Kabanata 7

22 6 0
                                    

Lumipas ang isang linggo at talagang hindi na kaya pa ni Moon ang nangyayari. Hindi kasi siya pinapansin ni Azarea at ganoon rin naman siya. Nagsimula ito noong araw na pinapili niya si Azarea kung sino ang mas gwapo sa kanilang dalawa ni Stanley. Noong una, natatawa pa siya sa sarili niya dahil sa ginawa niyang pagpapapili pero ngayong hindi na siya pinapansin ng dalaga, naiinis na siya sa kaniyang sarili.

Aaminin niyang naiinis siya sa tuwing natutuwa si Azarea kapag kasama nito si Stanley tapos takot lamang ang nadarama nito sa tuwing siya ang kasama.
Napapatanong na lamang siya minsan sa sarili kung paano ba maging isang Stanley. Hindi naman siya ganito noon, wala siyang pakialam sa kung anuman ang itsura niya pero ngayon, ewan na lamang.

Gusto niyang komprontahin si Azarea kung bakit hindi ito namamansin. Malimit pa ay si Stanley ang kasama nito. Lalo lamang siyang naiinis. Malimit rin na naroon lamang siya sa sala at nakaupo habang nakabantay sa oras. Inoorasan niya kung gaano katagal nawala si Azarea.

“Anak, kumain ka muna,” saad ni Sariya mula sa labas ng kaniyang silid. Halos maghapon na siyang nasa loob ng kaniyang kwarto at wala namang ginagawa. Mababaliw na yata siya.

“Mamaya na lamang ho ako kakain, busog pa ho ako,” sagot naman nito na taliwas sa nadarama ng kaniyang tiyan.

“Ako ay huwag mong yabangan anak ha, wala ka pang kain ng almusal.
Sigurado akong gutom ka na pero kung adik ka naman e siguro nga ay busog ka,” natatawang sabi ni Sariya na ikinanguso ni Moon. Hindi naman siya adik, sadyang nakakatamad lamang ang bawat araw. Alam niyang magiging kagaya rin ng ibang naunang araw ang araw niya ngayon.

Ayaw niyang lumabas dahil hindi rin naman siya papansinin ni Azarea. Nakakatamad rin lalo na at wala siyang makausap. Wala naman siyang kaibigan sa kanilang kapit-bahay at hindi rin naman siya mahilig makipagkaibigan. Sanay rin siya noon nang tahimik lamang at walang kausap pero tila hinahanap-hanap niya ang pangaasar niya kay Azarea.

“Sige ho, lalabas na ho ako,” sagot ni Moon at saka tumayo. Nag-iwan lamang siya ng malalim na buntong hininga at saka binuksan ang pinto.

Nakita niyang naroon si Azarea at hindi niya inaasahang titingin ito sa kaniya kaya nang tumingin ito sa kaniya ay sinimangutan niya lamang ito at malungkot na tiningnan ito. Tamlay rin siya nang umupo sa upuan at nanatiling nakasibangot. “Anak, ang pangit mo. Kanino ka bang anak?” pang-aasar ni Sariya kay Moon pero hindi naman natinag si Moon. Malamlam ang mata niyang kumuha ng kanin.

“Alam ko naman iyon, ina,” mahinang sagot ni Moon at saka naglabas ng pilit na ngiti.

Napatigil naman si Azarea sa pagkain pero hindi siya nagpahalata. Si Sariya naman ay ginulo ang buhok ni Moon. Naisip ni Azarea na talaga palang hindi pa rin nakakausad si Moon sa usapang iyon. At ngayon pala ay tinatanggap na nito na pangit siya. Nagtatampo ang binata, kitang-kita iyon. Para kasi siyang batang hindi isinali sa tagu-taguan. Isang linggo na siyang ganiyan at hindi rin siya pinapansin nito.

Nais ni Azarea na makausap si Moon at humingi ng tawad pero natatakot siya at kinakabahan.

Noong isang linggo kasi, pinapili siya ng binata kung sino ba ang mas gwapo sa kanilang dalawa ni Stanley at hindi naman agad siya makasagot. Kaibigan na niya si Stanley at hindi niya kayang sabihan ito ng masama sa likod nito. Hanggang sa noong nagpaalam na nga siya kay Moon na pupuntahan niya si Stanley ay bigla itong nagsalita.

“Kapag tumuloy ka, isa lamang ang ibig sabihin noon. Mas gwapo siya kaysa sa akin pero kapag naupo ka rito sa harap ko, mas gwapo ako kaysa sa kaniya. Kaya— nais kong magdesisyon ka na ngayon dahil nais ko talagang malaman kung sinong mas lamang sa paningin mo,” seryosong sabi ng binata.

Azarea [ COMPLETED ]Where stories live. Discover now