CHAPTER XVII
Naging maingay ang Home for the Aged dahil sa tunog na gawa ng police car na dala ni Danny. Nasa likod naman si Zac, nakaupo. Sumunod siya kay Danny matapos nitong ihinto ang sasakyan at bumaba. Pumasok sila sa loob ng naturang gusali. Naabutan nila si Kaye habang nakikipagkwentuhan kay Lolo Lucas.
“Kaye,” ani Zac na may pag-alala sa mukha.
“Oh, Zac! A-Anong nangyayari?” ang pagtataka naman ni Kaye nang makita si Danny.
“Kailangan mong sumama sa amin sa prisinto, Ms. Kaye,” ang sagot ng pulis, “May iilang katanungan lang kami para sa’yo na gusto naming malaman.”
Halata sa mukha ni Kaye ang kaba na nararamdaman. Hinawakan ni Lolo Lucas ang kanyang mga kamay. Humarap siya sa matanda at ngumiti, “Wag po kayong mag-alala, lo. Wala pong masamang mangyayari sa akin.”
Lumapit naman ang nurse na si Rose kay Zac habang dinadala ni Danny si Kaye sa sasakyan nito. “Hindi ba kapatid ka ni Rex?” ang paunang tanong nito na itinango naman ng ulo ni Zac, “Kanina lang ay nandito ang kapatid mo. Umalis siya dahil may inaasikaso sa ospital. Babalik din siya agad para sunduin si Kaye. Anong sasabihin naming sa kapatid mo kapag---?”
“Ako nang magpapaliwanag kay Rex.” Ang putol naman niya sa katanungan ni Rose sabay ngiti. Nagpaalam siya kay Danny na magpapaiwan muna siya sa Home for the Aged para hintayin si Rex at ipaliwanag sa kapatid ang mga pangyayari. Sumakay na si Danny sa kanyang police car kung nasaan si Kaye, natatakot sa posibleng mangyari sa kanya na nakaupo sa likuran ng naturang kotse.
----------
Ipinasok ni Danny si Kaye sa loob ng isang interrogation room, kung nasaan may isang mahabang lamesa na nakapwesto sa gitna ng maliit na kwartong kulay puti ang dingding at may malaking salamin sa kanang bahagi ng pintuan. Umupo si Kaye sa upuang nasa gitna ng mesa at pumwesto naman si Danny sa tapat nito.
“May ideya ka ba kung bakit kita pinapunta dito sa prisinto?” ang tanong ni Danny habang tinititigan ang nanginginig na si Kaye.
Ngunit hindi siya sumagot.
“Kaye, alam kong may tinatago ka.”
----------
“Kuya?” Nasira ang katahimikang tinatamasa ni Zac. Pinagmamasid niya kasi ang mapayapang pamumuhay ng mga matatanda nang magpakita sa kanya ang kararating lang na si Rex. Nasa ilalim sila ngayon ng isang malaking puno na nasa labas lang ng gusali. Tinitigan lang ni Zac ang kapatid. Iniisip ng mabuti kung paano niya sasabihin ang totoo dito. “Anong ginagawa mo dito? May problema ba?” ang sunud-sunod na tanong ni Rex, “Nakita mo ba kung nasaan si Kaye?”
“Rex, nasa prisinto ngayon si Kaye. May mga katanungan kasi sa kanya si Danny, I mean, si PO1 Montero.” Nagbuntong-hininga si Zac, “Tungkol sa TresMaria’s Massacre.”
Katahimikan ang sumunod na pumairal sa kanilang dalawa.
STAI LEGGENDO
KILLER.COM
HorrorLimang kwento ng kababalaghan at katatakutan ang magdurugtung-dugtong dahil sa isang masaklap na massacre na nangyari.
