Kabanata XX

1.4K 32 12
                                    

---💛---

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.

---💛---

MATAGAL na pinag-isipan ni Dulce ang suhestiyon ni Lazaro. Iyong marinig iyon, batid niya agad na may punto ito. Kung patuloy niyang makakasama ang asawa, hindi niya magagawang kalimutan ang pag-ibig niya dito. Kung walang mga batang maaapektuhan ay matagal na nga siyang wala sa tabi nito pero ngayon ay nag-aatubili siyang umalis dahil nga sa mga anak niya. Kailangan siya ng mga ito.


Umabot ng ilang araw bago niya napagpasiyahang kausapin si Raphael hinggil dito. Wala ang mga bata ngayon, nasa eskwela. Si Dita ay naroon din upang bantayan ang mga bata. Malaya siyang kausapin ito ng silang dalawa lang ngayon sa kusina habang nanananghalian.

Tumikhim si Dulce upang makuha ang atensiyon ng asawa. Epektibo naman ito dahil mabilis na lumipad ang tingin ni Raphael sa kanyang mukha. Nagkasalubong ang kanilang tingin kung kaya napasandal siya sa kanyang upuan.

"Naisip ko lang..." Muli siyang napatikhim. "Paano kung lumayo muna ako ng, ano, panandalian."

Nagkasalubong ang dalawang kilay ni Raphael at lumalim ang titig na ipinukol nito sa kanya, tila nang-eestudiyo sa kanyang iniisip. "Gusto mong umalis. Iyon ba ang nais mong iparating?"

May bikig man sa lalamunan ay sinikap ni Dulce na sumagot. "Oo, sana."

Umalingawngaw sa buong silid ang biglaan at padabog na paglapag ni Raphael ng kanyang kutsara sa platong puno pa sana ng pagkain. Umalpas ang singhap sa labi ni Dulce at napahawak siya sa kanyang saya sa ilalim ng mesa. Hindi niya makontrol ang panginginig ng kamay.

"Para saan?" sarkastikong sambit ni Raphael, ang titig nito ay tila tumatagos sa kanyang kaluluwa. "Para sa pansarili mong hangarin? Paano ang mga bata, ha?"

Kagat-labing napayuko si Dulce at pabulong na sinabing, "Isasama ko rin sana ang mga bata."

Lalong bumaon ang ngipin ni Dulce sa kanyang labi nang marinig ang mapagklang tawa ni Raphael.

"Sa tingin mo, papayag ako? Nag-aaral na ang mga bata tapos bigla mong ililipat sa kung saang lugar lang? At parang desidido ka pa talaga, ha?"

Patuloy lamang si Dulce sa pagyuko sa takot habang pinapakiramdam ang ingay sa paligid. Napaigtad siya nang marinig ang marahas na pag-isod ng upuan sa kanyang harapan, hudyat ng pagtayo ni Raphael.

"Wala aalis, Dulce," giit ni Raphael na siyang dahilan ng pag-angat niya ng tingin.

"Pero Raphael..." tanging namutawi sa kanyang bibig.

"Kung gusto mong umalis, sige! Umalis ka," pasigaw nitong sambit habang kinukumpas ang hintuturo sa pinto ng kusina. "Pero hindi mo madadala ang mga bata. Dito lang sila, kasama ako. Kung kaya mong iwan ang mga anak mo, ngayon din pwede ka nang maglaho."

Mariing napapikit si Dulce at naikuyom ang mga palad nang balibagin ni Raphael ang upuan nito at padabog na umalis doon. Pakiwari niya ay nabigla niya ito at nagalit dahil sa pag-aakalang madali lang sa kanyang iwan ang mga anak nila. Huminga nang malalim si Dulce at bumalik sa pagkain, ngunit ngayon ay kasalo niya ang mga luhang pumapatak sa kanyang saya.

This Love Is GoldenWhere stories live. Discover now