~KONEKTADO

26 13 12
                                    

𝙳𝚎𝚍𝚒𝚌𝚊𝚝𝚎𝚍 𝚝𝚘 : Porknuggeeets

" KONEKTADO "

Gising, kain at tulog, iyan ang mga bagay na paulit-ulit kong ginagawa simula pag-gising sa umaga bago pumasok sa eskwela. Sa pagmulat ng aking mga mata, orasan ang una kong nakikita.

Tiktok! Tiktok! Ang tunog ng orasan na aking napapakinggan na wari ko'y may nais ipahiwatig na dahilan, na 'di ko malaman kung bakit ako naaapektuhan?

Sa pagtingin ko sa orasan, napansin kong ang dalawang kamay nito ay parang naglalaro't naghahabulan. 'Di ko alam kung anong patutunguhan, sa aki'y isang palaisipan kung ano kaya ang mangyayari kapag sila'y nagkasalubungan?

Magsama ng isang minuto lang ang nakalaan at pagkatapos babalik na naman sa naumpisahan. Nagsama ng panandalian, naghiwalay ng pangmatagalan.

Sa tagal ng aking paghihinuha, hindi ko namalayan na ako'y nahuli na ng pasok sa eskwelahan. At ng ako'y pumasok sa silid aralan, mabuti nalang at hindi ako pinagalitan. Ngunit ang hindi ko inaasahan na sa pag-upo ko sa aking upuan, sa Matimatika'y Asymptote at parallel ang aming pinag-aaralan.

Asymptote na linyang nagkakalapitan pero 'di nagtatagpo ni minsan. Parallel na linyang may isang direksyon ang patutunguhan ngunit magkaiba ang dinadaanan. Parehong linya na ginagamit sa Matimatika, parehong linya na nagbibigay sa atin ng solusyon sa problema ngunit ang gamit ay magkaiba.

Parehong linya na saki'y nakaapekto't nakapagpaalala...

Dapit hapon na nang ako'y umuwi sa bahay namin. Nagbihis at tinapos ang mga dapat gawin. Pinagmasdan ang mga tanawin at hinayaang dampiin ang aking balat ng malamig na simoy ng hangin.

Sa paglubog ng araw ay ang unti-unting buwan naman ang lumilitaw na nagsisilbing sa gabi ay ilaw. Buwan at Araw, parehong itinalaga na magbigay liwanag sa mundo ngunit kailanma'y hindi pwedeng magsabay ng pareho. At sandaang panahon pa minsan nabibigyan ng pagkakataong magsama ng panandalian.

Ito'y kaunting sandali at posible lang na nangyayari sa tuwing magkakaroon ng eklipse... pagkatapos balik ulit sa dati.

ORASAN na ang kamay ay magtatamang
panandalian at naghihiwalay ng pangmatagalan.

ASYMPTOTE at PARALLEL, mga linyang nagkakalapitan pero magkaiba ang direksyon na patutunguhan.

ARAW at BUWAN na nagsisilbing liwanag sa kadiliman pero hindi pwedeng gawin ng sabayan.

Sa paglipas ng oras ay unti-unti na akong naliliwanagan. Ito'y epekto lang pala ng aking nararamdaman na minsan ko na ring pinagdaanan. Karanasang hindi ko na matatakasan at sa puso ko'y babaon kailanman.

Mga bagay na konektado sa buhay ko. Mga bagay na minsan nakukumpara sa tao. Mga bagay na sati'y hindi na rin bago.
Mga bagay na DI ITINADHANA PERO MINSANG PINAGTAGPO.

@siprinxesa

A/N: If you like this entry please don't forget to vote, comment, and share these works of mine. Tysm poets!

ShespokeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon