Ikatatlong Yugto

532 125 395
                                    

Dedikasyong laan kay:
Aihstberg

"BUO na po ba talaga ang inyong pasya, Señorita?" mas malinaw pa sa kuliglig na naglilipana ngayon ang katanungang ibinato sa akin ni Amelia.

Ako ay nabalam sa pagpipihirin sa aking hawak na sundang. Sa pagbubukas niya sa asuntong ito, hindi maipagkakaila ng aking diwa na tila may matulis na balisong ang tumarak sa puso ko.

Ang lamig na umuusbong sa itak na aking hawak ay siyang nanunuot sa palad ko at tila isang demonyo ang nag-uudyok sa akin na mas higit akong matakam na tapusin na ang lahat.

Isang estrangherong ngisi ang umukit sa aking labi habang pinagmamasdan ng dalawang kong mga mata ang karikitan nito. Isang ngiti na kailanman hindi ko inakalang magpapakilala sa akin.

Pinasadahan ng aking daliri ang matalim na bingit nito.

Kamakailan lamang ay napapanood kong ginagamit ito sa pangputol ng puno't sanga datapuwat ngayon ay hindi iyon ang aking nakikitang nakadikit dito kundi isang malapot na dugo na labis kong pinananabikan.

"Batid mo ba kung gaano ko pinaglaanan ng pawis at panahon upang hagilapin ang gulok na ito? Tumawid ako ng ilog at umakyat sa dalawang bundok sa kabila man nang hindi kaaya-ayang panahon para lamang makuha ang bagay na ito."

Aking ipinatong ang itak na ito sa kabilang kamay ko at dahan-dahan ko siyang hinarap.

"Ako pa mismo ang gumawa nito."

Hindi ako maaaring bumili o manghiram man lamang ng ganito sa kahit na kanino sapagka't natitiyak kong sa oras na umapak ako sa kabayanan ay maraming tao ang maaaring magsuplong sa akin.

Nahuli ko siyang nanlalaki ang mga mata nang mapansin niya ang daliri kong nagdurugo. Napalunok siya at nag-aalalang ibinalik sa aking mukha ang tingin.

Hindi ko man lang nararamdaman ang hapdi ng pagkakagilit sa aking daliri.

"Aking pinaghandaan ang gabing ito, Amelia kung kaya't tiniyak ko na nasa kagayakan din ang regalong handog na aking ihahain sa kanila. Hindi ba't masyadong mahayap sa damdamin ko ang iyong katanungan?"

Napakurap siya sa aking isinagot.

"S-Señorita, subalit--"

"Amelia, hindi ko ipinamalita sa iyo ang aking binabalak upang tutulan mo lamang ako." madiin kong pagputol sa kaniya. Wala na akong sapat na panahon para pakinggan pa ang kaniyang pagsalungat sa aking mga plano.

"Tiyak kong nababahala ka sa maaaring mangyari sa akin. Inihanda ko na din ang aking sarili sa pagharap sa kamatayan pagkatapos nito kung kaya't wala nang silid pa sa aking isipan na umatras sa labang ito." aniya ko sa nanginginig na labi.

May hawak siya ngayong lampara na nagbibigay liwanag sa yungib na pinagtataguan ko ngayon subalit ang init ng bagang nanggagaling doon ay hindi kailanman makakapantay sa naglalagablab kong poot.

Ibinaba ko ang aking tingin sa hawak kong gulok. Nakakahawig nito ang machete subalit aking sinadyang magkaroon ito ng mas mahabang sukat. Ang uri ng talim nito ay malukob sa pagkakaliha habang ang puluhan at kaloban nito ay yari sa pinagsamang sungay ng kalabaw at matibay na kahoy na matatagpuan sa kagubatan.

Mas magaan itong dalhin kaysa sa ordinaryong parang. Sinubukan kong sanayin ito sa bawat kakahuyang nakatayo sa kagubatan at hindi ako nabigo nang makita ko kung gaano kalalim ang naibabaon nito sa madaling paraan.

"Kung kaya't nanaisin mo na lamang din na dumihan ang iyong kamay gaya ng kanilang ginawa?!" aniya sa garalgal na boses.

Itinaas ko ang tingin sa kaniya at sumalubong sa akin ang mga mata niyang nanunubig. Nagngangalit ang kaniyang mga ngipin habang namumula ang kaniyang buong mukha.

Blanco Carnation [Mus-alonlymAward20]Where stories live. Discover now