Chapter 3

10 3 0
                                    

"Mama!" Para bang nakaahon ako mula sa pagkakalunod nang madilat ko ang aking mata. Naghahabol ng hininga, parang pinagkaitan ako nito ng maraming oras. Isang panaginip. Masamang panaginip para sa akin na ayaw ko na ulit makita o maalala man lang.

Puting kisame ang bumungad sa aking nanlalaking mata, mahina huni ng makina sa aking gilid ang aking naririnig. Nang mahimasmasan ay nilibot ko ang paningin. Sa kaliwang bahagi ay may mahabang sofa na kakasya ang tatlong tao na kulay puti. Sa bahagi ring iyon nakalagay ang salaming bintana. Parang mga buildings ang nasa labas dahil sa matataas na palapag. Na-realize ko na sa mataas akong parte ng kung saan man ako ngayon. Binaling ko ang mata sa kanan, isang puting dingding ito na may nakasabit na square na kahoy, may nakadikit na mga papel doon, lamesang may mga prutas na nakalagay sa basket at plato na may lamang kanin na wala pang bawas, at ang makinang kanina ko pa naririnig, may pinapakita ritong linya. Huli kong tiningnan ang aking sarili. May mga karayom na nakasaksak sa aking kaliwang kamay, puting gown din ang suot ko.

Muli kong napagtanto na marahil ay nasa hospital ako. Inalala ko ang nangyari kung bakit ako nandito ngayon pero sumakit lamang ang aking ulo kaya napasigaw ako.

"Lari!" Pamilyar na boses ang aking narinig. Si Aiza iyon at nakikita ng nanlalabo kong mata na tumatakbo siya papunta sa akin. May pinindot siya sa gilid ko pagkatapos ay hinawakan niya ang aking magkabilang kamay na mahigpit ang pagkakakapit sa aking sumasakit na ulo. Parang hinahati ito sa dalawa sa sobrang sakit, nahihirapan akong huminga at iyak na lamang ang aking sagot para malaman niya kung anong nararamdaman ko ngayon.

"Kumalma ka, please!" Nag-aalala niyang sabi sa akin habang hinahaplos ang kamay ko. Sinubukan ko, huminga ako nang malalim pero sa kasamaang palad ay hindi man lang nawala ang nakakamatay na sakit sa aking ulo. Napahagulhol na lang ako dahil hindi ko na kaya.

Patuloy pa rin ang sigaw at iyak ko nang may marinig na nagmamadaling mga hakbang papunta sa kinahihigaan ko. Mga nakaputi sila, marahil ay mga doctor at nurse. Inangat ko ang tingin sa kanila at nagmamakaawang alisin ang hindi ko mapangalanang sakit sa ulo ko gamit ang aking mga mata. Nakita kong kinuha ng doktor kaliwang kamay ko kay ate Aiza na patuloy pa rin ang pagpapakalma sa akin. Hindi ko man marinig ang kanyang hikbi pero ang mga tinig niya'y parang naiiyak dahil sa kalagayan ko. Pagkaraan ay may naramdaman akong matulis na tumusok sa braso ko.

"A-ang sakit!" Sabi ko sa mahinang boses dahil napapangunahan ang aking hagulhol. Ngunit makalipas ng ilang minuto ay humuhupa ang sakit ng aking ulo at nakaramdam muli ako ng antok. Bago ko pa muling maisara ang mga mata ay may pumunta sa aking gilid at hinaplos ang buhok ko. Hindi ko masyadong maaninag ang kanyang mukha pero alam kong hindi siya pamilyar sa akin. Hindi rin siya kasama ng doktor kanina.

"P-Pola."

*

"Alam mo ba ang ginawa mo, Lari?" Nakanguso ako habang pinapagalitan ni ate Aiza na nakapameywang pa sa harapan ko.

Matapos ng pagdedeliriyo ko sa sobrang sakit ng ulo ko at pinakalma ng doktor, sabi sa akin ni ate Aiza na walong oras akong nakatulog ulit at nang magising ay nagpasalamat sa Diyos na wala na iyong masakit sa ulo ko. Ang galing ng siyensya talaga. Kumain agad ako ng walang lasang pagkain ng hospital pagkagising ko dahil sa gutom. Humihilab pa nga 'yong tiyan ko hanggang ngayon kaya pinakain ulit ako ni ate Aiza pero prutas naman ngayon, apple.

"Kasi naman eh, napakayabang ng mga lalaking iyon. Akala mo kung sino." Pagsusumbong ko pa para maibsan ang dismaya niya sa akin. Kumagat ako ulit ng apple at parang nagpa-cute para hindi na niya ako pagalitan. Alam ko namang mali iyong ginawa kong pagsugod at pagsuntok sa mayabang na lalaking iyon pero hindi ko talaga napigilan eh. Nainsulto ako sa sinabi niya kaya galit agad ang umusbong sa puso ko.

Glimpse of the North Star (Constellation Series #1)Where stories live. Discover now