CHAPTER III

2.2K 32 5
                                    

  "Kumusta ang unang araw mo sa OJT, Erah?" Hindi pa man siya tuluyang nakakapasok ng kabahayan ay bungad ng tiyang Mila niya. Bagamat nabigla sa naging bungad ng tiyahin ay pinili niyang huwag ipahalata. Kasalukuyan nitong inihahanda ang mesa para sa hapunan. Agad niyang dinaluhan ang tiyahin sa pagprepara ng hapag ngunit itinaboy siya nito.

"Maglinis ka na muna ng katawan at magpalit ng damit bago ka dumulog dine. Sige na." Sumunod naman siya sa utos ng tiyahin. Pumasok siya ng sariling silid at matapos ang ilang minuto ay nakapagpalit na ng pambahay. Muli siyang dumulog sa hapag kainan kung saan nag-aantay ang tiyang Mila niya. Matapos umusal ng pasasalamat sa biyayang nasa hapag ay taimtim nilang pinagsaluhan ang mga pagkain.

"Kumusta ang unang araw mo?" Maya-maya ay muling tanong ng tiyahin. Napatingin siya rito. Bagaman at dalawang taon lamang ang katandaan nito sa kanyang ina ay hindi maitatangging unti-unti ng nababakas ang lumilipas na panahon sa buhay ng tiyang niya. Sa edad nitong kuwarenta-y-uno ay hindi na nito pinilit pang makatagpo ng makakasama hanggang sa pagtanda. Buong buhay niya ay nasa tabi nilang mag-ina ang tiyahin kung kaya naman kahit anong pilit ng amang manirahan siya kasama ng pamilya nito ay hindi niya tinanggap. Marahil ay isang pagtanaw ng utang na loob na rin sa tiyahin kung kaya pinili niyang dito pa rin manirahan sa Baranggay Mangingisda kasama ito. Mataman niyang tinitigan ang tiyahin, alam kaya nitong may angking ganda itong pilit itinatago sa likod ng malamlam na mga mata? Gaya ng kanyang ina, maituturing na mistisa ang tiyahin na siya ring namana niya sa yumaong ina ng mga ito. Ayon sa mamang niya, mula sa lahi ng mga kastila ang lola Pinay niya. Arriesgado. Iyon ang apelyido ng lola niya ng dalaga pa ito. Ang kanyang lolo, bagamat purong pilipino ay mistiso rin naman kaya siguro ang mga naging anak ng mga ito ay parehong mapusyaw ang mga balat at naipasa na rin maging sa kanya. Muli niyang pinagmasdan ang tiyahin, tahimik itong sumusubo ng pagkain. Ni hindi man lang ito bumaling ng tingin sa ibang bagay habang sumusubo. Dahan-dahan itong sumusubo ng pagkain ng mapansing pansamantala siyang huminto sa pagsimsim. Tumingin ito sa kanya at kunot ang noong nagtanong:

"May problema ka? Di ka na kumain. Ayaw mo ba ng ulam?" Marahang tanong nito. Buong buhay niya ay mabibilang ang pagkakataong nakapag-usap sila ng matagalan ng tiyahin. Hindi gaya ng kanyang yumaong ina na madaling makahulugan ng loob ng bawat makakakilala nito dahil sa palakaibigang ngiti at masayahing mukha, madalas itong tahimik lang at masyadong malumanay kung makipag-usap kung kaya naman wala siyang matandaang masayang pag-uusap sa pagitan nila. Lagi na ay seryoso at maikli.

"Tiyang, na-inlove ka na ba?" Hindi niya alam kung san niya hinugot ang lakas ng loob na itanong sa tiyahin ang tanong na iyon. Sa nakikita niyang reaksyon ng sa mukha nito ay halatang hindi nito inaasahang marinig mula sa kanya ang tanong na iyon. Malamang ay ni hindi nito inaasahang may magtatanong sa kanya ng ganoon. Nakatitig lamang sa kanya ang tiyahin. Ngayon, nais niyang pagsisihan ang ginawang pagtatanong. Ano nga ba kasing pumasok sa isip niya at lumabas iyon mula sa kanyang bibig. Hindi pa rin nawala ang tingin ng tiyahin sa kanya. Nakahanda na syang ibuka ang bibig upang bawiin ang sinabi ay nagasalita naman ito.

"Noon. Ngunit kung pinili ko ang sinasabi mong love, hindi ko alam kung humaba ng ganoon ang buhay ng ina mo." Iniwas nito ang tingin sa kanya. Itinuon nito ang tingin sa labas ng bintana. Ngayo'y alam niyang tumatagos na ang tingin nito sa baybayin. Tila nag-iba ang ihip ng hangin. Nakikisabay sa damdaming ibinabadya ng mukha ng tiyahin.

"Kung magmamahal ka, Erah, hindi laging sinusunod mo ang nais ng taong mahal mo. May mga pagkakataong susundin mo kung ano ang mas dapat gawin. Ang mas tamang gawin. Mas pipiliin mong isakripisyo ang pagmamahal na iyan para sa mga taong noon pa man ay hindi ka iniwan." Hindi niya alam kung pano pakikitunguhan ang mga salitang binitawan ng tiyahin. Hindi niya alam kung ano ang dapat isukli sa mga tinuran nito. Ang tanging alam lang niya ay nakabadya sa mukha ng tiyahin ang kalungkutan. Malungkot ang tiya Mila niya. Muli niyang pinagmasdan ang tiyahin. Hindi siya tiyak ngunit may pakiramdam siyang bumalik panandali sa nakaraan ang isip ng tiyahin. At muli, ibinabadya ng mukha nito ang kalungkutan at...pangungulila? Sa puntong iyon ay nakaramdam siya ng kagustuhang mapasok ang isip ng tiyahin at malaman ang naging karanasan nito sa pag-ibig ngunit hindi pa man, mukhang nahihinuha na niya ang nais nitong ipakahulugan, na dumating ito sa puntong kinailangang iwan ang iniibig para sa inay niya. Para sa kaniya. Nakadama siya ng lungkot para sa tiyahin. Noon din ay napagtanto niyang tama ang desisyon niyang huwag itong iwan. Sa lahat ng naging sakripisyo nito para sa kanilang mag-ina, nararapat lang na sya naman ang hindi umalis sa tabi nito. Kahit hindi nito sabihin, alam niyang ikinatuwa nito ang pasya niyang huwag sumama sa ama. Nakatanaw pa rin ang tiyahin sa baybayin at tila ba lumalalim na ang tinatakbo ng isip nito. Wala sa loob na sinunundan niyang muli ang hinayon ng mga tingin ng tiyahin. Sino kaya ang lalaking iyon? Sino kaya ang pag-ibig na piniling isakripisto ng tiyahin para sa kanilang mag-ina? Nasaan kaya ito sa mga oras na ito? Ipinilig niya ang ulo sa tinatakbo ng isip. Hindi na niya dapat pang pinagkakaabalahang isipin iyon. Naniniwala siyang ang dalawang taong itinadhanang magsama habang buhay ay magsasama habang buhay gaano man kalaki ang balakid. Kung hindi, gaano man nila kamahal ang isa't isa ay hindi talaga magsasama. Gaya na lamang ng tiya Mila at ng pag-ibig nito. Siya kaya? Ano kaya ang magiging kapalaran niya? Ayaw man niyang aminin ay bigla siyang nakadama ng pangamba. Ayaw niyang matulad sa ina na bagamat nagmahal ay sa maling tao naman. Hindi rin niya nais na matulad sa tiyang Mila niya. Nagmahal ngunit hindi napanindigan. Gusto niyang magmahal at mahalin ng may paninindigan at katapatan ngunit nangangamba siyang malabo na ang ganoong uri ng pagibig sa ngayon. Siguro ay hindi na niya dapat na iniisip iyon. Wala namang dahılan upang pagtuunan niya ng isipin ang ganoong bagay. Ano bang pumasok sa isip niya at pinagtutuunan niya ng panahon ang mga bagay na gaya nito. Pati ang tiyahın tuloy niya ay nagambala ang damdamın dahil sa kanyang mga di ping-iisipang sabihin. Wala namang dahilan para isipin niya ang mga ganoong bagay. Wala namang rason. Wala nga ba? It was nice seeing you again, miss Erah... Ipinilig niya ang ulo nang biglang pumailanlang ang boses na iyon kasabay ng paglinaw ng hitsura ng may-ari ng tinig. Isang hindi pangkaraniwang damdamin ang muling lumukob sa kabuuan niya. Sa wari ba ay bumilis ang pintig ng puso niya. Wala sa sariling dinampot niya ang baso ng tubig at agad na sumimsim. Ano ba ang nangyayari sa kanya? Sa tuwing maaalala nalang niya ang lalaking ito ay nag-iiba ang pintig ng puso niya. Bumibilis na tila ba may hinahabol at tila ay nakakadama siya ng pagkauhaw. Muli niyang ipinilig ang ulo upang tuluyang pawiin ang nasa isipan ngunit hindi niya ito napagtagumpayan. Pilit na bumalik sa naging huling pagtatagpo nila ng lalaking iyon ang isipan niya. I know you! Hi, miss Erah! At noon din ay muling naging malinaw ang mukha ng lalaking iyon. May kung ilang beses niyang ipinilig ang ulo. Ano bang nangyayari sa kanya? Nababaliw na sya.

"Tao po!"

"Aba, mukhang boses ni-"

"Tiyang Mila! Magandang gabi po!"

"Ay si Drigo nga." Ang mahinahong sambit ng tiyang Mila kasabay ng pagdungaw sa labas ng bintana. Noo'y napilitan siyang dumungaw na rin para lamang salubungin ng nakangiting mukha ni Rodrigo Domenguez!

"Anong-"

"Napadaan ka, Drigo?" Nagtatakang tanong ng Tiya Mila ngunit hindi maitatago ang katuwaan sa tinig nito. Sa kung anong dahilan ay di na nabigyan pang linaw dahil tuluyan ng naagaw ng ginagawang pagkilos ng tiyang Mila niya. Agad nitong tinungo ang pinto upang imbitahang pumasok ang binata.

"Pumasok ka, Drigo. Halika at sabayan mo na kaming maghapunan." Masayang anyaya ng tiyahin.

"Salamat po, tiyang. Di ko po tatanggihan yan!" Todo ngiting ganti naman ni Drigo habang lumalapit sa hapag.

"Anong ginagawa mo rito?" Pabulong niyang tanong habang tinitiyak na hindi siya naririnig ng tiyang Mila na ngayo'y kumukuha ng pinggang para sa bagong dating. Ngunit hindi siya sinagot ng binata, sa halip, inilapag nito ang bitbit. Hinuha niya'y pagkain ang laman ng lagayang iyon.

"O, Drigo. Sige, sumalo ka na sa amin." Nakangiting inilapag ng tiya niya ang piggan sa tapat ng binata.

"Ay opo. May dala nga po akong pinaupong manok at suman na rin po, para panghimagas." Sa narinig ay lalong nagliwanag ang mukha ng tiyahin. At ang kaninang malamlam na mga mata ay tila ba nagkaroon ng kakaibang sigla.

"Eto, sa'yo to." Mula sa tiyahin ay napatingin siya kay Drigo na noo'y marahang inilalagay sa kanyang pinggan ang isang pakpak ng manok habang nakangiting sinalubong ang tingin niya. Todo ang ngiti nito na halos magpawala na sa may kaliitan nitong mata. At ewan ba ngunit unti-unti niyang nararamdaman ang pag bilis ng kabog ng dibdib niya. Ano bang nangyayari sa kanya? Paanong sa dalawang pagkakataon ay nakadama siya ng ganitong pakiramdam para sa lalaking ito? Hindi pa man niya napo-proseso ng husto ang tanong na iyon sa isip ay tila tuksong sumagi sa balintataw niya ang mukha ng isa pang nagbibigay ng di-maipaliwanag na damdamin sa kanya. Sa pangatlong pagkakataon! Ano ba itong nararamdaman niya at bakit tila hindi niya kayang pakibagayan. Bakit tila kay hirap bigyan ng sagot? Hindi nga ba niya kayang sagutin, o sadyang hindi siya handang sagutin? Sa huli, pinili niyang itigil ang isipin. Lilipas rin ito. Mawawala rin ang mga isiping ito. Mawawala rin...

************

Hi everyone! Kumusta po kayo? Una po sa lahat ay nais kong magpasalamat sa inyong pag antabay ng updates para sa nobelang ito. Pangalawa, Patawad. Sa totoo lang hindi ko na alam  kung paano ko isisingit ang pagsusulat para sa nobelang ito. Gustong gusto ko po talagang gawin ngunit mas nananaig ang calling ng trabaho. Bukod po kasi sa ambisyong maging manunulat ay may isa pa pong passion ang inyong lingkod. Mga bata. Kabataan. Kaya naman sa panahong ito ay talagang higit na mahirap ang mag prepare ng mga kakailanganin para sa pagtuturo. Mas demanding ang work. Mas maraming oras na ang ginugugol namin sa harap ng computer screen. Halos 12 oras ang inilalaan namin para sa paghahanda at pagconduct ng classes araw araw. At dahil may problema sa mata ang inyong lingkod ay naisasakripisyo po talaga ang panahon para sa paggawa ng ibang bagay bukod sa preparation ng mga kakailanganin para sa pagtuturo. Matatagalan po siguro bago ako makabalik sa pagsusulat. Inaanticipate ko na ang bakasyon para makapaglaan na ng malaking oras sa pagsusulat. Sa ngayon, hanggang dito na lamang po muna. Hanggang sa muli! God bless us all! Stay safe, everyone.

-Ms. Bella

Jacobo Daniel De Salvo (Sana'y Magbalik)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon