CHAPTER EIGHTEEN
Year 2006.
"GUYS, magpapa-long quiz daw si Ma'am!"
Iba't ibang angal ang narinig ni Krista sa mga kaklase niya. Napakamot lang siya sa pisngi. Sana naman makapasa siya sa quiz. Nag-aral naman siya kagabi kaso ang hirap lang talaga ng
Geometry!
"Maghanda daw ng one whole sheet at saka ng grid paper!" sigaw pa ng class president nila.
Medyo nawala ang kaba niya sa quiz at lihim na napangiti. Naglingunan sa kanya ang halos lahat ng kaklase.
Inilbas niya ang "mini-school supplies store" niya. May isang pack doon ng intermediate at grid papers.
"Krista, pabili!"
"Palihog ko bi!"
Nagsilapitan sa kanya ang mga kaklase. "Paglinya mo, paglinya mo," utos niya sa mga ito para hindi siya maguluhan sa pag-aabot ng papel sa mga ito at pagkolekto ng bayad.
Third year high school na siya sa isang public school. At magmula nang tumapak siya ng high school, napansin niyang laging walang papel ang mga kaklase niya kahit may pambili ang mga ito. Sa kanya pa nanghihingi kapag biglang nagpa-activity or quiz ang maestra nila. Siya tuloy ang nauubusan at hindi naman kasi ganoon kabilis makabili ng bago dahil tipid na tipid nga silang pamilya.
Mula noon, naisip ni Krista na magbenta. Tubong sakto lang. Sa piso—may four sheets of one whole paper na. Piso din para sa dalawang pirasong bond paper o colored paper, o katulad ng kailangan ngayon—grid paper.
Sixty sila sa buong klase at halos kalahati ang bumibili sa kanya... araw-araw!
"Life-saver ka talaga, Krista!" nakangising sabi sa kanya ni Corbin—isa sa mga sergeant at arms ng klase nila. Binigyan siya nito ng dalawang piso.
"Bakit kasi ang tatamad niyo bumili ng papel sa labas?" sabi niya pero sa loob-loob, siya naman ang nagbe-benefit sa pagkatamad ng mga ito.
Dumating si Ma'am Cruz habang nasa kalagitnaan pa si Krista nang pagbebenta ng papel.
"Hay nako, class. Si Miss Montecillo na naman ang takbuhan niyo. Kung wala siyang binebentang papel, paano kayo magki-quiz niyan?"
"Oo nga, Ma'am! Pag-asa ng classroom talaga 'tong si Krista!" ani Corbin at inakbayan pa siya.
Napuno ng "ayiee" at iba pang klaseng panunukso mula sa mga classmates nila. Last year kasi ay nanligaw sa kanya ito pero hindi niya sinagot. Kasi ano namang silbi ng pagkakaroon ng boyfriend sa pag-aaral? Wala naman. Kaya binasted niya, ngunit patuloy pa rin ang panunukso sa kanila. Sila pa din ang "loveteam" sa loob ng classroom na ikinaiirita niya.
Pasimple niyang tinanggal ang kamay ni Corbin sa balikat niya. Bakit ba nang-aakbay ito? Pinayagan niya ba?
"Kayong mga bata kayo," saway ng maestra. "Bilisan niyo na 'yang pagbili ng papel at magsisimula na ang quiz in five minutes. Mag-review ang gusto pa mag-review."
"Krista, may ballpen ka ba?" tanong ng katabi niya.
"Oo. Five pesos lang," she answered.
Nag-abot ito ng limang piso. Binigyan niya ito ng bagong ballpen. Iyon pa ang isang dahilan kaya nagbebenta din siya ng ballpen. Parang laging walang ballpen mga kaklase niya.
Nagpapahiram siya noon ang kaso... May manghihiram pero hindi binabalik! Kaya nagbenta na lang siya kaysa siya ang ma-stress sa ballpen na hanggang sa huling tinta ginagamit niya para tipid.

YOU ARE READING
Remember to Remember
RomanceHugo lost his memories. Krista forgot how to love him. Sa kailangang pagtulong ni Krista sa asawa, sino ang mas unang maka-aalala? Written © 2020 Published October 2021 under FGW Publishing Camp