CHAPTER TEN
"OKAY BA, babe?"
Tumaas-baba pa ang mga kilay ni Hugo nang matanaw nilang tumalikod na si Ron at hindi na sinubukang kulitin pa siya.
Pinakawalan niya ang tawa. "It's the 'sirena' for me!"
Natawa din ito. "Ayaw mo 'yung maglalambingan sa ilalim ng coconut trees at maghahabulan sa buhanginan? Inggit siya, eh!"
Natawa na naman siya. "Kakanood mo ng mga pelikula at teleserye iyan, eh."
"Hindi! Ginawa talaga natin iyon, naaalala ko!"
"Ha?" Bigla siyang napalingon dito. "May naalala ka ulit?"
Tumango-tango ito. "Pagtalon natin kanina, may nag-flash sa isip ko. Hindi pa din kita makita pero alam kong ikaw ang kasama ko. Naghahabulan tayo sa beach. Narinig ko ang tunog ng tawa mo."
"Hugo..."
Napangiti ito. "Ang sarap maalala iyon. Pati pakiramdam, naramdaman ko ulit. Ang saya-saya."
Nagbigay siya ng maliit na ngiti. "Naghabulan tayo sa buhanginan nang sinamahan mo 'ko sa El Nido magbakasyon. Nagkukulitan lang tayo niyon. Ganoon din sa Siargao, sa Baler, sa Boracay, sa Camotes, sa Bohol, tapos sa Camiguin din yata."
Basta lahat yata ng mapuntahan nilang beach noon, naghahabulan at naglalaro sila sa buhanginan na parang mga bata. They would try to do sand castles together, too!
'Yung lambingan sa ilalim ng coconut trees, maraming beses din. Doon din sa mga nabanggit niyang lugar. Lalo na maging mag-asawa sila.
Isasandal siya ni Hugo sa katawan ng puno ng niyog. Nasa liblib na parte ng beach ang puno. Then, he'll kiss her passionately under it.
Maharot din talaga silang tunay.
"Uy, dirty ice cream! Pahingi!" lumitaw si Ryan sa kung saan.
"Sponsored by Mrs. Eliana Krista Montecillo Baldemor," ani Hugo habang binibigyan ng sorbetes ang kaibigan.
"Salamat, Madam Krista!"
Maya-maya ay sumulpot na rin sina Chad at Troy at tuwang tuwa sa sorbetes. Ang alam niya ay rich kids 'tong tatlo pero maligaya na sa mga ganoong maliit na bagay.
Pagkatapos mag-merienda ay nagtampisaw pa ulit sila at kumuha ng ilang videos at larawan sa beach. Nang nakontento na ay bumalik na silang lahat sa resort na tinutuluyan para makapagpahinga.
Pagkaligo ni Krista ay nagbukas lang siya ng TV. Natapos na rin maligo si Hugo maya-maya at nakabihis na rin paglabas ng banyo.
"In Christ, I'm a new creation. The new has come, the old has gone" ang nakatatak sa white shirt nito.
"Amen," nasabi niya pagkabasa niyon. Napalingon sa kanya si Hugo na nagtutuyo ng buhok.
"Hmm?"
"Sa lahat ng nakasulat sa shirt mo, naniniwala ka talaga, ano?"
"Siyempre naman! Hindi ko susuotin kung labag sa mga paniniwala ko sa life."
"Kaya pala hindi mo na sinusuot noon 'yung shirt na regalo ko sa'yo? Nakatatak doon, 'happy wife, happy life'."
Napahagalpak ito ng tawa. "Baka nasa sampayan lang, tinamad ako kunin ganern." Sinampay nito ang tuwalya at nagsimulang suklayin ang buhok gamit lang ang kamay nito. "Gusto mo manood ng sunset?"

YOU ARE READING
Remember to Remember
RomanceHugo lost his memories. Krista forgot how to love him. Sa kailangang pagtulong ni Krista sa asawa, sino ang mas unang maka-aalala? Written © 2020 Published October 2021 under FGW Publishing Camp