Kabanata 26

15 5 2
                                    

"Nais ko mang pakasalan ka pero masasaktan ka lamang kapag natuloy iyon at saka hindi ka na makakahanap ng ibang babaeng mapapangasawa kapag nagpakasal tayo," malungkot na sagot ni Azarea.

"Iniisip mo ba na maghahanap pa ako ng ibang babae kapag iniwan mo na ako?" hindi makapaniwalang tanong ni Moon na ikinatungo ng dalaga.

"Kung ako ang mawawala, kung ako ang nasa kalagayan mo at maiiwan kita, hahanap ka rin ba ng iba bukod sa akin?" dagdag ni Moon.

Hindi nakasagot si Azarea at saka napatitig sa binata. Hindi niya inaasahan ang tanong na iyon ni Moon at napaisip siya roon. Kahit siya ay hindi kakayaning maghanap ng iba. At sa totoo lamang ay nasasaktan siya sa isiping hindi siya ang makakasama ni Moon hanggang dulo.

"Maghahanap ka ng iba?" ulit na tanong ni Moon na kinakabahan sa isasagot ni Azarea.

"H-hindi," mahinang tugon ni Azarea na ikinangiti ni Moon at saka niya niyakap ang dalaga.

"Kaya ganoon rin ang aking gagawin, hindi na ako maghahanap ng iba dahil mananatili ka lamang sa aking puso. Wala na akong ibang gugustuhin kung hindi ikaw lamang," pabulong na pag-amin ni Moon.

Malalim na rin ang gabi kaya napagdesisyonan ni Moon na tumayo na para lumipat sa kaniyang silid. Gusto man niyang makatabi si Azarea pero hindi pa pwede hanggang hindi sila naiikasal.

"Azarea, hindi ko alam kung magpapakasal ka sa akin pero bukas ng umaga, maghihintay ako sa simbahan at nasa iyo ang desisyon kung pupunta ka o hindi. Ayos lamang kung talagang ayaw mo dahil alam ko naman ang dahilan mo pero...maghihintay pa rin ako," nakangiting paalam ni Moon at saka tuluyang lumabas sa silid.

Nataranta si Azarea sa sinabi ni Moon. Hindi niya alam kung anong gagawin niya. Alam niya sa sarili niya ang dahilan kung bakit ayaw niyang magpakasal sila at iyon ay dahil ayaw niyang mahirapan si Moon. Ayaw niyang kapag dumating ang panahon na magmahal ng iba si Moon, mahihirapan itong pakasalan ang babaeng iyon dahil sila ay kasal na at may papeles na nagpapatunay roon. Pero nais niyang pakasalan si Moon dahil mahal na mahal niya ito at pangarap ng isang babaeng makasal sa taong mahal niya. Noon, hindi niya iniisip ito pero hindi niya akalaing magiging ganito pala ang pagdadaanan niya sa usaping iyon.

Hindi siya nakatulog buong gabi dahil doon at saka nakatulog noong paumaga na noong nakapagdesisyon na siya.

Bihis na bihis man si Moon, kinakabahan pa rin siyang nagtungo sa simbahan kung saan naroon ang pari na magkakasal sa kanila. Kinakabahan siya dahil malaki ang posibilidad na hindi makarating si Azarea dahil unang-una, ayaw nitong makasal sa kaniya dahil sa ibang dahilan at pangalawa, mahina na ang dalaga.

Nakasuot ng kulay puting may mahabang kamay na damit si Moon at kulay itim na pantalon. Nakasapatos ito at maganda rin ang pagkakaayos ng buhok nito.

Simpleng kasal lamang naman iyon kaya ayos na ang ganoong suot. Mukha naman siyang presentable. Siya lamang rin at ang pari ang naroon dahil hindi na siya nangumbida pa ng mga dadalo. Mabait ang paring kaniyang nakuha, matiyaga ito at nakakapaghintay kaya kahit na halos kalahating minuto na ang lumipas ay hindi pa rin sila umaalis roon.

"Huwag kang mag-alala hijo, darating iyon," nakangiting saad ng pari kaya napangiti na rin siya kahit na kinakabahan nang sobra.

"Maiintindihan ko naman po kung hindi," nakangiting sagot ni Moon na kahit papaano ay may kirot sa puso niya. Napahawak na rin siya sa batok niya at tinatago ang sakit na nadarama.

Lumipas pa ang kalhati pang oras at hindi pa rin dumarating si Azarea. Napabuntong-hininga na lamang si Moon dahil mukhang hindi na nga darating ang kaniyang pinakamamahal.

"Baka po hindi na siya dumating, tara na ho siguro," alok ni Moon sa pari.

"Hindi ka na maghihintay?" ulit na tanong ng pari.

Azarea [ COMPLETED ]Where stories live. Discover now