Chapter 13

8 3 0
                                    

"Kung ang lokasyon mo ay nasa Cebu...," hinanap ko agad sa mapa ang Cebu at nakita ko ito sa gitnang bahagi. "Saang direksyon mo makikita ang lugar na Zamboanga?"

Mabilis akong nagtaas ng kamay para sumagot sa tanong ni Ma'am. Nagsabay pa kami ni Dianne kaya matalim siyang tumitig sa akin. Ano na naman ang problema ng bubwit na 'to? Nilibot ko ang paningin at kaming tatlo lang ni ate Aiza at Dianne ang nagtaas ng kamay.

"Dahil tatlo lang kayo, sige, tatanungin ko kayo isa-isa," sabi ni Ma'am Malari, ang aming teacher sa HeKaSi na subject. Una niyang tinuro si Dianne. "Yes, Dianne? Ibahagi mo sa amin ang iyong sagot."

Ngumisi pa sa akin ang bata na parang tinutukso ako na hindi na ako makakatayo para makasagot. Hindi ko na lang siya pinansin at baka mabato ko siya ng lapis na nginangatngat ko ngayon. Buti talaga at bata siya, kundi, bull's eye sa akin ang mata niyang malaki.

"The direction where Zam—"

"Isa sa aking panuntunan sa asignaturang ito ay magsasalita lamang tayo sa wikang Filipino," pagputol ni Ma'am sa sasabihin dapat ni Dianne.

Nakita kong umirap siya kaya napangiwi ako. 'Ke bata-bata eh, maldita na. Umiling na lang si Ma'am at sinenyasan ang babaita na sumagot.

"A-ang... ang direksyon kung nasaan ang Zamboanga ay sa timog ng Cebu."

"Dahil?"

Hindi kaagad nakasagot si Dianne. Nanonood lang ako na tiningnan niya ang mapa bago nilapag ulit sa lamesa at ngumiti. "Dahil makikita sa mapa ay na ang Cebu ay nasa gitnang bahagi ng Pilipinas."

Hindi nagsalita si Ma'am at parang naghihintay pa ng idudugtong ni Dianne pero umupo na ang babae.

"Salamat sa pagbabahagi, Dianne," sunod niya akong tinuro. "Ikaw, Lari. Ano ang iyong sagot?"

Tumingin ako kay ate na nasa likuran at binigyan niya ako ng 'thumbs up' na sign. Nangangatog ang tuhod akong tumayo.

"Ang direksyon kung saan matatagpuan ang Zamboanga ay sa timog-kanluran ng Cebu," nakita ko ang pagsulyap sa akin ni Dianne na may nakakainsultong ngisi. Ngumiti rin ako. "Ang Cebu ay nasa gitnang bahagi ng mapa. Gumamit po ako ng ruler para hanayin ang Cebu sa ibang lugar sa timog at ang nasa hanay niya lang ay ang Bohol, Iligan at Cagayan de Oro. Ang Zamboanga ay nasa timog rin ng Cebu pero hindi ito nakahanay mismo sa lugar at nasa gilid-gilid ito sa kaliwang bahagi kaya nasa timog-kanluran ang lugar."

Iyon ang naging interpretasyon ko sa mapa ng Pilipinas. Nakita kong napanganga si Dianne at pinalakpakan ako ng mga kaklase ko, rinig na rinig ko nga 'yong sinasabi ni ate Aiza at Jessica na 'Good job'.

"Ang galing mo, ate Lari," bumaba ang tingin ko kina Meki at Beki (ang weird ng nickname niya talaga) na pumapalakpak din. Nagsabi ako ng salamat bago ulit ibinaling ang tingin kay Ma'am na tumango-tango.

"Maganda ang pagpapaliwanag. Sige, ikaw naman, Aiza."

Tumayo rin si ate at ibinahagi ang kanyang eksplanasyon. Namamangha ko siyang tiningnan dahil ang kalmado niya lang talagang sumagot at wala sa boses niya ang kaba. Ako kasi, nanginginig pa ang labi ko kanina pero siya.... wow. Para siyang sumasagot sa tanong sa isang beauty pageant. Maikli pero detalyado. Ang talino talaga ni ate.

Malakas akong pumalakpak dahil sa pagkamangha. Mas lumakas ang palakpak ng mga kaklase ko pwera kay Dianne na nakahalukipkip at ang sama ng tingin sa harap. Ano naman ang problema ng babaeng 'to?

"Salamat sa mga eksplanasyon niyong ibinahagi, magaling ang pagpapaliwanag niyo pero ang totoong sagot ay nasa timog-kanlurang bahagi ng Cebu ang Zamboanga."

Pareha kami ng sagot ni ate Aiza maliban kay Dianne. Bumaling sa akin ang matalim na mata ng bubwit at inirapan ako. Putspa talaga 'to, akala niya kinaganda niya 'yang pagmamaldita niya. Pwes, hindi 'yan tatalab sa akin. Patusok nga sa mata, Dianne. Pa-try lang baka matauhan ka na pangit ang ugali mong spoiled brat.

Glimpse of the North Star (Constellation Series #1)Where stories live. Discover now