KABANATA 30

64.6K 1.4K 224
                                    

Jason's P.O.V.

"Maraming salamat, Helga!" umiiyak na sabi ni Ate Jenny kasabay ng mahigpit na pagyayakapan nila ni Helga. "Hindi ko alam kung paano ka namin magagantihan sa ilang beses na pagsalba mo sa amin... Pero salamat talaga." Humagulgol na siya nang tuluyan.

"Wala 'yun, Ate. Hindi ba ganun naman talaga ang magkakapamilya? Nagtutulungan?"

Natanaw kong napangiti ang Papang samantalang ang Mamang naman ay nakasimangot at nakahalukipkip lang sa isang sulok.

"Mababayaran din namin 'yan!" masungit na sabi ni Mamang. "Ilista mo na lang muna kasama ang interes!" Nakatingin siya nang matalim kay Helga.

"Hindi po ako naghihintay ng kabayaran." malungkot na sagot ni Helga kasabay ng pagbibitaw nila ni Ate Jenny. "Kung ano man po ang naibigay ko sa pamilya, ilista niyo na lang po sa tubig."

"Walang kabayaran? Eh anong tawag mo sa pamimikot mo sa anak ko, ha? Sa palagay mo, ganoon lang ang halaga ni Jason? Hindi pwede! Kahit isangla ko pa ang kaluluwa ko sa demonyo, gagawin ko mabayaran ko lang ang perang ipinahiram mo!"

Nagulat ang Papang sa sinabi ni Mamang. Maging ako rin at si Ate Jenny ay nabigla. Isasangla ng Mamang ang kaluluwa niya sa demonyo? Seryoso siya?

"Grabe naman kayo," malumanay na sagot ni Helga. "Bakit naman po sa demonyo niyo pa isasangla ang kaluluwa ninyo? Bakit po? Friends po ba kayo?"

"Uki ni nam! Sumasagot ka pa!" Nanggigigil na ang Mamang. Susugurin na sana niya si Helga nang...

"Carmen!" pagalit na sigaw ni Papang sa kanya. "Nababaliw ka na ba?! Nagpadala na nga ang Diyos ng anghel, naghahanap ka pa ng Demonyo?!"

Kinilabutan ako sa sinabi ni Papang. Nagkatinginan naman kami ni Helga.

"Anghel? May Anghel bang imoral?!" pasigaw na sagot ni Mamang kay Papang habang tinatapunan niya ng matatalim na tingin si Helga.

"Meron..." bulong ni Helga na medyo narinig ko. Nasa tabi na ni Mamang si Ate Jenny para pakalmahin ito kaya't sigurado ako na ako lang ang nakarinig ng sinabi niya. "'Yung malibog na Anghel na ninuno ko. Sinabi na nga ni Lord na bawal mangalabit ng babaeng tao, nangalabit pa rin...'yan tuloy!" Sumulyap siya at ngumiti sa akin nang bahagya. Gusto kong matawa sa ibinulong niya pero pinigilan ko.

"Anya ti inbagana?!" pagalit na sigaw ng Mamang sa akin tungkol sa ibinulong ni Helga. Iyon ay salitang Iloko na ang ibig sabihin ay 'Anong sinabi niya?'.

"Wala po," sagot ni Helga na ikinagulat ko naman. Paano kaya niya nalaman ang ibig sabihin ng sinabi ni Mamang, eh hindi naman siya Ilocano? "Ang sabi ko po, maganda po kayo kaya lang masyado po kayong masungit."

Inipit ng Papang at ate Jenny ang kanilang mga labi para pigilan ang pagtawa. Ako naman ay yumuko para iwasan din ang gawin iyon.

"Uki ni nam ti maldita!" Nanggigil lalo si Mamang kay Helga. Susugurin sana ulit siya nito pero pinigilan ito ni Papang at ni Ate Jenny.

"Bakit po ba galit na galit kayo sa akin? Maganda naman po ako ah! Mabibigyan ko po kayo ng magagandang mga apo!"

"Imoral kang malandi ka!" sigaw ni Mamang habang pilit na kumakawala kay Papang at kay Ate Jenny.

"Kaya nga po magpapakasal na kami ni Jason eh! Pero ayaw niyo namang pumayag."

"Eh sa ayaw ko sa iyo eh! Masyado kang intrimitida! Pilosopa! Maldita!"

"Slight lang, naman po," sagot ni Helga sabay senyas ng 'gatiting' gamit ang kanyang hintuturo at hinlalaki sa kanang kamay niya. "Pero mas lamang pa rin naman po kayo sa akin. Prinsesa lang po ako, pero kayo po? Kayo pa rin ang reyna!" sabay tapon ng nang-aalaskang ngiti kay Mamang.

Ang Pag-ibig ng Aswang [PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon