Kabanata 15

15 5 0
                                    

"Kuya, maghubad ka rin!" sigaw ng isang babae mula sa hindi kalayuan dahil lumapit pa mismo ito roon para panoorin ang laro nina Moon at Eleazer. Tinutukoy ng babae ay si Eleazer na lumingon sa babae at saka ito kinindatan.

"Magpinsan nga kayo," mahinang saad ni Azarea sa sarili habang hawak-hawak pa rin ang damit ni Moon at nakaupo lamang roon malapit sa court.

Bahala na kung matatamaan siya ng bola.

Agad namang naghubad si Eleazer at sakto namang tiningnan siya ni Moon. Sinisigurado siguro nito na hindi siya titingin sa katawan ni Eleazer. Hindi naman talaga siya titingin sa mga katawan nila dahil naiilang siya pero noon iyon, simula nang makita niya si Moon na nasa ganoong hitsura ay nasasanay na rin siya pero sa katawan lamang ni Moon pero hindi sa katawan ng iba.

Tiningnan siya ni Moon na tila sinasabi nito na sa kaniya lamang siya tumingin pero nginusuan niya lamang si Moon. Sana ay sinabi nito na huwag na lamang siya manood kung ayaw niyang makita niya ang katawan ni Eleazer.

Nagsimula ang laro, dumami ang tao roon at karamihan ay mga babae. Kaniya-kaniya sila ng tili, mayroong sumisigaw para kay Eleazer at mayroon ring sumisigaw para kay Moon. Hindi matukoy ni Azarea kung sino ang mayroong mas maraming tagahanga dahil kaniya-kaniya ang pagsigaw at halos mabingi na siya roon dahil sa ingay ng mga babaeng nasa likod niya.

"Napakagwapo ng lalaking nakahubad na iyon," kinikilig na sigaw ng babaeng nasa likod niya na ikinakunot ng noo niya.

"Pareho naman silang nakahubad. Sinong tinutukoy niya?" tanong ni Azarea sa sarili.

Naunang makapuntos si Moon kaya umaasa siya na mananalo ang binata laban sa kalaban. Kita naman sa mukha ni Eleazer na hindi ito nababahala kung maunang makapuntos si Moon. Paminsan-minsan pang sumisilip sa kaniya si Eleazer pero nakatuon ang tingin niya kay Moon na sineseryoso ang laro.

Umabot ng kalhating oras at nakalamang si Moon ng tatlong puntos. Panay pa rin ang sigaw ng mga taong naroroon at siya ay napapagod na sa kauupo. Naliliyo na siya dahil sa paglilipat-lipat ng tingin at sa pagsunod sa galaw ng kasintahan. Mabilis si Moon at si Eleazer naman ay tila pinagbibigyan lamang si Moon dahil makikitang hindi nito sineseryoso ang laro.

Lumipas pa ang maraming minuto, nakangising hawak ni Moon ang bola habang nakatingin kay Azarea. Lamang na si Eleazer pero ganoon ang kaniyang reaksyon, nakangisi lamang at tila hindi nababahala na mas malaking ang lamang sa kaniya ni Eleazer. Labindalawa na ang lamang ni Eleazer dahil nang nagseryoso siya kanina ay hindi na niya hinayaang makuha ni Moon ang bola.

"Pagod ka na?" tanong ni Azarea kahit na alam niyang hindi maririnig iyon ni Moon pero alam naman niyang malalaman ni Moon ang kung anong ibinubuka ng labi niya.

Tumango ang binata pero hawak pa rin nito ang bola. Ngumiti ito kay Azarea na ikinasigaw ng mga babae, akala kasi nila ay sila ang nginitian ni Moon. Basang-basa na ang buhok at katawan ni Moon at habol narin nito ang sariling hininga. Nag-aalala ang dalaga na baka hindi na kaya ni Moon ang ginagawa nito dahil ngayon lamang niya nakitang maglaro ang binata.

"Eleazer!" pagtawag ni Moon sa binata na ikinaayos ng tayo nito. Naroon pa rin sila at naglalaro ngunit naroon kay Moon ang bola. Ipinasa naman nito ang bola kay Eleazer.

"Bakit mo binigay sa akin ito?" may kuryosidad na tanong ni Eleazer.

"Ayoko na, panalo ka na," sagot ni Moon.

"Sigurado ka? Makakasama ko si Azarea buong araw at ayos lamang sa iyo?"

Nakita ni Azarea sina Moon at Eleazer na nag-uusap noong makuha ni Eleazer ang bola. Pero laking gulat niya nang maghabulan ang dalawa at papalapit sa kaniya ang tumatakbong si Moon habang tumatawa tapos saka siya hinawakan sa kamay at sabay na nagtatakbo palayo roon. Naiwan naman si Eleazer roon na pinagkakaguluhan ng mga babae dahil hinabol rin ito ng mga babae habang napapakamot na lamang sa ulo.

Azarea [ COMPLETED ]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon