CHAPTER 42

939 48 42
                                    

1985

Don Isong's POV

Minsan napapaisip ako, kung sakaling iba ang naging guhit ng kapalaran at hindi namatay si Eliana, dumating din kaya ang panahon na nagkabalikan kami ng aking asawa?

Minsan ko lang pinapayagan na sumagi sa isip ko 'yon sapagka't wala rin naman akong magagawa upang baguhin ang nakalipas na. Magsisi man ako sa hindi pagiging totoo sa binitawan naming pangako sa harap ng Diyos, hindi na maibabalik ang panahon.

"Don Isong, uuwi po ba kayo nang maaga upang salubungin si Señorito?" tanong sa'kin ni Bolet habang sinasalinan ako ng mainit na tsokolate sa tasa.

"Hindi na. Abala ngayong araw sa plantasyon," tugon ko at nagpatuloy sa pagkain.

"Gaano po ba katagal si Renz dito, Don Isong?" tanong ni Lena.

"Hindi ko pa alam, Lena. Pero sa tingin ko ay hindi 'yon magtatagal dito sa probinsya. Iba ang kaisipan ng mga lumaki sa siyudad. Kumain ka pa, hija."

Hindi ko alam kung bakit biglang naisipan ni Cosette na ipadala rito si Renz. Sa loob ng halos labing-limang taon ay hindi niya pinadalaw o pinakausap man lang sa'kin ang bata. Ayun na rin sa kuwento niya ay laki sa layaw at suwail si Renz.

"Excited po ba kayo na makita si Renz, Don Isong?"

Napaisip ako sa katanungan ni Lena.

Apat na taong gulang pa lang si Renz nang huli kong makita ang batang 'yon. Noong una ay naisipan ko na alukin sila ng kaniyang ina na rito na manirahan sa Guimaras. Ngunit alam ko ang ugali ng ina ni Cosette na si Constancia. Sakim ito sa pera at duda ako na ganoon din ang asawa ni Lorenz.

Ngayon, ang pag-uwi ni Renz dito sa Aguadulce ang magpapatunay kung anong klaseng tao ang anak ni Lorenz.

🌿

A few months later

Kulang na kulang si Renz sa disiplina. Hindi ko gustong husgahan si Cosette pero halatang hindi niya natutukan nang maayos ang anak niya habang lumalaki.

Maraming bisyo at sinungaling. Hindi niya alam na ino-obserbahan ko kung paano niya tratuhin ang ibang tao lalo na ang mga katulong.

🌿

"Wala pa ba si Renz, Lena?"

Unang araw pa lang ng klase at mukhang pinapakita na agad ni Renz na lulong din siya sa pagba-barkada.

"Don Isong, kasi po... nagpatulong pa si Renz ng takdang-aralin sa kaklase niya."

Hindi sanay magsinungaling si Lena kaya nahalata ko agad na pinagtatakpan niya lang si Renz.

Hindi na ako nagtanong dahil ayokong pilitin pa siyang magsinungaling ulit.

🌿

Hinayaan ko silang dalawa na matuto sa isa't isa. Masyadong mahiyain si Lena kaya't walang ibang kaibigan kundi si Marigold na anak ng labandera naming si Petra. Si Renz naman ay makamundo ang mga kinahihiligan.

Balang-araw ay ang dalawang batang ito ang magmamay-ari ng lahat ng pinaghirapan ko kaya mainam na rin siguro na ngayon pa lang ay magkasundo na sila.

Unti-unti ay nakita ko rin ang inaasahan na mga pagbabago sa dalawa.

Si Lena na dati ay halos sa aklatan lang namamalagi, ngayon ay namamasyal na paminsan-minsan kahit sa plaza lamang. Pasensyosa niyang sinasamahan si Renz na puntahan ang mga dating lugar na pinamamalagian din ng anak kong si Lorenz.

Si Renz naman ay natuto ring magseryoso sa pag-aaral. Dati ay masyadong ma-angas ang batang iyon pero ngayon ay nakikitaan ko na rin ng totoong pagpapahalaga sa aming negosyo at sa pamilya.

Nang nilisan ng anak ko ang Guimaras ay napuno ako ng galit at paninibugho. Lahat ginawa ko upang masiguro na maibigay lahat ng pangangailangan niya. Ngunit kulang pa rin pala 'yon.

Ngayon na matanda na ako, kaya ko nang aminin sa sarili ko na ang pinakamalaking kasalanan ko ay ipagkait kay Lorenz ang kaniyang ina.

Dahil sa pagmamataas ay nawala sa akin ang aking buong pamilya. Ipinagdarasal ko na sa henerasyon nina Renz at Lena ay hindi na maulit ang pagkakasala kong iyon.

Unlike Any OtherTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon