Kabanata 11

23 5 0
                                    

Hindi alam ni Azarea kung dapat ba siyang magpasalamat dahil hindi niya nakasama si Moon sa loob ng dalawang linggo. Iyon naman ang nais niya, ang mawala ang nararamdaman niya ngunit bakit ganoon na lamang ang nararamdaman niya. Ginamit niya ang mga araw na iyon para makausad. Pero laking taka lamang niya sa sarili niya dahil mas lalo lamang yatang lumalala. Parang nais na lamang niyang liparin ang pagitan nilang dalawa. Nais niyang hanapin si Moon at ipagdamot na sa kung sino.

Napabuntong-hininga na lamang siya.

"May problema ka ba, Azarea? Hindi mo ba nagustuhan ang niluto ko? Pangit ba ang lasa?" tanong ni Stanley at saka inalis ang suot nitong apron.

"H-hindi—"

"Ha? Hindi mo nagustuhan? Pasensya ka na ha, nagsasanay palang kasi—"

"Hindi! Hindi iyon ang ibig kong sabihin," biglang sagot ni Azarea at saka umiling-iling.

"Talaga?"

"Oo, ang ibig kong sabihin ay hindi pangit ang lasa ng niluto mo. Sa katunayan, masarap ito," dagdag ni Azarea na ikinangiti ni Stanley.

"Masaya ako at nagustuhan mo ito," malawak ang ngiting sambit ni Stanley.

"Oo at hindi ako nagsisinungaling," simpleng nakangiti na sabi ni Azarea kahit na nasa isip pa rin niya ay si Moon.

"Salamat."

"Walang anuman, ah Stanley. . . bukas nalang ulit tayo magkita ha? Maaari ba?" tanong ni Azarea na nakapagpatigil kay Stanley.

"Bakit?" tanong nito.

"May pupuntahan lamang ako," mahinahon na sagot naman ni Azarea.

"Saan?" tanong ni Stanley.

"Basta, huwag mo nang tanungin," nakangusong tugon naman ni Azarea.

"O-oh sige, basta mag-iingat ka," huling sinabi ni Stanley bago patakbong umalis si Azarea.

Agad na nagtungo si Azarea sa tagong lugar at nagdasal na gabayan siya sa kaniyang paglipad. Malayo ang liliparin niya at hindi rin niya alam kung saan siya tutungo ngunit alam niya sa sarili niyang gagawin niya iyon para lamang makita na si Moon.

Lumipad siya nang mataas at umaasang walang makakakita sa kaniya. Tinaasan niya ang lipad niya para akalaing isa lamang siyang ibon na lumilipad sa ere o kaya naman ay isang eroplano. Sobrang baba ng araw, napakainit ng hulab nito. Tumatama ang init ng araw kay Azarea pero hindi niya ito pinagtutuunan ng pansin. Ang kailangan niya ay makarating kung saan siya dalhin ng kaniyang sariling pakpak. Naniniwala siyang dadalhin siya ng kaniyang pakpak kay Moon.

Lipad lamang at lipad ang ginawa niya hanggang nang sumapit ang bandang hapon ay biglang bumuhos ang ulan. Nabasa at bumigat ang pakpak ni Azarea kaya kailangan niyang bumaba  sandali para hintaying matapos ang ulan. Bumaba siya sa lugar kung saan walang tao. Natagpuan niya ang bakanteng lote kaya doon siya bumaba. Nakahanap siya ng isang malaking puno kaya umakyat siya doon at sandaling naupo sa malaking sanga nito. Malago ang punong iyon kaya napoprotektahan siya nito laban sa buhos ng ulan.

Sa hindi kalayuan, nakakita siya ng mga batang nagtatakbuhan. Naliligo sila sa ulan at naglalaro; nagtatampisaw at masayang-masaya sila. Inilibot niya ang kaniyang paningin at ganoon na lamang ang kaniyang pagkagulat nang makita niya ang isang batang babae na nakatingin sa kaniya. Nasa baba ng puno ang batang babae, nakatingala ito at tila hindi makapaniwala sa nakikita. Nakita ng batang iyon ang kaniyang pakpak.

"I-isa ka bang anghel? Nananaginip ba ako?" mahinhin na tanong ng batang babae.

Hindi alam ni Azarea kung anong dapat niyang sabihin kaya sinabi na lamang niya na nananaginip lamang ito bago siya lumipad paalis. Mabuti na lamang at tumila na ang ulan. Lumipad siya palayo hanggang sa marating niya ang lugar kung saan ay napakaraming matataas na gusali at mga sasakyan.

Azarea [ COMPLETED ]Hikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin