CHAPTER TWENTY
Year 2016.
UNANG-unang makikita ni Hugo sa pagdilat niya ay si Krista. Nahigit niya ang hininga at iningatan ang sarili na huwag makagawa ng kahit anong ingay para hindi magising ang nahihimbing na asawa.
Hugo smiled and lightly touched Krista's cheeks. "Salamat, Lord," bulong niya.
Apat na buwan na silang kasal. At hanggang sa ngayon, hindi pa rin siya makapaniwalang may asawa na siya.
Asawa na maganda na, sobrang bait, maalalahanin, matulungin, maalaga, at napakasikap pa. Jackpot na jackpot siya! Pakiramdam ni Hugo, favorite siya ni Lord!
"Hugo..." natutulog pang bulong ni Krista.
Mas napalawak ang ngiti niya. Medyo totoo pala 'yung mga napapanood niya sa pelikula. Na magigising kang katabi ang mahal mo at kumpleto na agad ang buong araw mo. Tapos 'yung wala ka na rin masyado pakialam muna sa hininga kapag may kissing scene bigla sa umaga.
Gumalaw si Krista at mas lumapit sa kanya. Sinubsob nito ang mukha sa dibdib niya habang ang isang braso ay yumapos sa baywang niya.
Dahan-dahan siyang nagpakawala ng hangin. Parang banat na banat na ang mga labi niya sa pagngiti pero puwede pa palang i-stretch!
Niyakap niya ito pabalik, marahang minasahe ang batok nito at hinalikan sa noo at bumbunan.
Ahhh! Bango! Amoy vanilla ang buhok ng asawa. Kaya kung may flavor si Krista, sweet vanilla. Parang ipinanganak ito para magbigay tamis sa buhay niya.
Nanggigil si Hugo pero kalma lang. Pagod pa si Krista kaninang madaling araw nang medyo uminit ang buong paligid nilang mag-asawa at—hihihihi.
Bago niya pa tuluyang mapanggigilan ang asawa, lumayo na siya dito at bumangon mula sa kama. Dati, laging humihirit si Hugo ng five minutes kapag gumigising sa umaga. Pero ngayon, sobrang precious ng five minutes. Madami na siyang magagawa sa ganoong oras. Katulad nang maghahanda na siya ng agahan dahil maaga ang pasok ni Krista sa trabaho.
Kinuha ni Hugo ang boxers at shorts sa sahig. Sinuot niya 'yon at pagkatapos kinumutan niya si Krista nang maayos. Pagkalabas niya ng maliit na kuwarto, diretso kusina na. Nilabas niya sa ref ang chicken nuggets at mga itlog. Basta may kinalaman sa manok, paborito ng asawa niya.
"Tiyong Prisko, dahil mahilig ka sa sabong, binigyan ako ng asawang mahilig kumain ng manok," nangingising bulong niya sa picture nila ng tiyuhin na nakasabit sa may sala. "Sinigurado ni Lord na hindi ako susubok makipag-sabong. Kasi bago ko pa ilaban 'yung manok, naluto na ni Krista."
Sampung minuto nang nasa kusina si Hugo nang lumabas si Krista. Suot nito ang shirt niya at nakatapis ng tuwalya sa ibabang parte.
"Good morning, Sir!"
"Good morning din po, Miss beautiful."
Yumakap ito sa likod niya. "Ang bango mo. Amoy chicken."
Natawa siya at pinatay na ang kalan. "Kain ka na. May chicken nuggets, sunny side up, at sinangag."
Napalakpak ito. "Ang sarap-sarap lagi ng breakfast ko dahil sa'yo." Umupo na ito sa pandalawahang lamesa nila.
Hugo served all the food for Krista. Masaya siyang pinagsisilbihan ng ganito ang asawa.
Pagkatapos nilang makasal sa mayor's office, tumira sila ni Krista sa apartment niya. Walang angal naman ito at araw-araw, sobrang saya lang nilang dalawa. Medyo nag-umpisa na silang magtalo-talo pero mga maliliit na bagay lang naman. Nagkakapikunan na rin kapag may wrong timing na jokes si Hugo o masyadong nagsusungit si Krista, pero nagkakaayos naman sila agad bago matulog.

VOCÊ ESTÁ LENDO
Remember to Remember
RomanceHugo lost his memories. Krista forgot how to love him. Sa kailangang pagtulong ni Krista sa asawa, sino ang mas unang maka-aalala? Written © 2020 Published October 2021 under FGW Publishing Camp