8

6.8K 167 3
                                    


"Sir Grant, ngu-ngumiti ka!" Namamanghang sabi niya.

"Did I?" nagtatakang tanong naman nito.

Tumango-tango siya. "Nakita ko po!"

"Bakit masama bang ngumiti?" mayamaya ay sumbat nito.

Umiling siya. "Naku hindi po, mas gumuguwapo pa nga po kayo kapag ngumingiti kayo e." Aniya, saka niya natutop ang kanyang bibig. Ano bang pinagsasasabi niya?!

"You're blushing!" anito, saka nito itinuro ang pisngi niya.

"Blushing? Naku hindi po, guni-guni niyo lang po 'yon." Aniya, saka na siya mabilis na tumayo sa sofa at pumasok sa kuwarto.

Pagkasara niya ng pintuan ay pinakiramdaman niya ang magkabilang pisngi niya, yeah, siguro nga ay namumula na ang mukha niya. Pahamak talaga ang dila niya kung minsan e, este madalas pala.

Inihanda na niya ang kanyang higaan sa sofa. Hindi siya maaaring tumabi kay Grant sa kama, dahil hindi naman sila totoong kasal at baka kung ano pang isipin nito sa kanya.

Ang weird naman kasi ng napasok niyang laro, hindi alam ng pamilya niya ang nangyaring ito sa kanya, mabuti na rin at hindi na kumalat sa media ang ginawa ni Mrs. Mondragon na fun game na 'yon, kung hindi ay malalagot siya sa Tatay niya.

After a while ay narinig niyang bumukas na ang pintuan ng kuwarto, kaya mabilis siyang napapikit ng mga mata. Mabuti na lang at tanging ang ilaw na mula sa lamp shade sa bed side ang nakasindi noon, kaya hindi na gano'n kaliwanag sa kinaroonan niya. Kapagdaka'y nagmulat siya ng mga mata para tingnan kung ano'ng ginagawa nito.

Nakita niyang nakatayo lang ito habang nakatitig sa sofa na kinahihigaan niya. Tumalon ang puso niya at dinagsa na naman siya ng kaba. Nanlaki ang mga mata niya at napalunok siya nang mariin, nang makita niyang nagsimula na itong maglakad palapit sa kanya.

Pakiramdam niya ay biglang nanginig ang kanyang mga kalamnan, sana lang ay hindi nito mahalata na gising pa siya. Mabilis siyang pumikit at nagpanggap na tulog.

"Hey, gising ka pa ba?" narinig niyang tanong nito, pero hindi siya sumagot. "You can sleep in the bed." Anito, na mas lalong nakapagpabilis ng tibok ng puso niya.

Akala ba niya cold and stiff ang lalaking ito? Bakit parang hindi naman ito gano'n? O baka panlabas lamang nito ang coldness nito, para hindi ito malapitan ng kung sinumang mga babae?

Hindi pa rin siya sumagot dito. Paninindigan na niya ang pagtutulog-tulugan niya.

"This game is really weird," narinig niyang sabi nito. "Hey, huwag mong iisipin na ginusto ko ang bagay na 'to, wala lang akong nagawa sa kakulitan ni Mommy." Bumuga ito ng hangin.

After a minute ay hindi na niya narinig itong nagsalita, pagkabukas niya ng mga mata ay nakita na niyang nakahiga na ito sa kama, na nakaunan sa isang braso nito. Pati sa pagtulog nito ay napaka-guwapo pa rin nito.

Unang gabi nila bilang fake na mag-asawa, kumbaga sa totoong mag-asawa ay nasa honeymoon stage sila, ngunit magkakasya na lang siyang titigan ito. Sana ay mapanaginipan niya ito mamaya.

"KUMUSTA ANG unang gabi niyo ni Sir Grant?" usisa ng mga kaibigan niya. Pinaliligiran siya agad ng mga ito para usisahin ang unang gabi nila ni Grant together.

Wala namang espesyal na nangyari sa kanila ni Grant kagabi, bukod sa nakita niya itong ngumiti sa kanya. Pero ang pagngiti ni Grant na 'yon ay isa nang achievement para sa kanya, dahil hindi niya ito nakikitang ngumingiti.

"Wala, ano bang ini-expect niyo? Mga sira!" natatawang sabi niya sa mga ito.

"Asus! Kunwari ka pa! If I know," lumapit si Mary Ann sa kanya para bulungan siya. "Ginapang mo siya kagabi." Anito.

Mabilis niyang natampal ang braso nito. "Hindi 'no, muntik lang!" biro niya, saka siya tumawa.

"Share niyo naman 'yang bulungan niyo." Ani Joshua sa kanila ni Mary Ann.

"Papakyawin ko lahat ng paninda mo girl, magkuwento ka lang nang nangyari sa inyo ni Sir Grant kagabi." Ani Bryan.

Napangiti siya sa kakulitan ng mga ito. "Walang nangyaring anuman sa amin ni Sir Grant, huwag niyo na lang intindihin si Ann, hindi yata nakapag-agahan kanina." Nangingiti at naiiling na lang na sagot niya, saka niya pinanlakihan ng mga mata ang kaibigan.

Nang hindi na makakuha ng chismis ang mga ito sa kanya ay nagsibalikan na ang mga ito sa kani-kaniyang mga upuan.

"So, nasa heaven na ba ang pakiramdam mo?" ani Mary Ann sa kanya, nang sila na lang dalawa sa table nila.

Tumango-tango siya at ngumiti. Kahit pa gusto niyang ilihim ang bagay na 'yon, hindi na rin niya ma-contain ang kaligayahan niya. Being together with Grant everyday—is the true meaning of happiness.

"Gaano siya ka-hot? Nakahubad ba siya kapag natutulog? As in magkatabi kayo sa kama?" bulong na tanong nito. "Girl, ikaw ang trending topic sa kompanyang ito, para ka daw si Cinderella na biglang nakabingwit ng mayamang Prinsipe." Anito.

"Oo, hot siya, pero hindi na niya kailangang maghubad para mas lalo siyang maging hot dahil kahit naka-business suit pa siya, hot na hot pa rin siya." Natatawang sagot niya, kinilig naman ito sa sinabi niya. "Sorry to tell you, pero hindi kami magkatabing matulog, dalagang Filipina pa rin ako, saka hindi naman kami totoong mag-asawa e at tungkol sa pagiging Cinderella ko—no comment."

"Pero girl, waging-wagi ka! Ikaw na talaga ang babaeng pinagpala sa lahat!" impit na tili nito. "Akitin mo na siya, para maging totoong Mrs. Mondragon ka na." biro nito.

Tumawa siya. "Sa katawan at mukhang ito—maaakit ko ba siya?" natatawang sabi niya. Para kasi sa kanya ay mataba siya sa weight niyang fifty five kilos.

"Bakit? Hindi ka naman gano'n kataba e, katamtaman lang 'yang katawan mo. Saka maganda ka naman e, ikaw lang 'tong nagsasabing hindi."

"Pero hindi pa rin ako ang mga tipong babae ni Sir Grant, kaya bawal mag-ilusyon na maging totoong Mrs. Mondragon ako, hanggang fake Mrs. Mondragon na lang ako."

"Ano ka ba, sabi nga sa isang kasabihan, habang may buhay may pag-asa, kaya mo 'yan!"

Kung alam lang nito na plano lang ni Mrs. Mondragon ang lahat nang nangyayari; kung bakit siya ang napiling asawa para sa anak nito at may misyon lang siyang tutulungan si Grant na muling maibalik ang paniniwala nito sa pag-ibig.

Paano kung mas lalo siyang mahulog dito? Baka isang umaga ay pulutin na lang siya sa kangkungan.

We Got Married (Published under PHR-COMPLETED)Where stories live. Discover now