Ikalawang Yugto

638 141 468
                                    

May, 2010

MABIBIGAT ang mga hakbang ko patungo sa harapan. Parang may humihila sa akin para tumakbo papalayo at takpan ang mga tainga ko hanggang sa wala na akong marinig pero hindi ko 'yon magawa.

Nanginginig ang labi ko at naghuhudyat ang mga luha kong mag-uunahan pa yata sa pagbagsak.

Malamig ang hanging yumayapos sa akin na para bang nakikiramay ito sa akin at ang amoy ng mga bulaklak ay hindi nakaligtas sa ilong ko. Gabi na kung kaya't maraming ilaw ang bukas. Tinititigan ko ang iba't ibang palamuting nasa unahan.

Dama ko ang pagtagos ng mga titig sa akin ng mga tao ngayon. Mga tingin nilang punung-puno ng awa at lungkot para sa sinapit ko. Hindi ko kailangan 'yon. Hindi ko kailangan ng awa nila dahil hindi naman 'to totoo.

Sa bawat pag-galaw ng kamay ng orasan, siya ding pag-galaw ng mga paa ko. Parang bumabaliktad ang sikmura ko sa sobrang sakit ng nararamdaman ko ngayon. Umaasa ako na may yuyugyog sa akin at sasabihing nanaginip lang ako at kailangan ko nang magising mula sa bangungot na 'to.

Napapikit ako.

Hindi ko kaya. Hindi ko kayang tignan ang kabaong kinahihigaan ng papa ko.

Tumigil ako saglit nang ilang hakbang na lamang ang layo ko sa paroroonan ko.

Muli kong minulat ang mga mata ko at mula dito ay tanaw ko ang itsura ng papa ko na parang natutulog lang. Napakapayapa ng mukha niya na para bang wala siyang iniwang anak na halos mabaliw na agad dahil sa lahat ng nangyari.

Hangga't maari - pinipigilan kong umiyak. Ayokong makita ako ng mga tao na kawawang kawawa ngayon.

Pero traydor ang mga luha ko, sunod-sunod ang pagpatak nila at ang tunog ng pagdadalamhati ay tuluyan nang lumabas mula sa bibig ko lalo nang ma-realize ko na pagkatapos ng mga sandaling ito - hindi ko na ulit makikita at mayayakap ang papa ko.

Hindi ko na masasabi sa kaniya kung gaano ko siya kamahal, wala na akong makakasamang kumain sa mesa habang nagku-kwentuhan. Tuluyan na akong mag-isa.

Nanuot sa pandinig ko ang impit kong pag-iyak.

Parang may nakadagang mabigat sa magkabilang balikat ko nang makarating na ako sa harapan mismo ng kabaong. Malambing kong hinaplos ang salaming humaharang sa pagitan naming dalawa at pikit-mata akong napatingala.

Piping nagmamakaawa ako sa Panginoon na bawiin niya lahat ng nangyayari ngayon. Nagmamakaawa ako sa kaniya na buhayin niya ulit ang pamilya ko. Dahil hindi ko talaga kayang tanggapin.

Nang matignan ko ulit ang mukha ni papa ay hindi ko na napigilang manghina at mapaluhod habang yakap-yakap ko ang kabaong ni papa.

"Papa!" piyok kong hiyaw.

Nasundan ko ito ng malakas na pag-iyak. Nanginginig na ang buong katawan ko habang paulit-ulit na umiiling at tinatawag si papa.

"Gumising ka diyan, papa. Hindi mo 'ko pwedeng iwan! Tumayo ka na! Ayoko! Ayokong mag-isa, papa!" nagwawala kong sigaw habang hinahampas ko ang kabaong niya sa pag-asang magigising siya kapag niyugyog ko ang hinihigaan niya.

"Kawawa naman siya. Ang agang maulila.."

"Patahanin mo, baka himatayin 'yan dito."

"Hayaan mo munang umiyak. Mas mahirap kapag kinimkim niya."

Para akong baliw na hinahaplos ang salamin habang dilat na dilat ang mga matang tumitingin sa papa kong natutulog lang.

"Pa, hindi ba sabi mo? Lalaban tayo? Hindi ba't sabi ko sa'yo mag-aaral ako ng mabuti, magpapayaman ako balang-araw at ipapagamot natin 'yang mga mata mo?" puno ng lambing na bulong ko sa kaniya.

Blanco Carnation [Mus-alonlymAward20]Where stories live. Discover now