CHAPTER 13

1.3K 30 1
                                    

Nagsisigarilyo si Anais habang nasa tent. Hindi talaga maalis sa isipan niya ang itsura ni Waldo habang lumalabas sa kurtina. May gusto lang talaga siyang kumpirmahin.

"Ma'am," tawag ng alalay niya.

Tumingin siya rito.

"The curtain... it's the cook's room. She sleeps there."

Tumango siya para umalis na ito sa harapan niya. Tinapon niya ang sigarilyo sa lupa at inis na inis na pinatay ang apoy gamit ang sapatos. Mukhang naisahan siya rito at hindi niya gustong naiisahan siya.

Napatihaya siya sa airbed. Hindi naman kasi siya ang taong madaling ma-inlove, pero kapag ma-inlove siya todong-todo. Minsan ay inaalisa niya rin ang sarili kung ano ang nagustuhan niya kay Zachary. Siguro dahil kumpara sa ibang nakasama niya ay malambing ang lalaki kapag nasa huwisyo lang ang ulo tulad ng mga Filipinong trabahador dito. Dinalhan nga siya ng saging at mangga ng mga trabahador.

"Hi ma'am!" katok sa labas. Si Fortunato.

Pinuntahan nga niya dahil may dala itong kalabasa. Hindi niya alam kung ano ang gagawin dito, pero nagpasalamat pa rin siya.

Niyaya nga siya uling mag-inuman mamayang gabi. Cool naman siya dahil masaya naman kasama sa halakhakan ang mga Pinoy.

Buong araw nga niyang hinagilap si Waldo pero wala talaga. Nagdadalangin nga siyang umulan pa, dahil sa oras na tumila 'yan ay siguradong ipapapulis siya ng lalaki. At 'yon nga ay hindi niya teritoryo 'to, teritoryo 'to ni Waldo kaya siguradong siya ang may galamay rito. Kaya nga humahanga siya rito dahil kahit anong kabaliwan ang gawin niya ay nakakatimpi pa rin.

Ala-sais pagkatapos nilang kumain ay nagpuntahan na sila sa pinakamalaking tent. May kuryente naman dahil sa generator kaya makaka-videoke sila. At tulad ng isang araw ay napadami na naman siya ng inom. Nadi-depress siya sa sitwasyon niya dahil akala niya kasi ay makakabagong-buhay siya malayo sa magulong Paris pero hindi naman pala. Lahat na nga ng drama at papapansin ay ginawa na niya pero ayaw talaga ni Waldo.

"Do you know that stupid cook?! That b@#ch!" tanong niya sa mga trabahador.

"You are more beautiful than her madame," sabi ni Fortunato.

"Mas bata naman 'yon at mas mabango," sabi ng isang bata pang trabahador sa wikang hindi niya maintindihan.

"Alam mo si Boss puti 'yon. Foreigner yong ugali tapos taste. Alam mo naman ang mga puti di ba mahilig sa mga mukhang katulong," sagot naman ng isa.

"Grabe ka naman," sagot uli ng mas bata pang trabahador. "May itsura naman si Pinay. Maliit mukha tapos matangkad. Hindi lang kasi nakaayos. Mas type ko 'yon kaysa sa puting 'to. Maanghit 'yang puting babae. Hindi yata naliligo dahil malamig ngayon."

"Magbotohan tayo kung sino mas maganda!" sabi ni Fortunato. Ngumiti ito at ni-translate sa kanya ang gagawin. "We're going to vote madamme what will be dinner tomorrow. If milkfish o galunggong."

"Ahhhhhhh," ang sabi niya sa mga ito sabay bigay ng ngiti.

"Sino ang mas nagagandahan sa puti," tanong ni Fortunato.

Halos tumaas ng kamay ang karamihan.

"Paliguan mo 'yan ay mabango na 'yan," sabi ng isa sa mga bumuto.

"Sino kay Pinay?"

Limang kamay ang nagtaas.

"Sinolo na naman 'yon ni Zachary sa puno," sabi ng isang trabahador sabay halakhak.

"Kanina nga bumaba kami doon sa ilog para kumuha ng isdang pangpulutan natin. Naku mukhang nag-aawayan si Boss at ang Pinay habang nasa gilid ng ilog. Maya-maya hinalikan ni Boss si Pinay. Hindi na alam ng babae ang gagawin."

"Hindi rin kasi maintindihan si Boss," sabad ng lider ng mga trabahador na alam niyang Boy ang pangalan. "Minsan galit sa Pinay, palayasin ganoon-ganoon, tapos maya-maya ipapahanap. Si Loida hindi alam kung ano ang gagawin."

"Ayan nga kasi ang sinasabing suklam-suklam ng boss natin, kapag tumagal ay nagiging libog 'yan," sali ni Fortunato. "Kung ako ang tumingin ay mukhang si Boss naman talaga ang may type kay Pinay. Si Pinay mukhang go with the flow lang. Ikaw ba naman ganyan kayaman bakit ka hihindi?"

"Kardo, puntahan mo nga doon at silipin kung ano ginagawa nila," sabi ni Boy sa bata pa.

"Baka masitante naman ako sa trabaho ko."

"Yes?" sali ni Anais. Parang may pinag-uusapan ang mga ito tungkol sa Filipina at gusto niyang malaman.

"We are talking how beautiful you, madame!" sabi ni Fortunato.

"Ahhhhh..." sabi naman niya. Tuwang-tuwa talaga siya sa mga Filipino na ito. Kahit papaano ay nababawasan ang sadlak niya.

INDISCREET (to be published by Bookware Publishing Inc.)Where stories live. Discover now