Rawr 3

1.3K 42 1
                                    

"KUMUSTA ang pakiramdam mo, mom? Kailangan ka ba namin uli dalhin sa hospital?" hinawakan ni Jashael ang kamay ng ina saka siya naupo sa bed side nito.

Tipid na ngumiti at umiling ang kanyang mommy. "Okay lang ang pakiramdam ko, Jash, don't worry." Anito.

"Pero mom, nakikita kitang unti-unting nanghihina, dapat ay magpa-confine ka na sa hospital para mabigyan ka nang sapat na pangangalaga." Worried na sabi niya. Naramdaman niyang hinawakan ng tita Amy ang balikat niya.

"M-Mapapagastos lang tayo, alam ko naman na kung saan ako pupunta, e," nanghihinang sagot nito. Mas lalo tuloy siyang nalungkot.

A year ago nang ma-diagnose ang mom niya na nasa last stage na sa sakit na colon cancer, ngunit bago ito nagkasakit nang malubha ay dati itong mahusay na history teacher.

Nag-undergo na din ito sa iba't ibang medication at chemotherapy ngunit mas lalo lamang nanghina ang pangangatawan nito. Ang sabi ng doctor ay may anim na buwan na lamang ang itatagal ng buhay nito ngunit nagpasalamat sila sa Diyos dahil lumagpas na sila sa taning nito.

Nag-hire din ang tita Amy niya ng private nurse para mag-alaga sa kanyang ina. May ipon naman sila para sa pagpapagamot nito dagdag pa 'yong pera sa bangko na iniwan ng daddy niya, na dating businessman para sa kanila—ngunit inilalaan 'yon ng kanyang mommy para sa pag-aaral niya ng college.

Nanghihinayang siya dahil gusto niyang maging doctor para gamutin ito ngunit sa kalagayan ng kanyang ina ay mukhang imposible na niyang maisakatuparan 'yon. Masakit na makita itong nahihirapan pero ayaw din niya itong mawala sa buhay niya, ito at ang tita na lamang niya ang natitirang pamilya niya.

"A-Amy..." narinig niyang sabi ng mommy niya, kaya mabilis na nakalapit ang tita niya.

"Ate?"

"G-Gusto ko siyang makitang muli bago man lang ako mawala sa mundo..." makahulugang sabi nito.

Napakunot-noo siyang bumaling sa tita niya. "Sino po ba talaga 'yon, tita?" curious na tanong niya.

"Susubukan namin siyang hanapin, ate, kaya huwag ka nang masyadong mag-isip." Ani tita Amy, bago bumaling sa kanya at hinila siya palayo sa tabi ng kama ng ina.

"Sino po 'yong tinutukoy ni mommy, tita?" tanong niyang muli, lagi niyang naririnig ang sinasabing 'yon ng mommy niya ngunit hindi naman siya sinasagot ng tita niya sa tuwing tatanungin niya ito.

Nakita niyang napabuga ng hangin ang tiyahin at mukhang hindi na rin kayang ilihim nang matagal 'yon sa kanya. "Gustong muling makita ng mom mo si Martin." Imporma nito.

Napakunot-noo siya sa pagtataka. "Martin?"

Tumango ito saka siya hinila palabas ng kuwarto ng mommy niya. "Si Martin Dorshner, ang unang lalaking minahal ng mommy mo na kailanman ay hindi nakalimutan." Pagtatapat nito. Hindi siya kaagad nakapagsalita dahil sa naging rebelasyon ng tiyahin. "Nakilala niya ang lalaking 'yon may nineteen years nang nakakaraan, iniligatas ng lalaki ang buhay ng 'yong ina, at doon nagsimula ang lahat. Nagmahalan sila ngunit makalipas ang ilang araw ay nagkahiwalay din sila—literal, dahil bigla na lang nawala ang lalaki at hindi na nahanap sa kung saan," kuwento nito na tinanguan niya. "Ang totoo niyan ay pinagbawalan niya akong ikuwento sa 'yo ang tungkol dito dahil baka masaktan ka dahil hindi ang daddy mo ang totoong minahal ng mommy mo, actually, nakilala lang niya ang daddy mo dahil sa mga kaibigan ng mommy mo, naging magkaibigan sila, naging sila hanggang sa nagpakasal—ngunit noon pa man ay ramdam na ng daddy mo na hindi talaga siya totoong mahal ng mommy mo, gayunpaman, umasa pa rin ang daddy mo na mamahalin siya ng mommy mo," nalungkot ito sa ikinuwento nito sa kanya, siya man ay hindi makapaniwala sa narinig at hindi siya makapaniwala na hindi mahal ng mommy niya ang daddy niya samantalang ramdam naman niya no'n na masaya silang pamilya at masayang nagsasama. "Kaya nang libing ng daddy mo ay sobrang paghingi ng tawad ng mommy mo at feeling niya ang pagkakaroon niya nang malubhang karamdaman ay karma niya dahil sa pagtataksil sa nararamdan niya para kay Martin." Saka may kung anong inilabas na picture ang tita niya. "Ito si Martin ang unang lalaking minahal ng mommy mo, na nakilala niya sa isang fieldtrip two decades ago. At ang kaisa-isang picture na mayroon siya sa lalaki na kuha pa sa pinakalumang de-film niyang camera." Imporma ng tita niya. "Sinubukan ko nang ipahanap ang lalaking 'yan sa isang Private investigator at nagpa-anunsyo na rin ako sa TV and radio para makita siya ngunit negative pa rin dahil mukhang walang nakakakilala kay Martin Dorshner."

Region of the Wolves (COMPLETED)Where stories live. Discover now