Chapter Two - Positive...

7.6K 83 14
                                    

Kriiiinggggggg!!!!

Tumunog na ang bell, hudyat na tapos na ang klase. Isinara ni Ginny ang libro, tumayo at kinuha ang shoulder bag. Niyaya siya ng mga kaibigan niyang babae na kumain ng tanghalian sa labas pero tumanggi siya. "Sige kayo na lang, may tatapusin pa ako sa library." aniya sa mga ito. 

"Sige message mo lang kami if ever you change your mind." Tumango lang si Ginny at saka tumalikod. Sa totoo lang, wala siyang ganang kumain at pakiramdam niya ay masyado na siyang pagod para makihalubilo sa mga tao at makipag tawanan na para bang hindi kumikirot ang puso niya. Tatlong oras pa bago ang sunod niyang klase. Pumunta siya sa tahimik na library ng kanilang eskwelahan at ibinaling ang atensyon sa mga librong naka display sa istante. Ano naman kaya ang babasahin niya sa pagkakataong ito? Fiction o non fiction? Love o adventure story? Sana tulad ng mga librong binabasa niya ay magkaroon din siya ng happy ending, hiling niya sa sarili. Napabuntong hininga na lang siya.

"Ang lungkot mo naman Miss. Ramdam na ramdam ko sa aura mo." napatigil si Ginny sa paghahanap ng libro at napatingin siya kung saan nanggagaling ang malalim na boses. Isang matangkad na lalake ang bumungad sa kanya, nangungusap ang kulay kapeng mga mata, matangos na ilong at mapupula ang basang labi. Naka puting polo shirt at itim na slacks ito, at kahit pa ilang metro ang layo nito sa kanya ay amoy niya ang nakakahubad-panty na pabango nito. 

"Malungkot? Hindi ba pwedeng busy lang?" Pagsusuplada nito. Wala siya sa mood makipag-usap kahit kanino at kahit pa gaano kakisig ang lalakeng kaharap niya ay wala itong pakialam. 

"Kanina pa kita pinagmamasdan. Nakatingin ka diyan sa mga libro, pero sa totoo lang malayong malayo ang isip mo," sabi ng lalake sa harap niya, nakalabas na ang malalalim na biloy nito habang nakangisi. 

"Ano ka manghuhula? Kung anuman ang nararamdaman ko ngayon, sa tingin ko wala ka ng pakialam doon. Pwede bang, mind your own business?" tatalikod na sana si Ginny nang bigla siyang hinawakan sa braso ng lalake. Nanlamig bigla si Ginny dahil nagkalapit bigla ang mukha nila.

"Miss, naiwan mo ang panyo mo." anito. 'Yon lang at saka binitawan na siya ng lalake. Naglakad ito palayo sa kanya, hanggang sa makalabas ito ng library. Ilang sandaling hindi nakakilos si Ginny sa kinatatayuan. Kani- kanina lang halos wala na siyang maramdaman, manhid na siya dahil sa mga nangyari, hinang hina na. Pero sa mga oras na ito, tila may kakaibang pakiramdam ang nagising sa kanyang pagkato. Hindi niya ito mawari. 

Nang araw na iyon ay maagang umuwi si Ginny. Pagkauwi niya ay tinulungan niya ang kanyang lola na kumuha ng mga sinampay at maghanda ng hapunan. Mahal na mahal niya nag kanyang lola, ang lola niya ang pinakapaborito niyang tao sa buong mundo. Bata pa lang kasi sila ng mga kapatid niya ay ito na ang nag aruga sa kanila, habang ang kanyang Ina naman ay nagtatrabaho bilang nurse sa Singapore. At dahil malapit lang ang Singapore sa Pilipinas, dalawang beses sa isang taon kung umuwi sa Maynila ang kanyang Mama, pero ilang araw lang ang tinatagal nito. "Malapit na dumating ang Mommy mo ah, tulungan mo ako sa darating na Sabado linisin ang taas ng cabinet niya."

"Opo lola, 'wag po kayong magalala, ako na po ang bahala doon." 

Naging maganda ang gabing iyon para kay Ginny. Pakiramdam niya ay umo-okay na ang pakiramdam niya inside and out. Siguro, sa isip isip niya, unti unti na siyang nakaka-move on. Masaya ang kwentuhan nilang maglola, silang dalawa lang ang magkasama sa bahay na iyon pero dahil naging mailap siya ng mga nakaraang linggo ay tila napakarami nilang napagkukuwentuhan ngayon. 

Nang matapos silang kumain ay niligpit na niya ang hapag kainan. Naghuhugas na siya ng plato nang biglang nakaramdam siya ng pagkahilo. Maya maya lamang ay bigla siyang naduwal sa lababo. 

Nang nasigurado na niyang tulog na ang kanyang lola sa silid nito, ay dahan dahang bumalikwas sa pagkakahiga si Ginny. Binuksan niya ang cabinet kung saan naroroon ang isang kahon na naglalaman ng pregnancy kit na binili niya ilang araw na ang nakakalipas sa 7eleven. Napalunok siya at hindi malaman ang sunod na gagawin. Binasa na muna niya ang nakasulat na direksyon sa may likod ng kahon. Ang sabi dito, wala pang limang minuto ay malalaman na niya ang resulta. Kapag isang guhit, ang ibig sabihin ay negative. Kapag dalawa, ibig sabihin ay positive, positive means buntis siya. Lumabas siya sa kwarto at tumungo sa may banyo. Ibinaba niya ang salawal at saka sinunod ang sinabi na direksyon. 

Iyon na ata ang pinakamahabang minuto ng buhay niya. Malakas ang kabog ng kanyang dibdib at nanlalamig ang kanyang buong katawan. Nasapo niya ang bibig at saka napaluha nang makita ang resulta. Gumuhit ang pangalawang linya. Ibig sabihin ay buntis siya. Pinagbubuntis niya ang resulta ng ilang buwan niyang pagsisinungaling sa kanyang lola, pinagbubuntis niya ang anak ng lalakeng iniwan siya sa ere ilang linggo na ang nakakaraan. Ang lalakeng dumurog ng puso at pagkatao niya. Walang nagawa si Ginny kung hindi ay tahimik na umiyak nang gabing iyon hanggang siya ay makatulog.

Sakit ng KahaponWhere stories live. Discover now