Kabanata VI: Ang Dapat

32 11 8
                                    

Liham Para Sa Kabataan
Letter For the youth

Mahal kong kababata,

Ang isilang sa panahon ng kasarinlan ay isang gantimpala. Isa kang nilalang na iniligtas ng mga dating nagagapi. Isa kang anak ng maraming bayani. Sila ang nauna mong mga magulang. Iniligtas ka nila sa kamay na minsang nanamantala sa kanilang kahinaan. Sila ang kalahati ng iyong dugong pagkaPilipino. Nananalaytay sa iyo ang kanilang sakripisyo.

Huwag mo silang kalilimutan.

Hindi ikaw ang balsa na agarang dadampi sa mga pinong buhangin sa sandaling magpahiwatig ang mapait na alon. Mayroon kang natatanging sagwan upang hindi magpadala sa maitim na tubig ng modernong panahon. Ikaw ang siyang namamangka gamit ang sarili mong balsa, ihatid mo ang iyong sarili sa dagat na may malumanay na pagkakatimpla.

Huwag kang agarang magpapadala sa dilim ng makabagong henerasyon.

Ang pagsinta kay Paraluman ay hindi isang punong laging binabato dahil hitik sa sarili nitong bunga. Kundi isang punong dapat mong paghintayan ng tamang panahon bago mo ito makuha. Hindi matamis ang naidudulot ng sapilitang pagkahulog. Hindi mo makikita ang tunay nitong anyo. Ang paghihintay at pagtitiyaga ang dapat mong maging sandata. Sila ang tutulong sa'yo upang makamit ang pinakamatamis na bunga.

Huwag mong madiliin ang pag-ibig.

Lahat tayo ay may bagwis at nagnanais lumipad at makapiling ang mga ulap. Ang maramdaman ang pinapangarap nating maginhawang pagsimoy ng hangin. Ang abutin ang mga tala at liparin ang matatayog na bituin. Ngunit huwag mong kalilimutan ang iyong pugad. Ang pugad na saksi sa iyong kahirapan at ang malasutla nitong kanlungan upang tulungan kang ipagaspas ang iyong bagwis. Ang tahanang saksi sa iyong pagpapagal.

Huwag mong talilikuran ang iyong pinagmulan.

Ang sumubok ng mga bagay para sa iyong sarili ay hindi palaging may karangalan sa dulo. May mga panahong maaari tayong abutan ng ulan habang naglalayag, salubungin ng malakas ng hangin at nagngangalit na mga kidlat. Ngunit ang mga ito ay natural mong mararanasan bago mo makita ang araw at bahagharing babati sa iyong pinagtagumpayan. Dadaan ang kalamidad, ngunit hindi natatapos ang umaga.

Huwag kang susuko at hahakbang patalikod.

Sila ang unang nakarinig ng iyong pagtangis. Ang nagparamdam sa'yo ng ginhawa sa kabila ng maingay na mundo. Ang naghandog sa'yo ng awit kapalit ng iyong pagtahan. Ang humele sa'yo sa gabing niyayakap ka ng lamig. Alam nilang hindi pa sapat ang kapal ng iyong balat kaya't ang kanilang mga bisig ang unang umakap sa'yo upang protektahan ka. Ikaw ang pinagmumulan ng kanilang mga ngiti nang ibigay ka sa kanila ng langit. Ikaw ang kanilang bagong silang na anghel at sila ang iyong tagapangalaga. Ngunit kapag sumibol ang daan-daang bukang liwayway ay katumbas nito ang pagbaliktad ng mundo. Sila naman ang magiging anghel ngunit hindi ang bagong silang. Sila ang anghel na may hatid ng martir na pamamaalam. Hindi na nila kinakailangang hingiin ang iyong kalinga. Kaya't huwag na huwag kang mag aaksaya ng pagkakataon. Ikaw na ngayon ang kanilang bagong tagapangalaga. Ngunit sa bago mong pagtangis ay hindi ka na nila mapapatahan. Dahil ang anghel na hindi bagong silang ay tuluyan ding mamamaalam.

Suklian mo ang kalinga ng iyong mga magulang.

Ang gasera at kandila sa pagbisita ng sarili mong dilim ay hindi ka magagawang itakwil. Sila ang panangga sa sarili mong ulan. Ang mga panyong pupunas sa tahimik mong pagtangis. Ang tumitingala sa'yo sa himpapawid kapag ika'y nakalilipad at nagagawa kang saluhin saan mang lupa ka dalhin ng nagngangalit na hangin. Nakalahad ang kanilang palad sa tuwing nanaisin mong dumapo sa kanila. Araw-araw silang bukas para sa'yo bisitahin ka man ng makulimlim na umaga.

Pahalagahan mo ang mga nananatili sa tabi mo.

Sa kaniya nagmula magmumula ang lahat. Ang papuri't walang hanggang pasasalamat. Ang nagbigay at magbibigay sa atin ng bukas. Ang umiibig sa'yo nang walang kabawasan. Ang nagmamahal sa'yo higit pa sa inaasam mong Paraluman. Siya ang dumidinig ng iyong dasal, ang kaagapay ng iyong pangarap. Ang buhay sa dilim at alaapap. Sa kaniya ang buong pusong pasasalamat.

Mahalim mo ang Diyos talikuran ka man ng lahat.

Siya ang ating Ina. Ang pagkamatay sa kaniyang kanlungan ay pagiging mapalad. Ang Inang bayan na saksi sa nag-aalab nating damdamin at mga pusong pumipintig para sa kaniyang tahanan. Siya ang ating inuuwian matapos ang sigwa. Siya ang kailanma'y hindi matutumbasan ng kahit gaano kalawak na lupa. Siya ang may natatanging kultura at kasaysayang hindi malilimutan. Ang katalinuhan ay ang pagtangkilik sa bayang iniibig. Ang pagbabalik-loob sa mga bumuo ng ating kultura ay hindi nararapat idikta. Tapos na ang hidwaan para sa kasarinlan, panahon ngayon upang atin itong alagaan.

Mahalin mo ang Pilipinas.

Hindi anino ang matalik mong kaibigan. Nagagawa ka nitong iwan tuwing sisilip ang liwanag. Maging ang repleksyon mo sa malinaw na tubig at bisagra ay magagawa kang husgahan. Mahalin mo ang buhay sa loob ng iyong pagkatao. Huwag na huwag mo siyang papatayin ang anumang nagkukubli sa iyo. Huwag mo siyang itataboy. Siya ang nandiyan sa una't huli mong paghinga. Kailangan ka niya upang maging malakas sa pagtalikod ng lahat. Kailangan ka niya upang magsimula ulit. Ang paggising mo ay ang paggising niya. Ang paglisan mo ay ang paglisan niya. Ikaw ang tauhan sa kaniyang nobela. Huwag na huwag mo siyang tatapusin

Mahalin mo ang iyong sarili.

Hacienda De IbarraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon