CHAPTER VII: Bonded by Blood

1.9K 45 6
                                    

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.


CHAPTER VII: Bonded by Blood


          Sabado ng umaga. Makulimlim ang kalangitan na tila nagbabadya ng malakas na ulan. Hindi man ganoon kalakas ang simoy ng hangin, naaamoy ko ang alimuong na tila bumagsak na ang ulan sa ibang lugar malapit sa amin.

"Maaabutan pa nga 'ata ng ulan. Malas talaga," iritable kong sabi habang nakatingin sa maitim na langit. "Punyeta talaga 'to si Emil, e. Hindi man lang tumulong sa pamamalengke. Kung hindi lang talaga libre ang pagtira ko sa kanila, magrereklamo talaga ako, e."

Bitbit ang ilang pinamalengkian, binaybay ko ang kanto sa amin. Mahal din kasi ang singil kapag special trip ang sinakyan kong tricycle papasok sa subdivision lalo na't nagtitipid ako. Iniisip ko na lang na ehersisyo itong ginagawa ko. Pampalubag-loob man lang sa mga paa kong pagod.

Bagsak ang balikat, tagaktak ang pawis, binuksan ko ang pinto. Hindi ko pa man nahahabol ang hininga ko, pakiramdam ko ay umakyat ang dugo ko hanggang sa ulo.

"Bakit nandito ka?!" galit kong tanong. "'Di ba, sinabi ko na Emil na ayaw kong nakikita ang taong 'yan?"

Hindi ko pa man nailalapag sa kusina ang mga pinamili ko, mabilis akong lumapit sa lalaking nakaupo sa sofa at saka tinapunan siya ng masamang tingin.

"Makinig ka muna sa sasabihin ng tatay mo, Michael. Baka magbago ang isip mo tungkol sa kanya," pagpilit sa akin ni Emil.

Pero nilalamon na ako ng galit sa puso ko. Hindi ko maatim na tingnan o kausapin man lang siya. Bingi ang mga tainga ko sa mga gusto niyang sabihin na pawang mga kasinungalingan naman.

"Umalis ka na... Umalis ka na..." saad ko habang nakatiim-bagang, pinipigilan ang sarili sa pwede ng mangyari. "Umalis ka na habang alam ko pa ang ginagawa ko. Dahil kapag nagdilim ang paningin ko, baka hindi ko na alam ang p'wede kong gawin sa 'yo."

"Anak... Nagbago na ako," aniya na parang nagpapaawa. Tuluyang bumagsak ang mga luha niya pero hindi ko 'yun inintindi. Kulang pa ang luha niyang iyan sa lahat ng pinaghirapan ko dahil sa kanya.

"Araw-araw akong binabangungot ng ginawa ko sa inyo ng Mama mo. Pinagsisisihan ko na iyon. Umuwi ka na, pakiusap," pagpupumilit niya at saka lumuhod habang patuloy sa pag-iyak. Inabot niya ang kamay ko na tila nanghihingi ng kapatawaran.

"Gusto kong makumpleto tayo. Gusto kong maging pamilya ulit tayo," dagdag pa niya.

Tila nagpantig ang tainga ko sa huli niyang sinabi. Tama ba ako? Pamilya?

"Seryoso ka ba r'yan? Pamilya? Mabuo? Nagpapatawa ka ba? Patay na si Mama!" mariin kong bigkas sa huling linya para tumatak sa isip niya na hindi na kailanman kami mabubuo dahil sa kanya. "Hindi ka na ba masaya sa pamilyang ipinalit mo sa amin kaya bumabalik ka sa akin? P'wes! Wala ka ng babalikan dahil matagal ka ng patay para sa akin. Hindi ko nga alam kung bakit nag-aaksaya ka pa ng oras para puntahan ako at pilitin na umuwi," galit kong sabi sa kanya habang nakakuyom ang mga kamay.

Patuloy lang siya sa pag-iyak. May parte ng puso ko ang kumikirot sa tuwing nakikita siyang umiiyak. Marahil ay dahil magulang ko pa rin siya at siya lang ang tanging mayroon ako. Pero kung titimbangin ang lahat ng pagkukulang niya bilang ama sa akin, kulang pa pati ang buhay niya bilang kabayaran.

"Patawarin mo na ako," pagmamakaawa niya sa gitna ng kanyang paghagulgol.

"Puntod na lang ang kulang sa 'yo pero patay ka na para sa akin," mariin kong sabi.

Naglakad ako papuntang pinto at saka itinuro ang labas. "Makakalabas ka na. Natuto na akong mag-isa. Hindi ko na kailangan ng tulong mo."

Tumayo siya at saka kinuha ang mga gamit niya. Nagpahid siya ng mga luha at saka lumapit sa akin.

"Babalik ulit ako sa susunod na linggo. Sana sa pagkakataong 'yun, magawa mo na akong patawarin," garalgal niyang sabi at saka dumiretso palabas ng bahay.

Habang naglalakad siya palayo, hindi ko na napigilang ilabas ang mga luhang kanina pang gustong tumulo dala ng matinding emosyon. Sa tuwing nakikita ko siya, pinapaalala lang nito ang lahat ng sakit na dinanas ko na gusto ko nang kalimutan.

Napaluhod ako at napakapit sa hawakan ng pinto. Takip-takip ang mukha ng isang kamay, nagpatuloy lang sa pagbagsak ang mga luha ko.

Lumapit sa akin si Emil at saka tinapik ako sa ulo. Nagpahid muna ako ng luha bago siya tiningnan sa mata.

"Hiwalay na sila ng asawa niya. Pangalawang asawa pala to be exact. Iniwan siya sa hindi ko alam na dahilan. Akala ko ay ikwikwento niya sa 'yo para magpaawa," aniya at saka nagpakawala nang malalim na paghinga.

"Ano namang paki ko?" tanong ko na tila walang pakialam sa sasabihin niya.

Napakamot siya ng ulo. "Hindi ko sure kung dapat ko ba sabihin sa 'yo. Bahala ka na kung may paki ka," saad niya at saka napahilamos ng mukha. "Kinakabahan kasi ako sa kilos ng tatay mo. Mukha naman siyang sincere sa mga sinabi niya kanina pero kung iisipin, parehas na lang kayo ng sitwasyon ngayon – parehong miserable. Ang pinagkaiba lang, mas mahina siya," dagdag pa niya at saka naupo sa tabi ko habang nakasandal sa dingding.

Hindi ko alam kung saan patungo ang kwento niya pero nagulat ako sa sarili ko na interesadong nakikinig, nag-aabang pa sa sasabihin niya.

"Siya na lang ang mayroon ka. Sa estado niyang iyon, may tiyansang magpakamatay siya na sa tingin ko ay ikaw lang ang may kakayahang pumigil," paglalahad niya.

Sa mga nagdaang araw nang pagpunta niya, kapansin-pansin ang pagpayat ng kanyang katawan. Hindi na rin niya nagagawang ayusin ang kanyang sarili. Kita ring bagsak na ang kanyang mga mata dahil sa nangingitim na ilalim nito.

"Kung mapapansin mo ang itsura niya, hindi na tulad ng dati. Senyales na wala na siyang paki sa mundo maliban sa ang mapatawad mo. Pag-isipan mo ang mga sinabi ko. Minsan ka ng nawalan ng ina kaya alam mo ang pakiramdam mawalan ng mahal sa buhay," turan niya at saka tumayo, bitbit ang mga pinamili ko.

Naiwan lang akong nakaluhod habang mataimtim na iniisip ang lahat ng sinabi niyang iyon. Totoong galit ako sa tatay ko dahil sa pag-iwan niya sa amin ng nanay ko. Nang dahil doon, iba't-ibang paghihirap na ang dinanas ko na 'di naglaon ay nagbunga ng poot at pagkasuklam.

Sa kabilang banda, hindi ko na rin maalala kung paano alagaan ng isang ama. Hindi ko alam kung tama bang sabihin na nangungulila ako pero masarap isipin na may handa pang magsakripsyo para sa akin.

Sa paglipas kasi ng mga araw, nasasanay na ako at nakakalimot. Marami akong natutunan pero marami rin akong naramdamang sakit at pagod. Tumatanda na ako, nakakaunawa at nakakaintindi. Maiksi ang buhay para sa poot. Pwedeng bilang na lang ang araw ko at ang sa kanya.

Tumayo akong nakangiti. "Nakapagdesisyon na ako," bulong ko sa hangin.

Pleasure For Hire (BoyXBoy)Where stories live. Discover now