Part 10

30.7K 774 39
                                    


ILANG SEGUNDO ang lumipas bago sumagot si Keith. "Dahil importante ka kay Yona at gusto ko makilala kung anong klase ng tao ang nanay niya. In return, gusto ko rin malaman mo kung anong klaseng tao ako para mawala ang mga pagdududa na sigurado akong mayroon ka tungkol sa akin. I want us to get along with each other for her sake. Mas matalas ang pakiramdam at mas matalino kaysa akala ng marami ang mga bata. Malalaman niya agad kung nagkukunwari lang tayong may maayos na relasyon. Gusto kong makuha ang tiwala niya para mas maging acceptable sa kaniya kapag sinabi ko na kung sino talaga ako."

Marahang napatango si Sylve at napabuntong hininga. "Fine. Puwede tayo maging magkaibigan kung iyon ang makakabuti para sa anak ko."

"Thank you," nakangiting sagot ni Keith. "Kaya hayaan mo na akong maging driver mo for the day. Para may dahilan ako na sumama sa pagsundo kay Yona mamaya. Saka baka maisip mo ako imbitahan mag dinner kasama niyo."

Tumaas ang isang kilay ni Sylve. "Pinagbigyan lang kita nang konti parang balak mo na umabuso agad, ha?"

Malakas at malutong ang naging tawa ni Keith. Nakakahawa. Kahit tuloy gusto niya magtaray hindi pa rin niya napigilan mapangiti. Napasulyap ito sa kaniya at nagkaroon ng kakaibang kislap sa mga mata nang magkomento, "I'm glad that you're smiling. I was worried to approach you at first. Basic information mo lang ang nakalagay sa investigation report na natanggap ko kasi ang anak ko lang naman talaga at si Emerald ang pinapahanap ko sa nakaraang mga taon. Bukod doon ang alam ko lang bestfriend ka niya at na madalas niya mabanggit ang pangalan mo sa akin kapag nagkukuwento siya. Siguro ilang beses din tayo nagkita noon pero hindi ko na talaga matandaan kung kailan at saan eksakto. So basically, I really know nothing about you."

Tumango si Sylve at unti-unti nang nakampante. "Naiintindihan ko. Kilala lang din kita sa pangalan at sa totoo lang kung hindi lang talaga iisa ang mukha ninyo ni Yona, hindi kita makikilala. Palagi ka rin nakukuwento ni Emerald noon pero hindi ko na matandaan ang mga sinabi niya tungkol sa 'yo. Siguro kasi wala tayo sa radar ng isa't isa noon kaya ganoon."

"Kaya nga hindi ko alam noong una kung anong klaseng tao ka. But now I am starting to get to know you and I think you are cool, Sylve. Nang una akong magpakita sa inyo, kung ibang tao ka lang malamang tinakasan na ako o kaya gumawa ng eskandalo, o nag hysterical o baka nag demand ng kung anu-ano bilang kapalit ng pagpapalaki mo kay Yona. But I can see that you are not the type of person who will do any of that. The fact na nag-uusap tayo ng ganito ngayon imbes na nagtatalo ay patunay na may composure ka, mature at open minded."

Tumaas ang isang kilay ni Sylve kasi hindi siya komportable sa paglilista nito sa mga 'qualities' niya. "At nalaman mo ang mga 'yan sa loob lang ng ilang oras na pagkakakilala natin?"

Sinulyapan siya ni Keith at kumindat. "Magaling ako kumilatis ng tao. Maybe because of my job, I tend to observe people a lot. Na-train ko na ang instinct ko sa loob ng maraming taon kaya confident ako na palaging tama ang basa ko sa isang tao."

Umangat ang gilid ng mga labi ni Sylve. "Oo na. Naniniwala na ako sa 'yo."

Ngumisi ito, mukhang tuwang tuwa sa sarili. Napailing si Sylve pero hindi pa rin maalis ang ngiti. Pagtingin niya sa labas ng sasakyan nakita niyang ilang metro na lang ang layo nila sa commercial building kung nasaan ang travel agency niya. Itinuro niya iyon. "Doon na lang ako."

"Got it." Bumagal ang takbo ng kotse. Napaungol siya nang imbes na ihinto ni Keith sa gilid ng kalsada ay lumiko ito papunta sa parking area sa tapat ng gusali. "Hindi ka pa uuwi?" frustrated na tanong niya nang patayin nito ang makina at hinubad pa ang seatbelt.

