatura en teologia Sagrada" (Bachelor of Sacred theology) tugon ni Patricio, kasabay niyon ay parang hinigop ang buong enerhiya ni Salome habang nakatingin kay Fidel na ngayon ay isa nang ganap na pari.

Malakas na palakpakana ang umalingangaw sa loob ng simbahan kasabay niyon ang patuloy na pagtunog ng kampana.

Tila bumagal ang takbo ng paligid para kay Salome habang nakatanaw sa kaniyang sinisinta na ngayon ay binabasbasan na ng mga Obispo. Huli na ang lahat, wala na siyang magagawa pa. Wala na rin siyang takas mula sa kamay ng asawa niyang si Patricio.

Tuluyan nang pumatak ang kaniyang mga luha habang tulalang nakatitig kay Fidel mula sa di-kalayuan. Nagsimula nang lumabas ang mga tao sa loob ng simbahan habang nagkakaroon na ng parada at kasiyahan sa labas.

"Lumeng, nandito ka lang pala, kanina pa kita----" hindi na natapos pa ni Felipe ang sasabihin niya nang makita si Patricio sa likod ni Salome habang nakahawak ito sa braso ng asawa. Pagpasok nila kanina sa simbahan ay biglang nawala si Salome sa paningin ni Felipe kung kaya't nagpaikot-ikot pa ito sa loob upang hanapin ang kaibigan.

"Hanggang diyan ka na lang Indio. Sa oras na tangkain mo pang lumapit at tulungan ang asawa ko ay pagsisisihan mo na ito" banta ni Patricio kay Felipe sabay pakita ng rebolber na nakasuksok sa damit niya. Napatigil naman si Felipe sabay tingin kay Salome na ngayon ay tulalang lumuluha habang nakatingin kay Fidel.

Ilang sandali pa ay natanaw ni Salome na lumapit si Don Mauricio kay Fidel at hinagkan ang anak. Kasunod nito ay ang paglapit ng dalawang doña kay Fidel. Ang isang doña ay hinang-hina na habang akay-akay ng mga tagapagsilbi habang ang isang doña naman ay malakas pa nanlaki ang mga mata ni Salome nang makilala ang isang doña na iyon na medyo bata at malakas pa... iyon ang matapobreng doña na nagsisisigaw noon sa labas ng paggamutan ni Don Epifanio sa Pampanga.

"Lumeng..." tawag pa ni Felipe ngunit bigla siyang tiningnan ni Patricio ng masama. "Huwag mo na siyang tatawagin sa pangalan na iyan. Sa oras na malaman kong alam na ni Fidel ang lahat, ikaw at si Roselia ang una kong papatayin" seryosong tugon ni Patricio sabay hila sa asawa. Nais pa sanang sundan ni Felipe si Patricio at Salome ngunit napagtanto niya na magiging magulo lang ang lahat lalo na't isang makapangyarihang tao si Patricio at mukhang malalagay din sa kapahamakan si Salome kapag nagpumilit pa siya.

Our Asymptotic Love Story (Published by Bookware Publishing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon