Prologo

113 18 8
                                    

Nilulumot.

Kinakalawang.

Dalawang salitang maihahambing sa kalagayan ng nagluluksang hacienda na nakikita ng dalawa kong mga mata ngayon.

Nakalupaypay sa sahig ang mga tuyong dahon na sa palagay ko'y naghahari dati sa isang malawak at masaganang hardin. Ngunit tila sinalanta ng nagngangalit na bagyo ang kalupaan at tanging mga patay na halaman lamang ang makikita sa patay ding paligid.

Matapos kong itabi sa kinakalawang na tarangkahan ang aking sasakyan ay dahan-dahan kong iginayak ang aking sandatang panulat bilang paghahanda sa digmaang walang bakas ng dugo mula sa kasarinlan, kundi bakas ng dugo mula sa masasalimuot na trahedyang maaring naranasan na ng iilan sa atin.

Pinihit ko ang pintong ugat sa kabuuan ng Hacienda De Ibarra. Bumaklas ang boses ng pintuang kahoy na animo'y nagpupumilit na lamang bumukas dahil sa matagal nitong pagkakasara. Buong puwersa kong itinulak ang naghihinalong pintuan hanggang sa mabanaag ko ang tamang espasyo upang makapasok sa haciendang nababalot ng kasakiman, maling paniniwala, mga trapong nilalangaw, taliwas na hustisya at nakagigimbal na mga trahedya.

Inihakbang ko nang marahan ang aking mga paa habang iginagala ang gutom kong mga mata.

Gutom sa kalayaan mula sa madilim na bangungot.
Sabik na mamulat mula sa matagal na pagkakahimbing.

Itinapak ko ang ikalawang hakbang kasabay ng biglaang pagsara ng pinto sa aking likuran. Iginayak ko ang pusa kong itim sa aking balikat at sabay kaming nagpadala sa hangin na hindi man lang magawang tumahan.

Sa bawat palapag, may panibagong palapag ang naghihintay.

Mga sitwasyong pupukaw ng atensyon, mga kuwentong uhaw sa pagkamatay.

Mga boses na hindi magawang pakinggan,
mga munting tinig na naghihintay.

Mga tinik sa na babara sa bawat lalamunan,
mga lasong tatapos ng maraming buhay.

Hacienda De IbarraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon