10

1K 36 0
                                    

Nag-angat ito ng tingin para bumaling sa kanya, tinitigan siya nito bago nag-iwas ng tingin sa kanya. "Akala ko ba tutuloy ka sa pupuntahan mo?" tanong nito.

Napakamot siya ng ulo at umiling. "Tama ka sa mga sinabi mo kanina, mapanganib sa gubat na papunta sa pupuntahan ko," pauna niya. "Hindi ka maniniwala sa sasabihin ko, pero alam mo ba na habang papunta ako kay Martin ay may apat na malalaking lobo akong nakita? Alam ko ay taong-lobo ang mga 'yon." kuwento niya sa lalaki. Hindi ito umimik sa kanya habang nakatingin sa madilim na kalangitan.

"So, ano'ng balak mong gawin?" kapagdaka'y tanong nito.

"Hindi ako susuko. Tama ka sa sinabi mo, maghihintay na lang ako nang makakasama ko bukas papunta sa lugar na 'yon, pero sana hindi matagalan dahil kailangan na ni mommy na makausap si Martin, malubhang-malubha na ang lagay niya at gusto kong siyang masiyahan kahit sa huling mga sandali ng buhay niya," biglang nalungkot muli ang pakiramdam niya nang maalala niya ang mommy niya, pero kailangan niyang maging matatag.

Naramdaman niyang tinapik ng lalaki ang balikat niya. "Nararamdaman ko ang nararamadman mo, dahil katulad mo, hiniling din ng aking ina na muling makita ang aking ama, ngunit hindi ko napagbigyan dahil wala pa akong lakas no'n para muling makita ang aking ama. Dalawang taon na simula nang patayin ang aking ina at dalawa ko pang mga kapatid."

Nakisimpatya siya sa nararamdaman ng lalaki at tumango-tango dito. "Kaya ba gusto mong hanapin ang ama mo sa lugar na 'to?" Saglit itong natigilan bago tumango sa kanya. "Sorry, narinig ko ang usapan n'yo ng lalaki sa truck kanina," pag-amin niya. "At narinig ko din ang pakay mo dito, kaya mas lalo akong nabuhayan dahil pareho tayong may misyon na hanapin ang mga taong sinadya natin dito."

"Pero kailangang planuhin ng mabuti ang pagkilos at huwag basta-basta sumugod, muntik ka nang mapahamak sa ginawa mo."

"P-Paano mo nalaman na muntik na akong mapahamak?"

Nag-iwas ito ng tingin. "D-Dahil ang sabi mo ay nakakita ka ng apat na malalaking lobo,"

Tumango-tango naman siya at saglit silang walang kibuan, bago niya binalikan ang malalim na sugat sa braso nito. Mabilis niyang inilabas ang first aid kit na nasa bag niya at akmang gagamutin ang lalaki nang mabilis itong dumistansya ng upo sa kanya.

"Gagamutin ko lang 'yang sugat mo," aniya.

"H-Huwag na, gagaling din ito."

"Gusto mo bang ma-impeksyon 'yan?" tanong niya, saka siya mabilis na umusog palapit sa lalaki. "Akin na at nang magamot." Aniya, ngunit itinago nito ang braso sa kanya. Hindi siya palasuko kaya imbes na tantanan ito ay mabilis niyang hinila ang braso nito—at napasinghap siya nang muntik na siyang mapasubsob sa dibdib nito. "Gagamutin ko lang naman ang sugat—" napatigil siya sa pagsasalita nang pag-angat niya ng tingin ay ang lapit pala ng kanilang mga mukha.

Lumundag ang puso niya at kasabay n'yon ay ang malakas at mabilis na pagpintig n'yon at parang hinalukay ng kung ano ang sikmura niya. What was that feeling? Mabilis siyang nakatayo para dumistansya sa lalaki ngunit dahil sa kakaibang kabang ngayon lang niya naramdaman sa buong buhay niya ay muntik pa siyang matumba, mabuti na lang at agad siyang naalalayan ni Radius.Hindi niya namalayan ang sarili na nakatitig na pala sila sa isa't isa.

Hindi siya agad natatamaan sa kaguwapuhan ng isang lalaki—kaya nga NBSB pa rin siya hanggang ngayon at inaamin niyang naging crush niya si Quinn no'ng nasa first year high school sila ngunit nawala din 'yon nang lumaon dahil bukod sa nakikipag-fling ito sa ibang mga babae ay kusa ding naubos ang paghanga siya sa kaibigan—marahil ay dahil tinanggap na niya sa sarili na bff forever sila nito.

Pero bakit ang lakas ng epekto ni Radius sa kanya? Ang weird pa nang pintig ng puso niya na parang nakipag-karerahan siya sa mga mababangis na lobo. Naunang nag-iwas ng tingin si Radius saka siya mabilis na tinulungang umayos ng tayo. Na-concious ba ito sa kanya? Parang...

Wala silang kibuan na muling naupo sa bench hanggang sa siya na lang din ang bumasag sa katahimikan nila. "A-Ayos ka lang ba talaga at ang sugat mo?" tanong niya sa lalaki.

"O-Oo, salamat sa pag-aalala." Sagot nito. saka sila muling natahimik hanggang sa may dalawang makikisig at morenong mga lalaking lumapit sa kinaroroonan nila.

"Pasensya ka na, Rad, may inayos at pinag-usapan lang kami saglit ng mga kasamahan sa bahay," sabi ng lalaking may hanggang balikat na buhok. Mabilis naman tumayo si Radius para salubungin ang dalawa kaya pati siya napatayo na din.

"Sa amin ka na tumuloy saka natin pag-usapan ang sinadya mo dito." Segunda din ng lalaking kulot ang buhok. Saka sabay na bumaling ang dalawa sa kanya na parang kinikilatis siya. "Kasama mo?" tanong nito kay Radius.

Mabilis tumango si Radius. "Si Jashael, nakilala ko sa lungsod na pinanggalingan ko." Sagot nito sa kausap. "Jashael, sina Jacobo," sabay muwestra sa lalaking may mahabang buhok. "At si Cassius," anito sa kulot ang buhok, marahil ay mas matanda ang dalawang lalaki ng isa o dalawang taon kay Radius.

Mabilis naman siyang ngumiti sa mga ito. "Nice meeting you." Aniya, saka siya mabilis na nakipagkamay sa mga ito na ikinagulat pa ng mga ito.

Agad namang nakipag-kamay ang mga ito sa kanya bago muling bumaling kay Radius. "Isinama mo siya dito?" tanong nang nakilala niyang si Jacobo.

"Hindi, may hinahanap din siyang tao," sagot ni Radius. "Pero mga kaibigan, puwede ko ba siyang isama? Wala din siyang matutuluyan, e." anito.

"Magbi-behave po ako." mabilis naman niyang segunda saka ngumiti sa mga ito. Saglit na nag-usap sa mga mata ang tatlong mga kalalakihan bago sa huli ay tumango rin kaya nakangiting nagpasalamat siya sa mga ito.

Nagsimula na silang maglakad habang nakasunod kina Jacobo at Cassius nang biglang may malakas na umalulong kaya mabilis siyang nakalapit sa tabi ni Radius at napakapit sa braso nito. Nahihiya siyang napangiti nang sabay-sabay ang tatlong lalaki na bumaling sa kanya. Nagpalipat-lipat ng tingin sina Jacobo at Cassius sa kanilang dalawa si Radius saka napangiti, kaya mabilis siyang bumitaw sa pagkakakapit sa binata.

Region of the Wolves (COMPLETED)Where stories live. Discover now