Prologue

21 2 0
                                    

"Good morning, Grade 3 Mango!" Pambungad na bati sa amin ng aming guro nang siya'y pumasok sa aming silid-aralan.

"Good morning, ma'am Bernales!" Mahaba ang tonong sagot ng aking mga kaklase na siyang nagpainis sa akin. Kailangan talagang matinis ang pagsigaw? Umiling na lang ako dahil naiintindihan ko ang sitwasyon nila. Bata pa sila.

"Take your seats." Mabilis akong umupo at kinuha ang isang notebook na malapit na maubos ang pahina at lapis na napupudpod na. Bibili na lang ako mamaya pagkatapos ng klase.

Nagtungo ang aming guro sa lamesang nasa harapan at kumuha ng chalk sa lalagyan. Pinagmamasdan ko siya habang kagat-kagat ang bahagi ng pambura sa lapis upang lumabas na ang natitira nito.

Napatingin ako sa mga kaklase kong hindi magkamayaw sa pagdadaldalan habang nakatalikod ang guro dahil may isinusulat sa pisara. Gusto ko silang pagalitan dahil hindi maganda ang ginagawa nila, kawalan ng respeto ang ipinakita ng kanilang mga kilos ngunit pinigilan ko. May magagawa ba ang boses ko para patahimikin sila? Sapat ba ang mga salita ko upang paniwalaan nila ako? Napabuntong hininga na lang ako. Bata pa sila.

Ibinaling ko na lang ang aking paningin sa harap at nadatnan ang anim na letrang nakasulat sa pisara. Sa ibaba nito ay mayroon walong titik naman pero maliit lang ang pagkakasulat no'n kumpara sa nauna.

Binasa ko ito.

DREAMS.

PANGARAP.

Mga salitang nabuo ko nang ipagbuklod-buklod ko ang mga titik. Dreams, huh?

"Okay, class, our topic for today is all about dreams o sa tagalog ay pangarap." Tuluyan nang nakuha ng guro ang atensyon ng aking mga kaklase nang banggitin niya ang mga katagang iyon.

Tumungo na lamang ako at nagsimulang isulat ang mga salitang iyon sa likod ng notebook. Isinulat ko ito sa pinakagitna at sinimulang gumuhit sa paligid nito.

"Gusto kong tanungin kayo, class. Ano ang ibig sabihin ng salitang dreams o pangarap sa inyo?" Nagsimulang magtaasan ng kamay ang lahat ng aking kamag-aral habang ako ay nagpatuloy pa rin sa pagguhit.

"Lima lang ang aking tatawagin. Magsisimula ako sa harap. Yes, Jessie. Maaari mo bang sabihin sa amin ang kahulugan mo ng salitang pangarap?" Maliksi itong tumayo at humarap sa aming lahat. Mababakas sa kanya ang pagkasabik na ibahagi sa amin ang kanyang nalalaman. Sa likod ng kanyang salamin ay ang nagliliwanag na mga mata dahil sa mga sasabihin niya.

"Ma'am Bernales, aking mga kaklase, ang ibig sabihin sa akin ng salitang pangarap ay bundok." Ang mga kaklase ko ay nagtaka sa sinabi ni Jessie. Anong kinalaman ng bundok sa pangarap? Pigil akong tumawa dahil parang wala namang katuturan ang sasabihin niya. Hindi ko na siya pinansin at nagpatuloy sa pagguhit.

"Bakit mo naihahalintulad ang bundok sa pangarap?"

Ngumiti muna siya at lumabas ang bungi niyang ngipin, "Nasabi kong isang bundok ang pangarap dahil matarik ito. Matarik na kay hirap akyatin. Tatahakin mo muna ang mga magagaspang na daan bago ka makarating sa tuktok. Sa paglalakbay mo ay may taong hihilahin ka pababa upang bumalik ka sa ibaba at sila ang manguna sa itaas. Ngunit kung ito'y iyong pagsisikapang akyatin, hindi alintana ang mga daang makakapagbabalik sa'yo sa umpisa, ay tiyak na makakarating ka sa pinakatuktok nito at maidedeklara mo sa iyong sarili na nagtagumpay ka. Nagtagumpay kang abutin ang iyong mga pangarap."

Walang nagsalita. Nanatiling pipi ang lahat sa sinabi ni Jessie. Maging ako ay napatigil sa pagguhit dahil sa malalalim na mga salitang lumabas sa kanyang bibig. Para sa isang siyam na taong gulang ay nagagawa niyang sambitin ang lahat ng iyon.

Nakakamangha.

"Magaling, Jessie! Hindi ko aakalaing may malalim ka palang kahulugan ng pangarap. Tama ang iyong sinabi. Huwag kang susuko sa pag-akyat ng bundok upang sa gayon ay mahawakan mo sa sarili mong mga palad ang rurok ng tagumpay." Pumalakpak ang aming guro kaya sumunod din kami sa kanya. Nakikita ko ibang kamag-aral ang kawalan nilang ng kaalaman sa sinabi ni Jessie at mayroon namang mababakas ang pagkamangha dahil labis na naintindihan ng kanilang batang isip ang mga iyon.

Glimpse of the North Star (Constellation Series #1)Where stories live. Discover now