DUMILAT si Sylve at tumulo ang luha niya. Madilim sa paligid. Kinapa niya ang unan, basang basa iyon. Parang may lumamutak sa puso niya nang maalala ang napanaginipan. Muntik na naman siya mapahikbi.
Maraming taon na ang lumipas mula nang huli siya dalawin ni William. Ni hindi niya inakala na magiging malinaw pa sa memorya niya ang hitsura nito. Pero bakit bigla niya ito napanaginipan?
Takatak. Takatak...
Napakurap si Sylve nang marinig mula sa labas ng kuwarto ang tunog na mukhang dahilan kaya siya nagising. Bumangon siya, pinahid ang natitirang luha sa mga pisngi at saka naglakad papunta sa pinto. Nang buksan iyon nakita niya agad si Keith. Nakaupo ito sa dulo ng mahabang sofa at nakatutok ang atensiyon sa screen ng laptop na nakapatong sa kandungan. Tunog pala nang pagtipa nito sa keyboard ang naririnig niya mula pa kanina.
Nagtaka si Sylve kung bakit nakasiksik ito sa isang sulok ng sofa. Pero agad din naman niyang nakita ang dahilan. Sakop pala ni Yona ang kabuuan ng sofa, payapang natutulog nang patagilid habang nakasiksik ang mga paa kay Keith.
Unti-unti nakalma ang puso ni Sylve habang nakatitig sa mag-ama. Ang payapa ng eksenang iyon. Ang domesticated ng dating. Napahugot siya ng malalim na paghinga nang ma-realize na ang sarap magising na ganoon ang unang makikita.
Biglang huminto sa pagtipa ang mga daliri ni Keith at lumingon sa kaniya. Ngumiti ito nang magtama ang kanilang mga paningin. Pero bigla napalitan ng pag-aalala ang facial expression nito makalipas ang ilang segundo. Mabilis na inilapag nito sa center table ang laptop, tumayo at sa ilang hakbang lang nasa harapan na niya. Umangat ang mga kamay ng lalaki at masuyong hinaplos ang kanyang mukha. "Bakit namamaga ang mga mata mo? Sumumpong na naman ba ang sobrang sakit to the point na naiyak ka nang husto?"
Napasinghot si Sylve at umiling. Hinawakan niya ang mga kamay ni Keith at marahan iyong inilayo. "Huwag ka muna masyado maging mabait sa akin ngayon. Lalo ako nagiging emotionally weak. I don't like feeling this way."
Umangat ang mga kilay ni Keith. "Hindi ba sinabi ko na sa 'yo na puwede ka maging mahina? Na puwede ka magpahinga kapag talagang masama ang pakiramdam mo?"
Umiling uli siya. "Hindi ako sanay."
"Then masanay ka na. Hindi na tulad nang dati na mag-isa ka lang at walang puwede sandalan, Sylve. Nandito ako." Tinuro pa nito ang dibdib at seryosong pinagtama ang kanilang mga mata. "You can lean on me. Always. So tell me, bakit ka umiyak?"
Sandaling sumulyap siya sa sofa. Malalim pa rin ang tulog ni Yona. Pagkatapos ibinalik niya ang tingin sa mukha ni Keith. "Napanaginipan ko siya."
Ilang segundong napatitig sa kaniya ang lalaki bago kumislap ang pag-unawa sa mga mata. Lumambot ang facial expression nito at maingat siyang hinila payakap. Uminit ang mga mata niya at kumapit sa magkabilang tagiliran nito. "Alam mo na agad kung sino?"
"Isang tao lang naman ang magpapaiyak sa'yo, 'di ba?" malumanay na sagot ni Keith.
Suminghot siya. "Hindi awkward sa 'yo?"
"Bakit naman magiging awkward para sa akin kung napanaginipan mo siya o kung pag-uusapan natin siya? Sabi mo nga dati, parte na nang pagkatao natin ang mga first love natin. I know how much he means to you. Alam ko rin na kahit nakaraan mo na siya, mananatili siyang may espasyo sa puso mo. It's okay. I don't mind. As long as I have a bigger space in your heart than him, hindi ako magseselos."
Hindi napigilan ni Sylve mahinang matawa kahit naluluha. "Ikaw lang ang lalaking magsasabi niyan."
"Kaya nga hindi mo na ako dapat pakawalan pa," pabiro nang sagot ni Keith habang hinahaplos ang likod niya.
Napailing siya pero tuluyan nang yumakap sa katawan nito. "Puwede ko talaga sabihin sa 'yo ang napanaginipan ko?"
"Oo naman." Umatras si Keith at tumingala naman siya para magkakitaan sila. "Ikaw nga nakinig ka sa akin nang sabihin ko ang tungkol sa amin ni Emerald. Hindi ba mas awkward iyon kasi bestfriend mo siya at naging saksi ka sa relasyon namin noon? I think ikaw ang mas open-minded at mature mag-isip sa ating dalawa."
Pinahid ni Sylve ang mga luha at napangiti. "May point ka."
Gumanti ng ngiti si Keith. Pagkatapos lumingon sa sofa, chinecheck si Yona na tulog pa rin. "Buhatin ko muna siya papunta sa kama. Baka mahulog siya 'ron."
"Thank you. Magtitimpla ako ng kape. Gusto mo rin?"
"Yes, please."
Nagkatitigan sila, nagkangitian at pagkatapos sabay na kumilos para gawin ang mga dapat gawin. Nalagyan na niya ng kape, asukal at creamer ang dalawang mug at akmang bubuksan na ang thermos nang lumabas na mula sa kuwarto si Keith. Mabilis ito lumapit sa kaniya at inako na ang paglalagay ng mainit na tubig. Pagkatapos magkatabi silang umupo sa mga silya na puwesto rin nila kaninang tanghalian.
"What was your dream about?" tanong nito mayamaya.
Sandaling tumitig si Sylve sa hawak niyang mug bago sumagot, "Napanaginipan ko ang huling araw na nakita ko siya. October iyon. Tapos na ang maiksing bakasyon niya. May flight siya papuntang Mindanao ng gabi kaya nagulat ako nang sabihin niya sa akin na may pupuntahan daw kami nang umaga. Kahit anong pangungulit ko, ayaw niya sabihin sa akin kung ano ang ipapakita niya. Iyon pala, sa loob ng maraming buwan na engagement namin, bumili pala siya ng bahay sa isang bagong develop na subdivision at hinuhulugan iyon nang hindi ko alam. He showed it to me. Kasi doon daw kami titira kapag nakasal kami."
"So it was not exactly a dream but a memory."
Marahan siyang tumango. "Pero alam mo kung ano ang weird? Sa nakaraang mga taon, pilit ko inaalala ang mukha niya at ang mga sinabi niya sa akin sa araw na iyon pero hindi ko matandaan. May mga araw pa ngang nagpapanic ako kasi ayoko makalimutan ang araw na iyon. Mas lalong ayoko makalimutan kung anong hitsura niya. Pero sa panaginip ko kanina, ang linaw ng bawat detalye ng mukha niya at bawat salitang sinabi niya. I knew it was a dream but it felt so real. Pero bakit ngayon ko siya napanaginipan? Hindi ko maintindihan."
"Maybe he wants to tell you something important," komento ni Keith.
Tumingala si Sylve at tinitigan ang mukha nito. Bigla niya naalala ang huling mga salitang sinabi ni William sa kanyang panaginip. Gusto ko na maging masaya ka. Gusto ko na magmahal ka uli. That's how much I love you, Sylve...
Napasulyap sa kaniya si Keith, nagtatanong ang mga mata. Tipid siyang ngumiti. "Siguro nga. Kasi may sinabi talaga siya sa panaginip ko na sinabi rin siguro niya noon pero hindi ko masyado inalala. Naging malinaw sa akin kanina."
"What did he say?"
"Na gusto niya ako maging masaya."
Masuyong ngumiti si Keith. "He was a good guy, huh?"
Tumango siya. "Sobra. Sa tagal ng relasyon namin never niya pinasama ang loob ko at lalong never niya ako pinaiyak."
Hinaplos ni Keith ang buhok niya saka mahinang nagsalita. "Then, he must feel bad to see you cry every Christmas."
Naging malungkot ang ngiti ni Sylve. Ni hindi na siya nagulat na alam nito ang tungkol doon. Malamang si Yona ang nagsabi rito. Madaldal ang anak niya kapag palagay ang loob nito sa isang tao. At siguro nga tama ito. Malamang nakikita siya ni William kapag umiiyak siya. Pero anong magagawa niya? Kapag lahat ng tao nagsasaya tuwing pasko mas lalo siya nakakaramdam ng lungkot. Kasi December twenty five nang ilibing nila si William.
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 14: THE REFORMED PLAYBOY
RomanceNa kay Keith Rivero na ang lahat. Bukod sa good looks at successful career, mukha rin siyang walang problema sa buhay. But the truth was he had a dark and dirty past which he tried to forget. Except for one thing: his missing daughter, Yona. At pag...