Chapter Five

64.1K 2.2K 869
                                    

CHAPTER FIVE

*Rescue comes quietly.

You didn't expect, you didn't ask.

The heavens just know. *

***

"SELINE."

Agad na napalingon si Seline nang marinig ang tawag ng asawa. "Niel! Kumusta na ang pakiramdam mo?" Tinapos niya na ang pagdidilig ng mga tinanim nila ni Sasa na camote at monggo.

Ngumiti ito. "Mas maayos na ang pakiramdam ko," anito sa namamaos pang tinig.

"Magpahinga ka pa." Dalawang araw na mula nang magkasakit ito.

Umiling ito. "Kailangan ko nang pumasok sa trabaho. Salamat sa pag-aalaga sa'kin," tila nahihiyang sabi nito.

Nginitian niya ito. "Asawa naman kita. Dapat lang na tulungan kita."

"Nahihiya ako sa'yo."

"Bakit naman?" nagtatakang tanong niya. "Hindi ba kita inaalagaan noon?"

Napabuntong-hininga ito at nag-iwas lang ng tingin. "Inaalagaan naman. Nga pala, plano kong pumunta sa sentro sa Sabado."

Tumango siya. "Dadalhin mo ba ang singsing para maipakita sa mga pulis?"

Umiling ito. "Kukuhanan ko na lang ng litrato. Pupunta ako ng clinic mamaya. Para din makuhanan ng panibagong litrato si Ganda."

"Siguro, tawagin na natin siyang Mrs. Monteverde para masanay din tayo." Tinabi niya ang pandilig sa gilid ng kubo. "Kumain ka na ba? Nagluto ako ng agahan kanina. Nakita mo ba sa lamesa?"

"Hihintayin kong magising si Sasa para makasabay na 'ko ngayon sa agahan niya."

"Alalang-alala si Sasa no'ng may sakit ka. Gusto kang lapitan pero baka mahawa siya." Pumasok siya ng kubo at sumunod naman ito.

Katahimikan ang bumalot sa kanilang mag-asawa. Habang naghuhugas siya ng kamay, ramdam niya ang titig sa kanya ni Niel kahit nakatalikod.

Napabuntong-hininga siya nang maramdaman na naman ang kilabot. Kahit sinabi niya na sa sarili na pag-aaralan niyang maging malapit at magaan muli ang loob niya sa asawa ay naiilang pa rin siya.

Nandoon pa rin at ayaw maalis ang nadarama niyang "mali" sa pagtitig, haplos, at presensiya ng asawa. Naaawa na siya rito dahil halatang mabuting tao naman si Niel, pero ganito ang nararamdaman niya sa mismong lalaking posibleng mahal niya bago mawala ang mga alaala niya.

Humarap siya rito at ngumiti na lang. Pilit inignora ang ilang na nararamdaman. "Sigurado ka bang kaya mo na?"

Tumango ito at umupo sa hapag. Umupo na rin siya katapat nito. Kumuha ito ng dalandan na nabili niya kanina sa palengke. Binalatan nito iyon at pinagpira-piraso. "Kain ka," alok nito.

"Salamat." Kumuha siya ngunit hindi tuluyang kinain iyon. "Ahm, Niel, puwede mo bang ikuwento ulit sa'kin kung paano tayo nagsimula? Hanggang sa ngayon, wala akong matandaan. Kahit kapiraso..."

Natigil ito sa pagbabalat ng dalandan at napaangat ng tingin sa kanya. "Ah, katulad ng kuwento ko noon, magkaibigan tayo sa high school. Galing ako sa hirap. Habang ikaw, galing naman sa medyo may kayang pamilya. Pero ulila ka na at ang kumupkop sa'yo ay ang Tiya Sora mo na kapatid ng tatay mo. Naging magkasintahan tayo ng huling taon sa high school. Nagtanan tayo pagkatapos ng graduation. Nagsama tayo pero hindi agad tayo nagkaanak dahil gusto mong makasal muna tayo. Kaya nagtrabaho tayo—"

Man and Wife (Wifely Duties 2) - Published by PHRDonde viven las historias. Descúbrelo ahora