Kabanata 16

16 5 0
                                    

"Gwapo?" seryosong tanong ni Moon.

Nakaupo silang dalawa sa may malaking bato habang pinapanood ang mga alitaptap na nagbibigay liwanag sa paligid. Mas lalo itong nagmukhang Agoshopeia dahil sa napakaraming alitaptap. Tinanong ni Azarea si Moon kung siya ang lalaking nagligtas sa kaniya pero hindi naman daw kaya ikinuwento na lamang niya kay Moon ang nangyari noong araw ng sayawan. Nagalit si Moon dahil hindi daw siya inalagaan ni Stanley at iniwan pa mag-isa. Gusto nga nitong hanapin ang lalaking nanghabol sa kaniya pero ipinaliwanag ni Azarea na naligtas naman siya dahil sa lalaking nakapula.

"Hindi ko alam, hindi ko siya nakita," sagot naman ni Azarea na namamangha sa paligid.

"Nagsisisi ka bang hindi mo siya nakita?"

"Ha? Ewan, gusto ko siyang makita para mapasalamatan. At kung sakali naman na nakita ko siya noon sa sayawan, mas madali ko siyang mahahanap ngayon," pahayag ng dalaga at napabuntong hininga naman si Moon.

"Malungkot kang hindi mo siya nakilala," mapaklang sambit ni Moon.

"Magsisinungaling lamang ako sa iyo kung sasabihin kong hindi. May mga panahon ring naiisip ko ang lalaking iyon dahil may iba akong pakiramdam sa kaniya. Para bang matagal ko na siyang kilala," pag-amin ng dalaga na ikinanguso ni Moon.

"May gusto ka sa lalaking iyon," may diin na sabi ni Moon na ikinatawa ni Azarea.

"Noon iyon, pero magkaiba ang gusto at mahal. Magkaiba kayo dahil gusto ko siya, mahal naman kita," malambing na saad ni Azarea. Lihim namang napangiti si Moon.

"Saan ka ba natutong magsalita ng mga ganiyan? Nakakatunaw."

"Magagalit ka kapag binanggit ko ang pangalan niya."

Sa sinabing iyon ni Azarea, alam na ni Moon kung sinong tinutukoy nito kaya huminga na lamang siya nang malalim.

"Hindi naman ako galit, nagseselos lamang ako. May gusto kasi iyon sa iyo at sa tuwing magkasama kayo, nagtatagumpay siya," paliwanag ni Moon.

Nagulat naman si Azarea kaya tinitigan lamang niya si Moon.

"Huwag mo akong tingnan ng ganiyan. Kung tinatanong mo kung bakit ko alam, sadyang alam ko dahil lalaki rin ako," malayo ang tinging saad ni Moon.

"Hindi naman niya sinasabi sa akin," may katotohanang sambit ni Azarea.

"Hindi pa, hindi pa niya sinasabi. Sasabihin pa lamang niya sa iyo kaya ihanda mo ang sarili mo," bilin pa ni Moon.

"Pero masasaktan ko siya, hindi ba?" malungkot at nakatungong tanong ni Azarea.

"Oo pero mas masasaktan siya kung hindi mo agad sasabihin. Kung talagang gusto ka niya o kung mahal ka na niya, magpaparaya siya para lamang sa ikasasaya mo," payo ni Moon.

"Kung halimbawang mahal ko iyong lalaking nagligtas sa akin tapos gusto mo ako, magpaparaya ka rin?"

Hindi inaasahan ni Moon na itatanong iyon ng dalaga kaya napalunok na lamang siya pero nakapag-isip rin naman agad siya ng sasabihin.

"Masakit pero oo, magpaparaya ako basta alam kong masaya ka. Pero huwag mong aasahan na maaalis agad ang nararamdaman ko dahil kung ikaw ang babae, matatagalan pa bago maalis iyon at hindi pa nga sigurado kung maaalis iyon," mahabang paliwanag ni Moon.

"Moon! Dapat maalis iyon, may mahahanap ka pang ibang babae," saway niya kay Moon na ikinasikip ng dibdib niya. Naiisip tuloy niya kung paano niya magagawang iwanan ang lalaking ito kung ganoon na lamang ang pagmamahal nila sa isa't-isa.

"May mahahanap akong ibang babae pero hindi kagaya mo. Wala akong ibang gusto kung hindi ikaw lamang," seryosong saad naman ni Moon.

"Oo kasi ako ang mahal mo sa ngayon kaya nasasabi mo iyan pero kapag nawala na ako, makakalimutan mo rin ako," dagdag ni Azarea na ikinakunot naman ng noo ni Moon.

Azarea [ COMPLETED ]Where stories live. Discover now