CHAPTER TEN

10.3K 488 69
                                    

Pinangiliran ako ng luha nang mabasa ko ang karamihang comments sa pinagpaguran kong video. Ang boring daw with a capital 'B'. Bakit hindi na lang daw ako umuwi ng Iloilo at magtanim ng kamote? Sa lugar namin sinasabi ng mga matatanda iyon kung hindi ka naging successful sa napili mong larangan o di kaya walang kwenta ang mga pinaggagawa mo. Kaya sa palagay ko mga kababayan ko rin ang nagsabi no'n. Isipin n'yo iyon? Pinapauwi ako para magtanim na lang ng kamote! Ang saklap!

"Hoy, Talitha! Ano ba naman iyong bagong upload mo? Dinawit-dawit mo pa ang pangalan ko. Ang boring kaya ng gawa mo! Tanggalin mo ako ro'n! Baka mawalan ako ng subscribers!" talak agad ni Barang pagkasagot ko ng tawag niya nang umagang iyon. Na sinundan naman ng isa pa naming kaibigang vlogger, si Gandara. Actually, mas kaibigan siya ni Barang kaysa sa kaibigan ko. "Pinityur-pityur mo pa ang beauty ko sa bidyu mong 'alang kwenta! Ba't hindi ka na lang magbigti! Dinadamay mo ako sa kamalasan mo!" Feelingera ang ulikbang ito, eh. Nagka-one hundered thousand subscribers lang sa YouTube akala mo na kung sino.

Tiningnan ko ulit ang naturang video. Gumamit ako ng time lapses halfway through the video. Walang masyadong audio. Basta ko na lang pinakita ang mga pinuntahan naming shops sa MOA. Hindi sila edited. May katwiran nga naman ang dalawa. Kung bakit kasi nagpaapekto ako sa damdamin ko kay Morris. Hindi ko dapat hinahayaan iyon para makasagabal sa trabaho ko. Pero shit! Nawawalan na ako ng material. Hindi ko na alam kung ano ang direksiyon ng vlogs ko. Buti pa si Barang at Gandara, napangatawanan ang pagiging travel vloggers. May kuwento ang bawat uploads nila. Pero ako? Patsamba-tsamba lang. At naturingan pang graduate ng Comm Arts sa UP!

Tumigil ako sa kae-emote nang may marinig na tatlong malalakas na katok sa bandang front door ko. Nagpahid ako ng luha't sipon at sinilip ang panauhin. Pinangunutan ako ng noo nang makita ko ang mestisahing babae na natatakpan ang mukha ng dark Gucci sunglasses. Pagbukas ko ng pinto, napamulagat ako. Si Noelle Bautista, ang fiancee ni Morris! Napanganga rin siya nang makita ako. Tinaas niya nang bahagya ang sunglasses para mabistahan akong mabuti. Nakita kong tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa pagkatapos ay kinusot niya ang ilong. Nakakainsulto ang mahaderang ito, ah! Napatingin tuloy ako sa suut-suot ko. May butas sa bandang tiyan ng puting t-shirt ko na pinutulan ng manggas. Ang corduroy shorts ko'y medyo maluwang na rin ang garter kung kaya lumabas ang ibabaw na bahagi ng kulay pink kong cotton panties. On top of it all, nakalimutan kong magsuot ng tsinelas. Buti na lang kakalinis ko lang ng mga kuko. At least, hindi kahiya-hiyang ipakita sa sosyal na kagaya niya.

"You must be --- the vlogger? I mean --- what's your name online?"

Lalong nangunot ang noo ko. Ibig sabihin kasi'y she heard about me and my vlogs but here she is, pretending not to know me at all. Kung napag-alaman niya ang address ko, ibig sabihin ay kinalkal niya ang mga luma kong vlogs. Na-feature ko kasi ang bahay na ito sa isa sa mga old videos ko na marahil ay nakita na niya. O maaari ring sa kaii-stalk niya sa nobyo niya, napag-alaman niya kung saan nakatira ang vlogger na lagi na lang ay binibisita ng natagurian niyang fiance.

"Are you with me?" Pumitik-pitik pa siya ng mga daliri sa pagmumukha ko. Nairita ako, pero hindi ako nagpahalata. Sa halip, I showed her the friendliest side of me.

"The Dreamer," pakli ko. Smiling.

"Huh?" tanong niya, tila nalilito.

I smiled again. Siya yata ang lutang, eh.

"My YouTube channel's name---The Dreamer."

I saw her smirked first, before she burst into a fake laughter.

"The Dreamer? Hmn. Bagay nga sa iyo coz all you'll be is---yeah, that. The Dreamer."

"I'm sorry?" sagot ko. Pinakita kong hindi ko siya naiintindihan.

DEAR VLOGGER #21 (MORRIS SAN DIEGO'S STORY - COMPLETED)Where stories live. Discover now