"Bakit ako uuwi? Sabi ko sa'yo magiging driver of the day mo ako, 'di ba?" nakangiting sagot ng lalaki bago bumaba ng sasakyan at umikot papunta sa pinto na nasa tabi niya. Bago pa makakilos si Sylve nabuksan na nito iyon at inilahad pa ang kamay na parang balak pa siya alalayan makalabas ng kotse.

Tinapunan ni Sylve ng masamang tingin ang kamay ni Keith at bumabang mag-isa. "Don't do that again. Hindi ako komportableng pinapakitaan ng ganiyang gesture. I'm not a damsel in distress and I can perfectly take care of myself."

Itinaas ni Keith ang mga kamay at humakbang paatras. "Pasensiya na. It's just a habit I can't break."

Tumango siya at nagsimula maglakad papasok ng building. Naramdaman ni Sylve na nakasunod ito sa kaniya. Lumapit siya sa elevator kasi nasa third floor ang office unit na inuupahan niya para sa travel agency. Pipindutin na niya ang up button nang unahan siya ni Keith mula sa likuran niya. Pumihit siya at inis na tiningala ito.

"Oops. Sorry. Nakasanayan ko lang," nakangiting sabi nito.

Naningkit ang mga mata ni Sylve kasi sigurado siyang sinadya nito ang ginawa para biruin siya. Hindi na lang siya nagkomento kasi bumukas na ang pinto ng elevator at may iba na ring tao ang pumasok doon bukod sa kanilang dalawa. Hindi na rin niya ito kinausap hanggang makarating sila sa third floor at mabuksan niya ang pinto ng travel agency. Naroon na ang dalawang staff niya na parehong tumayo at nakangiting bumati sa kaniya.

"Good afternoon. Kamusta rito?"

"Marami pong kliyenteng tumawag kanina –" Napahinto sa pagsasalita si Stella, lumampas ang tingin sa kaniya at napanganga. Hindi na siya nagulat kasi naramdaman niyang pumasok na rin sa opisina nila si Keith.

"Ma'am Sylve... may bisita po pala kayo," ngingiti-ngiting sabi naman ng isa pa niyang staff na si Sonia, nakatingin din sa lalaking nasa likuran niya.

"Hindi ko siya bisita."

"Driver niya ako," masiglang pakilala ni Keith.

"Driver?" sabay na tanong ng dalawang babae at naging pilya at malisyosa ang tingin kay Sylve.

Pinanlakihan niya ng mata ang dalawa. Katulad kasi ng mga kaibigan niya sa Happy Mart, desperado rin ang staff niyang ipareha siya sa kahit na sinong lalaking nakikita ng mga itong kasama niya. "Magtrabaho na lang tayo, okay?" Nilingon niya si Keith na nginitian naman siya. "Hindi ka talaga aalis?"

"Nope." Kampante pa itong umupo sa isang silya.

Bumuntong hininga si Sylve at napailing. "Bahala ka na nga." Tinalikuran na niya ito at pumunta sa lamesa na nasa dulo ng office. Sumunod sa kaniya sina Stella at Sonia, parang mga bulate pa rin kung mamilipit sa kilig. "Don't mind him," pabulong na saway niya sa mga ito.

"Ang hirap naman nang gusto mo ipagawa sa amin ma'am Sylve," ganting bulong ni Sonia. "Paano babalewalain ang ganoon kaguwapo at kamacho na lalaki kung nasa loob kayo ng iisang room?"

Napangiwi siya at pasimpleng nilingon si Keith. Kasalukuyang iginagala nito ang tingin sa opisina nila habang sinusuklay patalikod ng mga daliri ang hanggang balikat nitong buhok. Even with that simple gesture he still looks like he's filming a movie or doing a photoshoot. He was that good looking.

Tama sina Stella at Sonia. Mahirap nga talaga itong balewalain. Sandali pa nga lang sila nagkasama pero ilang beses nang muntikan madala ng karisma nito si Sylve. She must not let her guard down. Kaya binawi niya ang tingin at pinag focus sa trabaho ang mga tauhan bago pa mapansin ni Keith na tinitigan niya ito.

Bachelor's Pad series book 14: THE REFORMED PLAYBOYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon