Kabanata XV

1.3K 33 0
                                    

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.


---💛---

DUMATING ang mga bata nang alas singko ng hapon, sundo ni Raphael. Kasalukuyang  abala ang kambal sa kanilang pagsusulat sa sala habang si Dulce ay naghahanda ng hapunan. Siya lamang mag-isang nagluto sapagkat hindi pa nakakauwi si Dita.

Habang naglalagay ng paminta sa luto niyang adobo, nahagip niya sa kanyang tanaw sa gilid ang pagpasok ni Raphael sa kusina. Nahuli niya pati ang pagsulyap nito sa kanya bago ito naglakad ng diretso at tuluyang nawala sa kanyang paningin.

Makaraan ang ilang segundo, narinig ni Dulce ang pagbukas-sara ng refrigerator at ang marahang paglapag ng kung ano man sa lamesa. Mariin siyang napapikit. Bawat ingay na likha ng asawa, bawat galaw nito ay kumakalabit sa kanyang puso. Isang dabog pa ay talagang sasabog na si Dulce sa pagpipigil na ilabas ang kanyang hinaing dito.

Pinakiramdam niya ito. Nang muling makarinig ng kaluskos mula dito ay  tuluyang napugto ang kanyang pasensiya.  Lumihis ng landas ang takbo ng kanyang rasyonal na isipan.

Napabuntong-hininga si Dulce at sa mahinang boses ay isinambit ang kanina pang nasa kanyang isipan. "Tumawag si Rosalinda kanina."

Tumikhim si Raphael sa kanyang likuran. Lagaslas ng tubig ang sunod niyang narinig.

"Binigay ko sa kanya ang numero ng telepono noong nagkita kami," kaswal nitong sagot, tila walang takot sa kung ano man ang matuklasan niya sa usapang ito. "Bakit daw siya napatawag?"

Napakagat-labi si Dulce nang unti-unting dumaloy ang iritasyon sa kanyang mga ugat dulot ng kompiyansa sa pananalita ni Raphael. Para bang normal lang ang lahat dito, gayung hindi. Babae nito ang pinag-uusapan pero nagagawa pa rin nitong makipag-usap ng kalmado. Samantalang siya'y hindi ito maharap sa takot na baka masabunutan ito.

"Pinutol ko agad iyong tawag. Anong akala mo, kakausapin ko iyang kerida mo?" sarkastiko niyang pagbalik sa tanong nito.

"Tumawag lang 'yong tao," mahinahon pa rin nitong sambit. "Sana sinagot mo ng maayos para alam natin kung anong kailangan at napatawag."

Napairap siya sa kawalan at pinihit ang sarili paharap kay Raphael. Humigpit ang kapit niya sa sandok nang makita ang iritasyon sa mukha nito. Aba, ano bang gusto nito? Na sana sinagot niya nang maayos si Rosalinda? O baka gusto pa nitong maging mensahero siya ng dalawa.

"Baka gustong makipagkita, Raphael," wika niyang may halong poot. "Ewan ko sa inyo. Kayo ang may relasyon!"

Nagkasalubong ang kilay nito at sa paraan ng pagtitig nito sa kanya ay parang hinihimay nito kung saan galing ang impormasyong sinasabi niya. "Anong relasyon? Dulce, anong relasyon? Kailan ba matatapos itong pang-aakusa mo?"

"Sige, kung wala kayong relasyon, bakit iyon tumatawag dito?" Tinaasan niya ito ng kilay at pinameywangan bilang panghahamon niya. Halos mapugto ang kurdong kumukonekta sa kanyang lalamunan at baga dahil sa pagpipigil na sigawan ang asawa. "Ang lakas ng loob ng babaeng iyon!"

This Love Is GoldenWhere stories live. Discover now